Facebook

KALTAS-BUWIS SA PETROLYO, TAO ANG MAKIKINABANG: YORME ISKO

NAKAKUHA ng malakas na suporta sa Kamara de Representantes ang panukala ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa plano niya na kaltasan ng 50 porsiyento ang buwis sa mga produktong petrolyo.

Sa maraming ‘Listening Tour’ na ginagawa ni Yorme Isko, maraming ulit na ipinangako niya na babawasan ang excise tax ng langis kung siya ang mananalong pangulo sa darating na eleksiyon sa Mayo 2022.

Ikinatwiran ng kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko na malaki ang matitipid sa pagbawas ng buwis sa langis at ang makikinabang nang husto ay ang karaniwang pamilyang Pilipino at ang mga negosyo at industriya sa bansa.

Mas maraming pasada sa mga publikong transportasyon, mas maraming pasahero at produkto ang mahahango at madadala sa maraming lugar na ang bunga ay dobleng sigla at buhay sa ekonomya na pinerwisyo ng kalamidad at ng pandemyang COVID-19.

“Mas kikita ang mga namamasada, maraming commuter ang makapapasok sa kanilang trabaho, at kung kikita ng malaki, maraming pambili at sisipa ang ekonomya,” sabi ni Yorme.

Ang planong kaltas sa buwis sa langis ang isa sa sentro ng mensaheng sinasabi ni Isko sa ginawang “Listening Tour” sa mga binisitang lalawigan ng Tarlac, Pampanga at Cebu nitong nakaraang linggo.

Sa Cebu, sinabi ni Moreno na tama at makabubuti sa kabuhayan ang kanyang panukalang bawas sa excise tax.

Aniya, walang mali sa kanyang mungkahi at ito ay posibleng magawa.

“… Alam n’yo ba sa Kongreso ngayon, apat na bills ang na-file bigla para sa suspension of excise tax. Sinabi ko ‘yun about three weeks ago, tapos may nag-author na four days ago,” sabi ni Yorme Isko.

“Kung mali ako, bakit makakaisip din ‘yung isang congressman na hindi ko kapartido,”sabi ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.

“Kung walang sense ang sinasabi ko, who would file that bill? I am an optimistic guy. Sana mapasa para wala na akong utang sa inyo. At least nagising sila sa konsepto at ideya ng isang batang basurero,” sabi ni Yorme Isko Moreno.

Nitong Nob. 2, inihain ni Albay Rep. Jose Ma. Clemente S. Salceda, tserman ng House Committee on Ways and Means, ang House Bill 10438 na nagpapanukalang ibaba ang excise tax sa mga produktong langis sa loob ng anim na buwan, kasama ang zero tax krudong diesel.

Sa tantiya, aabot sa mahigit na P55 billion ang malulugi sa gobyerno kung pagtitibayin ang panukala ni Salceda.

Kung mangyayari ito, sinabi ni Salceda na mula P10 kada litro, magiging P7 na lamang ang presyo ng diesel bawat litro.

Paliwanag ni Salceda, diesel ang karaniwang gamit ng mahihirap sa ibinibihayeng sasakyan at mga makinang gamit sa bukid at iba pa.

Karaniwang gamit din sa pagluluto ay ang kerosina at ang pagbawas sa presyo ng mga produktong ito, malaki ang magiging pakinabang na mahihirap at karaniwang pamilyang Pilipino.

“Diesel is the poor man’s transport fuel. Tricycles, motorcycle delivery riders, farmers, and jeepney drivers use diesel for their vehicles. Kerosene is the poor man’s cooking fuel. I believe that the biggest reduction should be on these commodities,” paliwanag ni Rep. Salceda.

Sa pagkaltas sa buwis ng langis, mababawasan din ang singil sa mataas na presyo ng koryente, at makikinabang dito ang mga negosyo at industriya sa pagawaan, pabrika at iba pang umaasa sa koryente, sabi ni Yorme Isko.

“Malaking bawas ito sa gastos at malaking tipid sa maraming pamilyang Pilipino, lalo na sa mga nawalan ng trabaho at naperwisyo ng COVID-19 pandemic, “sabi ni Isko.

Kung mas maraming kinikita ang mga operator at tsuper ng public utility vehicles (PUVs), hindi na sila hihingi ng dagdag sa pamasahe, at kung 50 porsiyento ang matitipid sa bayad sa koryente, mas maraming pagkain sa mesa ng pamilyang Pilipino.

“Mas marami ring pera ang tao na maipambibili ng kanilang basic needs, tulad ng gamot, at iba pang gamit sa bahay,” sabi ng alkalde ng Maynila.

Aniya, mahirap maibaba ang gastos sa paglikha ng elektrisidad, pero sa pagkaltas sa excise tax, liliit ang babayaran ng mga gumagamit ng koryente.

“… Bawasan natin ang buwis sa koryente ng 50 porsyento. Mababawasan ang kita ng gobyerno pero ang tao ang panalo dahil sa malaking pera na kanilang matitipid,” sabi ni Yorme Isko.

The post KALTAS-BUWIS SA PETROLYO, TAO ANG MAKIKINABANG: YORME ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
KALTAS-BUWIS SA PETROLYO, TAO ANG MAKIKINABANG: YORME ISKO KALTAS-BUWIS SA PETROLYO, TAO ANG MAKIKINABANG: YORME ISKO Reviewed by misfitgympal on Nobyembre 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.