
NGAYON lang napagkaisahan ng mga local government units (LGU) sa National Capital Region (NCR) na dapat ay bakunahan nila maski ang mga residente ng ibang lungsod.
“Now, we are going to vaccinate as one,” ani Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos. Ang tanging dapat gawin ng magpapabakuna ay kumuha ng schedule at QR code at ayun, pwede na siya magpabakuna sa anumang LGU sa loob ng NCR.
Sa totoo lang, matagal na itong ginagawa ni Mayor Isko Moreno sa Maynila. Di lang pagdating sa bakunahan inaakap ni Moreno ang mga hindi taga-Maynila.
‘COVID-19 is a universal problem that must be approached inclusively.” Yan ang kanyang batayan sa pagyakap sa mga hindi taga-Maynila pagdating sa mga libreng serbisyo na may kinalaman sa coronavirus. Tama naman si Mayor Moreno. Walang kinikilalang boundary ang COVID-19 at ang mga tao ay nagpapalipat-lipat lang ng lungsod dahil sa trabaho o negosyo o anumang mga pangaraw-araw na gawain kaya dapat lang na protektahan lahat ng dumadako sa lungsod, kahit pa hindi sila residente sa Maynila.
Ani Moreno, dalawang bagay lang ang pupuwedeng mangyari. Kundi mahawaan ng taga-Maynila ang hindi taga-Maynila o baligtad.
Kabilang na sa mga libreng serbisyo na mahalaga ngayong pandemya at ibinibigay din nang libre sa mga naninirahan sa ibang lungsod na napapadpad sa Maynila ang mamahaling swab test sa ilalim ng napaka-epektibong pamamahala ni Sta. Ana Hospital director, Dr. Grace Padilla.
Maging ang mass vaccination program na pinamumunuan nina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan ay bukas din para sa mga nagtatrabaho o nagnenegosyo sa Maynila kahit di sila dito naninirahan.
Ang modern at 344-bed capacity Manila COVID-19 Field Hospital na pinamumunuan ni director, Dr. Arlene Dominguez, ay bukas din sa mga hindi taga-Maynila.
Maging ang mga mamahaling gamot na Remdesivir at Tocilizumab na nakapagliligtas sa kamatayan ng mga COVID patients ay ipinahihiram din ni Mayor Isko sa mga ospital sa labas ng lungsod at binibigay naman nang libre sa mga pasyenteng nangangailangan nito kahit pa di taga-Maynila.
Muling pinatunayan ni Mayor Moreno na ang Maynila ang siyang nagsisilbing leader pagdating sa galing ng pamumuno. ‘Yung mga bagay na hindi pa naiisip ng iba, ginagawa na sa Maynila.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.
The post Desisyon ng NCR-LGUs, matagal nang ginagawa sa Maynila appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: