Facebook

Kredito

HINDI istilo ni Sonny Trillanes ang humiyaw, tambolin ang dibdib tulad ni Tarzan, at itaas ang mga kamay sa gitna ng anumang tagumpay. Hindi madramang tao si Sonny Trillanes, ngunit maprinsipyo sa maraming usapin ng bayan. Hindi siya nagbunyi nang bigyan daan ng Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) ang sakdal na crimes against humanity na kanilang iniharap ni Gary Alejano laban kay Rodrigo Duterte at mga kasama.

Isang malaking kredito kay Sonny Trillanes at Magdalo na dalhin ang isyu ng malawakang patayan sa ICC. Nasa kasagsagan ng mga patayan at rurok ng kapangyarihan Duterte nang dalhin ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 ang sakdal sa ICC. Walang nangahas sumalungat kay Duterte noong mga panahon na iyon at pawang natatakot sila sa poder ni Duterte. Sumalungat si Leila de Lima at agaran na ikinulong.

Katahimikan ang isinukli ng maraming nagpapanggap na lider. Sinuportahan ng marami ang digmaan kontra droga ni Duterte at mga EJK at pang-aabuso sa poder. Nilibak si Trillanes at pinintasan ang sakdal na iniharap sa ICC. Kinantiyawan at sinabing sa basurahan ng kasaysayan pupulutin ang sakdal. Tiniis ni Trillanes ang pangungutya. Hindi iniurong ang sakdal laban sa umaastang diktador. Tuloy lang habang sumama ang ibang grupo sa sakdal at nagharap ng kanilang mga sariling ebidensiya.

Walang ibang grupo ang nakaisip ng sakdal ni Trillanes at Alejano sa ICC. Walang motibong pulitikal si Sonny Trillanes nang iniharap nila sa sakdal sa ICC. Natalo si Sonny Trillanes sa bise presidente noong 2016. Plano niyang tapusin ang natitirang tatlong taon sa kanyang termino bilang senador. Plano niyang magretiro sa pulitika. Dahil hindi siya mangangalakal o corporate citizen, plano niyang magturo. Naging titser siya sa dalawang pamantasan mula nang matapos ang kanyang termino noong 2019: Ateneo University at University of the Philippines.

Ngunit matindi ang tawag ng panahon; marami ang pinapatay batay sa hinala. Pinakamadali ang nagwalang bahala at tumahimik noong mga panahon na iyon, ngunit minarapat niya ang kumibo at sumalungat sa gitna ng panganib. Hindi siya nagwalang bahala at mas lalong hindi sumuporta kay Duterte kahit iyon ang pinakaligtas sa lahat.

Galit na galit sa kanya si Duterte at tinawag siyang “sundalong kanin.” Ngunit sundalong kanin ba ang sumalungat sa mamamatay tao? Pinagbalakan siya ni Duterte, Jose Calida at pangkat ng Davao na ibalik siya sa kulungan. Pinawalang bisa ang amestiya na ibinigay sa kanya ni Noynoy Aquino. Nawala (o sadyang iwinala) ni Calida ang mga papeles ng kanyang amnestiya. Hindi nagklik ang kanilang maitim na balak. Hindi nila napakulong si Sonny Trillanes sa anumang bilibid sa bansa.

Taon 2021. Nag-iba ang ihip ng hangin. Nagklik ang iniharap sa ICC na sakdal na crimes against humanity ni Sonny Trillanes at Gary Alejano. Maaaring bumaba ang tuwirang utos ng ICC na umpisahan ang pormal na imbestigasyon laban kay Duterte at mga kasama tulad ni Calida, Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, at iba pa.

Kapag nagtuloy-tuloy ang imbestigasyon sa ICC, maaaring iutos ang pagdakip at pagkulong kay Duterte at iba pa kahit nasaan sila. Hindi sila bibiruin ng ICC. Maaaring mangyari ito s taong ito o 2022. Hindi si Sonny Trillanes ang kinakabahan sa takbo ng mga pangyayari. Biglang tumahimik si Duterte at kasama at mababanaag ang sobrang nerbiyos sa hanay nila. Hindi nila malaman kung paano nila haharapin ang lahat. Umaasa sila sa payo ni Herminio Roque (ito ang tunay niyang pangalan), ngunit hindi siya kilalang matinik na manananggol. Maingay lang.

***

MATINDI ang laban ng Grupong Davao sa 2022. Hanggang ngayon, hindi malinaw kung si Sara Duterte o Bong Go ang ilalaban. Hindi malinaw kung tuloy-tuloy na mapapasabak ang sinuman sa kanila. Dahil walang kabusugan at nuknukan ng sinungaling, naniniwala kami ni si Sara ang patatakbuhin. Matindi ang laban nila kahit sa kanilang kaalyado na si Manny Pacquiao.

Hindi basta-basta ibibigay ni Mane ang panguluhan ng PDP-Laban. Kung aalisin siya ng mga taga-Davao, paduduguin muna ni Mane sa hirap ang kanyang mga kakampi sana sa naghaharing koalisyon. Nakakuha ng kakampi si Mane kay Koko Pimentel na may sariling paksyon sa PDP-Laban. Ang ama ni Koko na si Nene Pimentel ang isa sa mga nagtatag ng PDP-Laban noong panahon ni Ferdinand Marcos – 1982.

Si Nene ang isa sa may malaki at mahalagang papel upang yumabong ang lapian. May makulay na kasaysayan ang PDP-Laban lalo noong panahon ng diktadurya. Hindi dapat ipagwalang bahala ng grupong Davao ang kasaysayan ng lapian sa kasaysayan ng bansa. Kaya mahal ng paksyon ni Koko ang lapian. Hindi ito basta maaagaw ng paksyon ng Davao City ng ganoon lang. Hindi ito nakita at naramdaman ni Duterte at grupong Davao.

Akala nila ganoon lang kadali. Hindi nila kabisado ang kasaysayan ng bansa lalo na ang pulitika. Kaya may matinding bakbakan sa hinaharap.

***

MAPAPANSIN na totoong hindi katanggap-tanggap ang Sinovac sa bansa. Bukod sa tinatanggihan sa maraming bahagi ng bansa, hindi ito katanggap-tanggap sa Davao City. Patunay na ang malaking bahagi ng mga donasyon na Pfizer sa bansa ay napupunta sa Davao City na may pinakamaraming bilang ng mga nagkakasit ng Covid-19.

Ano ang masasabi ng alkalde ng siyudad sa isyu? Maski ng pangulo na palaging tulog?

***

PATULOY pa rin sa operasyon ang sindikato na nagpapanggap ng kakampi ng Bise Presidente Leni Robredo. Pero magaling ang mga tulisan na nasa pamumuno ni Boy Solicit. Patuloy ang paghihingi ng “abuloy sa pakikibaka para sa demokrasya.” Kadalasan, ang mga biktima ay mga OFW na nakabase sa ibang bansa. Hindi kasi nila alam ang tunay na pagkatao ni Boy Solicit.

***

MGA PILING SALITA: “Rodrigo Duterte’s fascist agenda and inclination has become known to the world community because of his bloody but failed war on drugs, which has led to many EJKs. and the current charges of crime against humanity against him and his ilk. His fascistic tendencies were reconfirmed by his insistence to Congress to enact the bill proposing to lower to nine years the age of criminal responsibility. This law did not get support because many lawmakers understood that it was against the fundamental precept of children’s welfare. We take care of our children, not punish them. We do everything to bring wayward children to the path of the right and promote their welfare.” – PL, netizen

“Huwag magpapakuha ng larawan na naka-Duterte fist salute. Hindi natin alam ang bukas. Maaaring gamitin iyan laban sa iyo.” – Ba Ipe

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Kredito appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Kredito Kredito Reviewed by misfitgympal on Hunyo 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.