
PINAGPALA at nabigyan pagkakataon na makadaumpalad ang mga personalidad na nagbibigay buhay sa demokrasya na iginupo ng halalan. Iginupo dahil ‘di malinaw kung tunay ang naganap na bilangan sa halalan na kung saan ilang oras lang ang nakalilipas halos batid na ang resulta kung sino ang nagwagi. Sa dami ng aberya sa oras ng pagboto hindi namataan ang bilis ng pagpasok ng bilang ng mga bumoto higit sa mga nanguna at nanalong kandidato. Masakit na kasaysayan ngunit may mga hindi tumigil at patuloy na isinusulong ang Kalayaan, Kapayapaan na nakamit tungo sa demokrasyang pambayan at ‘di sa iilan. Nariyan ang mga boses na nagpapahayag ng damdamin kahit may takot sa estadong hindi dumidinig sa katarungan. Katarungang pinagkait lalo sa mga laban ng dating pamahalaan na kumitil sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.
Sa isang pagtitipong pinuntahan, nakita na walang pagkiling sa sinumang tao o grupo o kulay ang pagsasama sama ng personalidad na nagsusulong ng demokrasya. Naroon na bukas sa lahat ng uri ng kaisipan higit sa mga nagtataguyod ng Kalayaan at Kapayapaan sa bansa. Walang bitbit na bahaging politika ang mga nagsidalo sa pagtitipon sa halip isinusulong ang hustisya sa mga biktima ng maling laban ng dating pamahalaan. Dumalo sa pagtitipon ang mga magulang, anak, kamag-anak ng mga hindi nakaranas na tanungin ng pamahalaan hinggil sa mahal sa buhay na kinitil ang buhay. Sumisigaw ang kamag-anak ng mga biktima ng katarungan ngunit nagtengang kawali ang estado lalo ang dating pangulo. Ngunit sisingilin ito ng ICC.
Sa pagtitipon walang bidang personalidad sa halip bukas sa bawat isa na ipahayag ang karanasan sa mga bagay na may kinalaman sa buhay at katarungan. Nariyan ang iba’t – ibang tindig sa lipunan na nag-ambag ng karanasan kung paano makapagpatuloy sa buhay at kabuhayan. May madre, pari, kabataan, pastor ng iba’t ibang relihiyon na naniniwala na kailangang makatawid at maipaabot ang mga dumanas ng kamalia’t karahasan sa buhay. Nagbahagi ang ilang na patuloy na kumikilos bilang ambag para maabot ang mga pamilyang sumisigaw ng katarungan at mapunuan ang pangangailangan sa buhay. May pagmumulat at patuloy na ginagawa na ipaalam ang dapat para ‘di maulit ang marahas na karanasan o sa hamon ng buhay.
Sa isang bahagi ng pagtitipon, nagpamalas ang mga bata o anak ng mga biktima ng karahasan ng awiting pamasko na pumitik sa puso ng mga nakikinig. Kita ang kagalingan ng mga bata sa likod ng takot sa pagkawala ng mahal sa buhay na lumisan sa mundo dahil sa karahasan. Maganda ng tugon ng mga nakikinig, nangako na hindi bibitaw sa kabataan lalo’t sa pagtataguyod sa kinabukasan ng mga ito. May binibini na ibibigay ang masaganang buhay para matutukan ang programang inilatag para sa pamayanan ng mga batang umawit. Ang kagandahan pa nito lalakipan ng programang kaakibat ng pagmumulat, pag-aalaga sa kapaligiran, pagmamahal sa kapwa at katarungan para sa lahat.
Sa pagtitipon hindi hahayaan muling dumilim ang lipunang kinabibilangan sa halip hinihikayat ang maraming may kakayahan na makiisa sa pagpapalaganap ng kabuhayang may hustisya sa mga pamayanan na kinikilusan. Hindi paawat ang maraming mapagmahal sa Kalayaan dahil batid na sa pagwawalang imik at kilos hindi malayo na babalik ang buktot sa bayan.
Sa pagtitipong walang kulay kulay, magkakasama ang magkaiba ang tindig sa paniniwala. Ngunit isinantabi ang mga para sa katarungan na may kailapan. Nakita ang lider simbahan sa iba’t dominasyon na dating hindi nag-uusap ngunit kitang nasisiyahan na muling nagkasama. Nariyan ang mga dating ‘di nag-uusap na isantabi ang pagkakaiba ng tindig na nagtsitsikahan. Isang patunay na ang katarungan ang isang usapin na hindi iba sa lahat at ito ang dahilan ng pagtitipon na naganap, katarungan para sa lahat.
Sa pagkikita kita ng mga dating magkakasama na pinaghiwalay ng paniniwala’y isang usapin na magbubuklod sa iisang grupo, ang katarungan. Sa pagbabahagi ng mga karanasan ng mga naulila malinaw na iisa ang layunin. Ang iisang tugon ng anumang grupo upang mas malakas na boses ang ipaabot sa kinauukulan. Itigil ang marahas na paraan ng laban sa ano mang bisyo’y ang gawin at huwag pairalin ang kapangyarihan sa dulo ng baril. Ang pagsikil sa buhay ng sino man ang kumikitil sa demokrasyang nakamit. Hindi hahayaan ng magkakaibang tindig sa una at ngayo’y nagkakaisa para sa Kalayaan at Demokrasya ang tatak ng mapagmahal sa bayan. At iyan ang layunin, ang diwa ng buhay na demokrasya. Walang talo sa posisyon para sa bayan sa halip ito ang tama para sa kagalingan ng mamamayan.
Sa isang maliit na silid kung saan makikita ang mga magkakaibang personalidad sa larangan ng katarungang panlipunan ang nagsasabing buhay ang demokrasya. Isang silid kung saan malinaw na ang usaping pambansa ang una at ‘di pulitika ang napakasarap pakinggan. Ang pagbabahagi ng karanasan at kaisipan ay tunay na kapupulutan ng aral. Tunay na kapupulutan ng aral lalo galing ang mensahe sa taong batid ang kalinisan ng budhi at ‘di nasaling ng anumang anomalya. Makatabang puso ang bawat nauulinigan dahil ang kagalingan ng nagsasabi’y di matatawaran. Hindi ibig iduyan ang bayan sa namasdan, ang nais ay maibahagi na ang mabuti’y dapat ikalat. Hindi nagdalawang isip na ibahagi ang karanasan sa mga taong napakinggan sa pagtitipon. Hindi man pormal ang kaayusan ng usapan, ngunit sa pakikinig sa mga taong walang bahid ang reputasyon wala ng hahanapin pa.
Sa huli, ang paglalatag ng mga kaisipan sa isang pagtitipon, malinaw na may itinataguyod, na ‘di papayag na muling mabawi ang demokrasyang nakamit. Buhay at isinasabuhay ang demokrasya ng mga taong naging bahagi ng kagalingang panlipunan. Sa takbo ng kasalukuyang lipunan may mga aakong sila ang pasimuno ng demokrasyang ating nilalasap. Ngunit at sa totoo lang, ang tulad nina Mang Juan, Aling Marya, Ba Ipe at ang balana ang siyang pangunahing personalidad sa pagkamit ng demokrasyang inalis ng diktador sa nakaraan. Hindi pwedeng isantabi ang kontribusyon ng karaniwang tao. Ang kagandahan nito, hindi batid ang pagod ng mga tao sa likod ng pagmumulat na siyang tunay na haligi ng buhay na demokrasya. Walang mukha’t ‘di nagpaparamdam ngunit lasap at kita ng bayan ang halaga ng Kalayaan at Demokrasya. Ang kagandahan dito, patuloy na kumikilos ang mga tagong bayani kahit sa maliit na pamayanan na basehan ng kagalingan. Magkakaiba man ang tindig ngunit nagkakaisa na ang demokrasyang nakamit ay hindi bibitawan kahit saglit. Hindi bibitaw sa laban kahit sa mahigpit na katunggali.
Maraming Salamat po!!!
The post Buhay na demokrasya appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: