Facebook

AYUDA SA MAGSASAKA

LILISAN na sa puno ng Balite ng Malacanan ang pamahalaan ni Totoy Kulambo, nariyan pa rin ang iba’t – ibang usapin na tunay na binabalikat ni Mang Juan. Hindi na kumilos ang Inferior Dabaw Group (IDG) upang ibsan ang mga usapin ng mga magtatanim ng kamatis na patuloy na nabubulok ang mga produkto. Walang kilos ang nagnanais na manatili sa pwesto ng Kagawaran ng Agrikultura sa hinaing ng mga magkakamatis. Ang maibaba sa mga palengke partikular sa kaMaynilaan ang mga produkto nila.

Sa kasalukuyan inibig na lang na mabulok ang mga kamatis sa halip na ibenta ng palugi at ng hindi masira ang presyo sa susunod na panahon. Ang masakit walang ayudang makamit ang mga mangangamatis sa pamahalaang ito na patuloy na inuuna ang sariling takits dahil sa pagtatapos na ang kapit sa pwesto. Hindi lang ang halaga ng produkto ang usapin kundi walang kilos ang Kagawaran ng Agrikultura na maghanda sa sitwasyon tulad ng pagdagsa ng ani na lubhang mahalaga sa mga magsasaka. Walang ibig kumilos sa kagawaran na itulak pababa ang mga produkto. Mukhang nagbubulag bulagan at nagtetengang kawali sa sitwasyon ng mga magsasaka. Walang ibig gumalaw maging ang mga LGUs na sumasakop sa mga taniman ng mga kamatis. Tapos na nga ang halalan kaya tapos na ang pakinabang kay Mang Juan manananim.

Tila nasa iisang bangka ang sitwasyon ng mangangamatis sa mga magsasaging sa probinsya o rehiyon ng IDG. Sa panahon ng tag-ani ng saging sa Dabaw, makikita sa tabi ng mga kakalsadahan ang mga inaning saging na naghintay ng ayuda kung paano ito makararating sa mga mamimili. Walang gumagalaw dito at maghapon magdamag sa tabi ng kakalsadahan na hinahayaan na lang mabulok. Walang gumagalaw at patuloy na pinababayaan at bahala ng masira kung hindi rin maganda ang presyo. Kung may gustong bumili hindi sa presyong ibig ng mga magsasaka, hayun hayaan na lang ito sa tabi ng kalye. At walang pakialam ang mga taga kagawaran ng agrikultura maging ang mga LGU sa kalagayang ito. O dahil may mga padrinong mga haciendero na kumokontrol sa halaga ng saging at kung hindi ito ipapasok sa kanila, yaeh na ang mga magsasaging. Ang ganda ng halaga ng saging ay makakamtan kung ito’y tunay na galing sa mga may-ari ng hacienda.

Sa kabilang banda ng pagsasaka, ang mga magsisibuyas ng Nueva Ecija hindi nalalayo ang sitwasyon kung ano ang kaganapan sa mga mangangamatis at magsasaging. Hindi kontrolado ng magsisibuyas ang presyo ng kanilang produkto lalo’t malaki ang interes dito ng ilang halal na pinuno ng mga lokal. Ang presyo ng sibuyas ay naka depende sa kung magkano ang presyo ng mga malalaking nagmamay-ari ng sibuyasan. Tuwirang ang pagdidikta ng presyo ng sibuyas lalo’t kailangan ng mabilisang pagtutulak ng mga produkto dahil may kabilisan itong mabulok. Kung ano ang presyo ng negosyante walang magawa si Mang Juan magsisibuyas at malamang na mabibili ang produkto sa presyong ibig nito.

Ang masakit dito, naitatago o naitatabi ang mga sibuyas sa mga cold storage ng ilang panahon at pag-ubos na ang supply sa merkado, nariyan na unti unti inilalabas sa mas mataas na presyo na higit sa doble ng pag-angkat. Higit doble o triple ang kita ng mga negosyante kontra sa mga magsasaka na siyang naglilinang ng sakahan nito. Saan pa’t may pera na may pasilidad ang mga tusong negosyante na umiipit sa produkto upang mapataas ang presyo.

Sa totoo lang, ang usapin ng pagbaba ng mga produkto ng magsasaka’y lalo sa panahon ng tag-ani ang pinaka malaking usapin ng mga ito. Hindi sa hindi naghahanda si Mang Juan magsasaka, ang kakulangan sa mga pasilidad sa baba ang pangunahing usapin, walang mga cold storage, mahina ang irrigation at maging ang puhunan sa pagtatanim. Maraming sakahan hindi lang ng palayan ang makikitang walang pananim dahil hindi sapat ang mga pasilidad na inihahain ng kagawaran upang linangin ang mga ito. At kung may mga lugar na tuloy tuloy ang pagsasaka, nariyan ang kawalan ng transportasyon na magbaba ng mga ani o produkto.

At madalas na mga usurerong dayo ang namimili ng mga produkto, asahan ang baratan sa presyo ng mga ani na halos ibigay na lang ito sa mga usurero. Walang pag-asa na lalakas ang kita ni Mang Juan kapalit ng agaw buhay na pag-aararo o paglinang sa mga taniman na kanilang kinatandaan. Masakit pa nito, hindi hinihikayat ng mga magulang ang mga anak na ipagpatuloy ang pagsasaka dahil sa baba ng kita at hindi naman sapat makapagpa-aral para sa kinabukasan. Tunay na walang ayuda ang pamahalaan sa mga magsasaka lalo sa produksyon na kinukunsumo mismo ni Mang Juan. At tiyak na hindi magtutuloy-tuloy ang produksyon ng mga ito kung walang ayuda mula sa pamahalaan na nagpapaganda sa kita na naghihikayat sa mga anak nito na ituloy ang tradisyon ng amang magsasaka. Bakit?

Sa tanong sa itaas, malinaw sa pagsasaad, na ang mga haciendero ang nagdidikta ng kalakaran sa bukid. Hawak nito ang makinarya at puhunan na siyang nagdidikta kung ano ang mangyayari sa sakahan, binhi, presyo, taguan at bentahan ng mga produkto. Ang mga magsasaka’y tunay na taga tanim o taga saka lang kahit sabihin pang may maliit itong sariling sakahan. Hindi nila hawak ang produktong matagal nilang kinakalakal ang kanila’y sadyang magtanim at bahala ang mga walang pusong haciendero sa mga kanayunan, na siyang hari o pinunong bayan sa kanilang mga lokal na namumuno. At hindi madama ang presensya ng pamahalaan upang maproteksiyunan ang mga manananim.

Ngayon papasok ang pamahalaan ni Boy Pektus, tila may nakikitang liwanag ang mga magsasaka dahil sa hindi iaasa sa kamay ang Kagawaran ng Agrikultura, siya ang aaktong bilang kalihim. Nais nitong pamunuan ang Kagawaran ng Agrikultura upang ang pinangako ng panahon ng kampanya’y mapalakas ang sektor ang mismong itutulak nito. Ang maihatid ang tamang programa sa agrikultura at sa mga magsasaka patungo sa hapag ng bawat pamilyang Pinoy ang ibig tutukan ni Boy Pektus. Hindi nagdadalawang isip kailangan isulong ang mga tamang pagbabago sa agrikultura upang ipaabot ang murang bilihin para sa bayan. Ang mismong paghawak ang pagtitiyak na ang programa sa agrikultura’y tungo upang makamtan ng bansa ang self-sufficiency sa lahat ng subsektor nito. Wholistic ang pamamaraan ng paghawak upang masiguro na makakarating sa hapag ang mababang halaga ng produktong agrikultura..

Sa tuwirang paghawak ni Boy Pektus sa Kagawaran ng Agrikultura, may liwanag na darating sa madilim na lipunan na iiwan ni Totoy Kulambo. Ang laban sa kahirapan ang tutukan at ang pagpapalakas ng agrikultura ang susi sa tuloy tuloy ang pag-unlad na gagawin. Sa paghawak ni Boy Pektus sa Kagawaran ng Agrikultura’y masasabing nasa tamang daan ang lalandasin nito. Makikita tulad ng ama na nasa gitna ito ng sakahan kasama ng mga magsasaka na may hawak ng binhi na nagtatanim ng palay. Ang palabas na ito’y uulitin sa makabagong panahon na pagtitiyak ng paglalagyan nito sa kasaysayan.

Aasa na ang paghawak ni Boy Pektus sa DA ay hindi palabas lamang higit ang kagalingan ng bayan ang siyang habol para sa darating na panahon. Paghahanda para sa kinabukasan na nais ipakita na ang lahat ng kaganapan sa nakaraan ay pawang likhang isip lamang. At ang tamang kilos ang mag-aahon sa bansa sa kahirapan. Hindi magdududa ngunit hindi hahayaan na baguhin ang kasaysayan kung matanawan na pawang pagpapanggap ang inilatag na programa para sa bayan. Ang tuwirang paghawak ni Boy Pektus sa kagawaran ang ayudang aasahan??

Maraming Salamat po!!!

The post AYUDA SA MAGSASAKA appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
AYUDA SA MAGSASAKA AYUDA SA MAGSASAKA Reviewed by misfitgympal on Hunyo 21, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.