BUKAS na muli sa publiko ang Manila South Cemetery nitong Lunes, Oktubre 31, kasunod nang paggunita sa Undas.
Ayon kay MSC Director Jonathan Garzon, inaasahan na nila ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga taong bibisita sa sementeryo upang mag-alay ng panalangin at magtirik ng kandila sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay bunsod na rin nang dalawang araw na pagsasarado sa sementeryo.
Matatandaang ang naturang sementeryo ay isinara sa publiko noong Oktubre 29 at 30, dahil na rin sa pananalasa ng bagyong Paeng.
Upang maiwasan naman ang congestion, isinara na sa vehicular traffic ang bahagi ng P. Ocampo at South Avenue na patungo sa MSC.
Tiniyak rin ni Garzon na mahigpit ang ipinatutupad nilang seguridad sa naturang sementeryo para na rin sa kaligtasan ng mga taong bibisita doon.
Ang mga bisita ay isinasailalim umano nila sa inspeksiyon sa pagpasok sa sementeryo at mayroong hiwalay na lane ang mga babae, lalaki, mga may kapansanan, matatanda at mga bata.
May mga nakatalaga ring mga help desk at mga police assistance center na handang magkaloob ng tulong sakaling may mga taong mangailangan nito.
Mahigpit pa rin namang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga nakamamatay na sandata, mga flammable at matutulis na bagay sa sementeryo, gayundin ang mga nakalalasing na inumin, mga gamit na maaaring magdulot ng ingay, baraha at mga gamit sa pagsusugal at iba pa. (ANDI GARCIA)
The post MSC, bukas na uli sa publiko ngayong Undas appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: