Facebook

ACT-CIS: BAGONG PAMUNUAN, MALINIS NA KALAKARAN SA CUSTOMS

IBINUNYAG ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS Party List Rep. Jeffrey Soriano, na may ilang importers ang humingi ng saklolo sa kanya at hiniling na maimbestigahan ang isang Customs officer na anila’y gumagamit ng kanyang posisyon upang makapangikil ng pera mula sa kanila.

“May mga importers na lumapit sa atin na nagrereklamo at nagpapatulong maimbestigahan ang isang nagngangalang Marivin C. Edrada na isa umanong Principal Examiner sa Sec 7 Port of Manila. Ang sumbong nila, iniipit daw ni Edrada na mailabas ang mga kargamento at container na laman ang kanilang mga produkto at tinataasan ang value nito para makakolekta ng mas malaking “tara”,” ayon kay Soriano.

Anang mambabatas, walang magawa ang mga importers at napipilitang magbigay na lang upang mai-release na ang kanilang mga kargamento dahil kung hindi ay maapektuhan lalo ang kanilang negosyo. “Lugi na nga sila dito, dahil minsan umaabot sa 100k yung hinihingi ni Edrada,” anang mambabatas.

Tiniyak naman ni Soriano na agad siyang maghahain ng House Resolution upang maimbestigahan ang bagay na ito.

“We intend to file a House Resolution investigating this matter. Matagal na may ganyan sa Customs, dapat na talagang linisin. Maraming negosyante, pati na rin ang mga maliliit na negosyante na umaasa sa mga produkto galing ibang bansa, ang nagsara ng negosyo ngayong pandemya dahil na rin sa ganitong pang-aabuso ng kapangyarihan sa Customs. Imbes na makaahon sila, lalo pa silang pinapahirapan at nasasadlak na malugi,” pahayag pa ng Assistant Majority Leader.

Tinukoy pa ni Soriano ang sinabi ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na ang korapsiyon ay walang puwang sa kanyang administrasyon, partikular na sa Customs.

Nagpahayag din siya ng tiwala na maaaksiyunan kaagad ito lalo na at kilala ang bagong Customs Commissioner na si Yogi Filemon Ruiz bilang isang aksiyon man, na galit rin sa korapsiyon.

“Sabi nga ni President Bongbong Marcos, corruption will have no more place in his administration, particularly in Customs. Bagong pamunuan, malinis na kalakaran na. Kasama tayo ng ating Pangulo na panagutin ang mga ganitong opisyales at empleyado ng pamahalaan na pansariling interes ang inuuna. Wala kayong lugar dito, lalo sa ilalim ng administrasyon ni PBBM. Tiwala tayo na maaksyunan agad ito dahil kilala ang ating bagong Customs Commissioner na si Comm. Yogi Filemon Ruiz bilang isang Action Man at galit sa korupsyon,” pagtiyak pa ni Soriano.

The post ACT-CIS: BAGONG PAMUNUAN, MALINIS NA KALAKARAN SA CUSTOMS appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ACT-CIS: BAGONG PAMUNUAN, MALINIS NA KALAKARAN SA CUSTOMS ACT-CIS: BAGONG PAMUNUAN, MALINIS NA KALAKARAN SA CUSTOMS Reviewed by misfitgympal on Agosto 07, 2022 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.