
PARA matapos na ang isyu ng pagkukunan ng pondo ng pinapanday na Maharlika Wealth Fund, bakit ‘di nalang ang pork barrel ng mga kongresista at senador at intelligence/confidential funds ng mga ahensiya ng pamahalaan ang gawing seed fund nito?
Palagay ko ay wala nang aangal na mamamayan at mga kritiko kapag ito ang ipinondo sa MWF na isinusulong ng pamilya Romualdez-Marcos.
Nasabi kong ‘family bill’ ang MWF dahil ang mga pumanday nito ay ang mag-asawang House Speaker Martin at Tingog Partylist Reprsentatuve Yedda Marie Romualdez, pamangkin na si Ilocos Norte 1st Disrict Rep. “Sandro” Marcos na utos daw ng kanyang amang Pangulong “Bongbong” Marcos, Jr.. Na inayos naman ng political butterfly na si Albay Rep. Joey Salceda at ng noo’y nakulong sa ‘Plunder’ na si ex-Pres. Gloria M. Arroyo.
Sa tingin ko, kapag iminungkahi sa kongreso na pork barrel at intel o confidential funds nalang ang ipondo sa MWF, sa halip na pera ng SSS, GSIS at Central Bank, ay hindi ito makalulusot kahit sa committee level. Pramis!
Oo! Siguradong agad ibabasura ng mga mambabatas ang panukalang ito ng pamilya Romualdez-Marcos. Dahil kapag pinakialaman ang pork barrel nila, wala na silang maibubulsang kickback at mawawalan ng pambili ng boto sa eleksyon. Mismo!
Hindi na nga raw gagalawin ang pondo ng SSS at GSIS members/pensioners, pera nalang daw ng Central Bank ang ilalagak sa MWF. Araguy!!!
Hindi kaya mangyari uli ang nangyari sa panahon noon ni Marcos Sr. na nabangkarote ang Central Bank dahil sa mga katiwalian?
Para wala nang agam-agam, makabubuti na ibasura nalang itong MWF.
At para may magamit na pondo ang gobyerno at makaahon sa pagkabaon sa P13.6 trillion na utang, na gawa ng nakaraang Duterte administration, suspendihin muna ang bilyon bilyong pork barrel ng mga mambabatas pati na ang intel/confidential funds na bilyones din! Itong mga pondong ito ang ugat ng korapsyon kaya nagkahetot-hetot ang ekonomiya ng Pilipinas.
***
Bongga ang pa-Christmas party ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga mamamahayag na naka-beat sa kanilang headquarters.
Pinakamababa raw na papremyo ni Lt. General Jonnel Estomo ay P5K cash! at lintek daw ang dami ng foods. Wala nga raw umuwing luhaan sa aking mga kapatid sa propesyon. Many thanks, General! Pinasaya mo ang aking mga kapatid. Sana mapadalhan mo rin kami ng lechon sa opis. Ehek!
***
Kaya hindi maubos-ubos sa merkado ang shabu ay dahil nire-recycle ng mismong mga ahente pati opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kanilang mga nasasamsam na iligal na droga.
Ang pagkakahuli sa drug bust mismo sa opis ng PDEA sa kanilang District Office chief na si Enrique Lucero at agents Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno ay patunay na hindi na maayos ang PDEA. Puruhin natin si SPDO Chief, Gen. Kirby Kraft sa pagkatimbog nila sa mga anay sa PDEA.
The post Bakit ‘di nalang ang pork barrel at confidential funds ang gawing seed fund ng Maharlika? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: