IBANG klase pala mainis ireng si Giannis Antetokounmpo. Aba’y tinapos nila ang Suns sa Game 6 ng kanilang serye para sa korona ng NBA.
Bale matapos m-two-zero sila ng Phoenix sa unang dalawang game ay naka-4 straight sila ng panalo kaya naging 4-2 sa dulo.
Kitang-kita mo sa mga mata ng Greek Freak ang determinasyon na magwagi. Ibang klase mainis o magalit. Kaya lumabas yung kanyang grabeng galing at umiskor ng 50 na puntos upang makamit ng Milwaukee ang tropeo pagkatapos ng 50 taon na paghihintay. May nagsasabi na siya na raw pinakasikat sa buong mundo. Tapos na raw ang era nina James ar Durant.
***
Tinatanong naman ni Ka Berong ano ang gagawing resbak ng Lakers na pinagbakasyon ng Suns sa unang round ng playoffs.
Sa ganang atin ay best move nila kung makumbinsi si Chris Paul na mag-opt out sa player option niya sa Phoenix. Oo kahit $44M ang nakatakda niyang na sahod sa susunod na season.
Dapat marealize ng lider ng mga player na mas mahalaga ang singsing kaysa sa kwarta. Importante rin ang pangarap nila ng matalik niyang kaibigan na si LeBron James na magkasama sa isang koponan bago sila magretiro. Nasa twilight na sila pareho ng kanilang mga career. Kapwa 36 anos nguni’t wala pang ring si Paul samantalang si LBJ nakaapat na.
Ibig bang sabihin may Big 3 na sa Hollywood. Posible pero pwedeng hindi ang pangulo ng NBAPA ang ikatlo. May balita rin kasi na interesado ang Lakers kay Russell Westbrook. Makukuha lamang siya ng LA kung may trade na papayag ang Washington. Diumano’y sina Dennis Scroder ,Kyle Kuzma, Kentavious Caldwel-l Pope at baka pati si Talen Horton-Tucker ang ma-iinvolve sa palitan. Higit itong kumplikado nguni’t pwedeng maganap.
Abangan natin ang mga kilos ni Rob Pelinka sa darating na mga araw lalo na makalagpas ang Rookie Draft at Tokyo Olympics.
***
May 19 tayong atleta na lalahok sa Tokyo Olympics. Sana ipagdasal natin silang lahat upang may maka-ginto na sa kanila.
Uhaw at gutom na ang Pilipinas sa gold medal. May dalawa na ngang mayayaman ang nangako ng tig-sampung milyong piso kung sakali may makapag-uwi ng matagal na nating inaasam-asam. Mabuhay ang manlalarong Pinoy!
The post Nainis si Giannis! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: