
YES, Marites kahit mga tigasing heneral, umiiyak din.
Ganito ang nangyari kay PBGen. Andre Dizon, Director ng Manila Police District (MPD), at kilalang tigasing pulis Maynila nang hindi inaasahang mapaiyak matapos na maalala ang kahirapan ng kanilang buhay noong bata pa siya sa lalawigan ng Sorsogon. Dumagdag din sa pagbagsak ng luha ng chief of police ng kabisera ng bansa nang minsang inakala niya na tapos na ang kanyang career bilang pulis.
Taong-tao nang humarap at sumagot si Dizon sa ‘MACHRA’s Balitaan’ na hosted ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Century Seafood Restaurant. Ang unang bugso ng tanong na sumapul sa emosyon ng heneral ay, kung anong pumasok sa kanyang isip nang siya ay italaga bilang hepe ng MPD ?
Sandaling tumahimik ang heneral. Huminga ng malalim atsaka sumagot: “Noong 1978, dinala po ako ng tatay ko sa Luneta galing probinsiya para magpa-picture, Di ko akalain na ‘yung eight years old na ‘yun ay magiging chief of police ng Maynila, so, it’s a very touching reality na nangyari sa buhay ko. This is part of God’s purpose na dito ako dinala.”
Dahil sa pagiging determinado,ang isang simpleng pulis noon ay isa na ngayon police general. Determinado rin si Dizon na ibigay ang lahat ng kanyang magagawa para sa kabutihan ng Maynila at upang maging dangal siya ng kanyang mga mentors
“Di ko ipapahiya ‘yung mga naging mentors ko na nag-guide sa akin bilang officer ng PNP… kaya ako naiyak kasi naalala ko ‘yung mga great leaders gaya ni Mayor Lim at Senator Bato mga iyakin din po ‘yun kaya binibilang ko sarili ko sa kanila. Ang mga pagse-serbsiyo kasi nila, ‘yung galing talaga sa…’yung galing ka sa mahirap,” pahayag nang lumuluhang si Dizon at saka pinahiran ang kanyang mga luha sabay biro na: “Kayo kasi.”
Kung inaakala na karamihang miyembro ng media na dumalo nang umagang iyon ay tapos na ang pagiging emosyunal ni Dizon ay may kasunod pa pala. Sa kanyang pagpapatuloy ng pagsagot ay halatang-halata ang pag- crack ng boses nito kasunod ang pag-agos pa ng kanyang mga luha. Ang dahilan ay ang pagbabalik sa kanyang alaala nang minsan inakala niya na tapos na ang kanyang career nang siya ay isang budget officer.
“Tapos, dumating pa ‘yung time na may pinagdaanan akong mabigat na kaso sa career.. akala ko katapusan ko na. Pero it was God’s redirection to make me a better officer,” salaysay ni Dizon at idinagdag din nito na kalaunan ay na-dismissed ang kaso at tuluyan siyang napawalang sala.
“Ganun talaga, may mga pangyayari na dumarating sa buhay to teach us a lesson and make us stronger. Now I am back and I will always give my best. Ever since pumasok kami sa serbisyo, itinuro sa amin magbigay ng quality service. Whatever capacity ang hahawakan, we are trained to always give our best,” pagdidiin ng heneral.
Ayon kay Dizon, hindi na bago sa kanya ang MPD dahil kung tutuusin ay nag- ‘balikbayan’ lamang siya dahil naririto na siya noon pang 1998.
Sinabi pa ng heneral na: “serving the capital city is a great honor.” Dahil aniya madalas na naririnig niya noon pa na: ‘where Manila goes, the country goes.’ (ANDI GARCIA)
The post MPD Director PBGen. Dizon, umiyak sa MACHRA forum appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: