Facebook

Customs ang salarin sa pagkalat ng shabu sa Pilipinas

KILO-KILONG high-grade shabu ang nasabat ng mga kagawad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Linggo sa magkahiwalay na operasyon sa Parañaque City at Imus, Cavite. Congratulation PDEA Director General Wilkins Villanueva.

Ang droga ay nakalagay sa pakete ng Chinese tea. Arestado rito ang dalawang Tsekwa.

Unang nadale 3:30 ng hapon si Zhizun Chen, 38 anyos, at residente ng Tower 2 sa Soler st., Binondo Manila, sa parking ng S&R sa Barangay Baclaran, Paranaque City.

Front ng demonyong ito ang pagtitinda ng auto supply. Nasa 38 kilos ng shabu ang kabuuang nakuha sa kanya.

Unang nabilhan si Chen ng 1 kilo ng nagpanggap na buyer ng PDEA agent. Tapos nakuha pa sa kanyang sasakyan ang 37 kilos ng droga.

Sumunod na nalambat ng PDEA ay si Jose Baluyot Wong alyas Manluok Wong bandang 4:00 ng hapon sa Villa Nicacia, Tanza Numa 6 sa Imus, Cavite. Mas malaki ang nasamsam na shabu sa pesteng ito, 117 kilos!

Lahat lahat, umabot sa 155 kilos ng shabu ang nasamsam ng PDEA sa dalawang illegal drug suppluers na mga Intsik na ito. Higit P1 bilyon ang halaga nito sa merkado.

Mantakin nyo, mga suki, kung ‘di nadale ng PDEA at naikalat sa merkado ang drogang ito, tiyak marami ang mabubuang at masisirang pamilyang Pinoy rito. Sigurado ring maraming krimen ang maidudulot nito.

Ang tanong: Paano nakakapasok sa bansa ang mga kontrabandong ito nang hindi manlang namalayan ng Bureau of Customs?

Oo! Paano ito nakalusot sa bakuran mo, Customs Commissioner Leonardo “Jagger” Guerrero, Sir?

Hindi sa tinatawaran natin ang kakayahan ni Jagger. Isang retired Army General ito eh. Produkto ng PMA. Bihasa sa intelligence. Pero hindi yata obra ang tinik niya sa Customs?

Kunsabagay maging ang mga nauna sa kanya na mga produkto rin ng PMA na sina Capt. Nicanor Faeldon at Gen. Isidro Lapeña ay nagpayaman lang este nasira rin sa Customs.

Si Faeldon ang BoC Commissioner nang makalusot ang roller ng printing machines na naglalaman ng higit P6 billion ng shabu na nabuking sa isang warehouse sa Valenzuela City kungsaan ang mga sangkot ay dabarkads ng mga anak ng Presidente na mga Intsik na sina Charlie Tan at Kenneth Dong.

Actually ang nahuling droga sa Valenzuela ay last shipment na. May naunang dalawang shipments pa rito, ayon sa imbestigasyon ng Senado nung 2019.

Sa liderato naman ni Lapeña nabunyag ang iron lifters na naglalaman ng bilyon bilyong piso na halaga ng shabu na inabandona sa loob ng Port of Manila. Ang ilan pang iron lifters ay natunton sa isang warehouse sa Cavite pero wala nang laman.

Walang nangyari sa kaso ng mga taong sangkot dito.

Tapos ito uli, sa pamamahala ni Guerrero, sa huling taon ng termino ni Duterte, bumabaha na naman ang shabu. At tila mas malala ngayon. Sa merkado na nahuhuli ang kilo-kilong droga. Ibig kong sabihin ay nakalabas sa pintuan ng Customs. Magkano kaya ang naging usapan, Pangulong Paul G?

Hindi kasi puede sabihin na dito sa bansa ginagawa ang mga nahuhuling shabu na nakalagay sa Chinese tea packs. Sa ibang bansa ito galing, dumaan sa pintuan ng Pilipinas, na ang bantay ay ang Customs.

Ipagpalagay na dito sa Pinas ginawa ang mga shabu na ito, sa ibang bansa parin galing ang kemikal na gamit dito. Sa pintuan parin ng Pinas ito dadaan. Right? Kaya Customs ang salarin sa kumakalat na shabu sa ating bansa. Mismo!

The post Customs ang salarin sa pagkalat ng shabu sa Pilipinas appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Customs ang salarin sa pagkalat ng shabu sa Pilipinas Customs ang salarin sa pagkalat ng shabu sa Pilipinas Reviewed by misfitgympal on Hunyo 15, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.