Facebook

Posibilidad ba ang Duterte-Duterte dynasty?

PAG-USAPAN na natin ng maaga ang posibilidad na ito. Maari nga bang magkroon ng Duterte-Duterte Dynasty o DDD na maghari sa buong Pilipinas?

Harapin na ang senaryong ito dahil nakalatag na ang mga baraha. Ang ruling party na PDP-Laban ay naglabas na ng opisyal na resolusyon na humihikayat kay PDuterte na tumakbo bilang Vice-President sa 2022. Binigyan din siya ng partido ng kapangyarihan na siyang pumili ng kanyang magiging Presidente. Bakit nga ba itinuring pa nila na sila ay partido kung isang tao lang naman pala ang magdedesisyon?

Matatandaang bago ang resolusyon ng PDP-Laban ay binalot na ng mahiwagang mga kamay ng Sara Duterte tarpaulin ang buong bansa. Nagpalipad-hangin din ang Go-Duterte pero alam naman ng lahat na walang sariling mundo si Bong Go dahil ang kinalakhang papel nito ay magsilbi sa isang dinastiya. Bagong pasok na baraha si Gibo pero dahil walang poder sa kasalukuyan, mukhang naghahanap lang din ito ng bukas na pinto sa pagbabalik-pulitika. Lumalabas lang na ang kanyang pagbabalik ay nakasalalay ng malaki sa basbas ng isang dinastiya.

Pero uubra nga ba talaga ang Duterte dynasty sa konteksto ng buong bansa?

Hindi lingid sa ating kaalaman na naging posible ito sa kasaysayan sa nakalipas na libu-libong taon kung saan ang ebolusyon ng makauring paghahari ay dumaan sa ganitong mga yugto, hanggang sa sila’y mapalitan ng bagong sistema ng pamamahala sa pamamagitan ng mga rebolusyon.

Kingdom, empire, dynasty. Ang lawak ng mga ito ay nakabatay sa saklaw ng kanilang pinaghaharian. Ang kanilang pagkakaiba ay nasa depinisyon ng mga ito na agad nating makikita online:

“A kingdom is usually a nation that is ruled by a monarch. An empire can be said is a large kingdom. It is traditionally larger than a kingdom and may consist of many different regions and nations under its control. A dynasty is the series of rulers or dynasts from one family.”

Ganito rin sa esensya ang sinasabi ng isa pang depinisyon:

“An empire is a territory ruled by an emperor or empress that may contain one or more kingdoms.

A kingdom is a territory ruled by a king that may contain one or more smaller constituent political entities. A dynasty is a line of rulers descended from one family.”

Ang konsepto ng dynasty ang nagtatahi sa mga uri ng paghaharing ito. “Series of rulers or dynasts from one family. “Line of rulers descended from one family.” Ang dinastiya, sa madaling salita, ay paghaharing namamana batay sa linya ng pamilya. Present ang ganitong tradisyon sa lahat ng naging kingdom at empire, o sa lumang dinastiya ng kapitbahay nating China.

Wala ito sa depinisyon, pero kailangang banggitin na bukod sa karangyaan ng kanilang korona, isa ring komon sa kanila ay ang pagiging pasista. Hari at alipin ang relasyon. Kayamanan ng isang pamilya habang paghihirap sa lahat.

Sabi ng kaklase ko, hindi ba’t lesson na lang ito ngayon sa subject na Western at Asian history, brad? Bakit naman natin gugustuhin na bumalik sa ganitong sistema na napalitan na ng republika at liberal na demokrasya sa pamamagitan ng mga rebolusyon?

Iyon nga mismo ang katanungan. Dahil nangyari ito noon, theoretically pwede pa rin itong mangyari ngayon, kung, at isang malaking KUNG, papayagan itong manumbalik ng sovereign public ng republika ng Pilipinas.

Dangan kasi ay nangyayari pa rin ito ngayon sa ilalim ng sistema ng “elitistang demokrasya”. Political dynasty ang tawag dito – ang sistema ng paghahari ng mga political clans sa mga bayan at probinsya sa buong Pilipinas. Mayroon tayong 81 na lalawigan at 1,488 na syudad at munisiyo na pinaghaharian ng iilang pamilya na nagsasalit-salitan lamang sa poder. Kilalang kilala ninyo sila sa inyong mga lugar. Sila ang mga pamilyang sikat, siga, mayaman, at makapangyarihan.

Ang hindi pa nangyayari ay dinastiya ng isang pamilya na uupong magkasabay sa pinakamataas na posisyon bilang Presidente at Bise Presidente ng bansa. Alam nating nangyayari na ito sa lokal na konteksto katulad sa Davao, maging sa mga modernong syudad katulad ng Makati, Las Pinas, Taguig, Valenzuela, Quezon City, at iba pa. Salitan na maari pa nilang ulit-ulitin sa dahilang sa kanila ay wala nang gusto pang lumaban.

Sa senado ay nangyari na rin na mag-ina at magkapatid mula sa dinastiya ay naupong sabay. Pero maari nga kaya na may emperyo ng isang pamilya na lilitaw para pamahalaan ang iba pang mga kaharian sa buong Pilipinas? Napakalaking katanungan.

Nasa iyo ang tanong kung payag ka ba dito, kabayan? Huwag nang tanungin ang damdamin ng mga dinastiya tungkol dito dahil lalo lang silang ginaganahan habang nagpapaliwanag. At tiyak sa dulo ng kanilang paliwanag, katulad ng paliwanag ng antigong mga hari noon, na sila ay itinadhana sa kanilang trono ng mapagpalang panginoon.

The post Posibilidad ba ang Duterte-Duterte dynasty? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Posibilidad ba ang Duterte-Duterte dynasty? Posibilidad ba ang Duterte-Duterte dynasty? Reviewed by misfitgympal on Hunyo 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.