Facebook

Bong Go: National security, nanganib sa NAIA radar glitch

KUMBINSDO si Senator Christopher “Bong” Go na nanganib o nalagay sa seryosong implikasyon ang pambansang seguridad ng bansa kasunod ng nangyaring radar glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasa City noon mismong Bagong Taon.

Ayon kay Go, kailangang humanap ng mga solusyon sa nangyaring matinding pagkawala ng kuryente na nakagambala sa air traffic control kaya halos 300 flight ang naantala at libu-libong biyahero ang na-stranded.

Sa isang pahayag, sinabi ni Go na kagyat na dapat pang pahusayin ang mga kagamitan at pasilidad sa NAIA na siyang gateway para sa mga investor, turista, overseas Filipino workers, at manlalakbay.

Dahil dito, sinabi ng senador na suportado niya ang mga panukala upang imbestigahan ang insidente.

“Suportado ko na magkaroon ng Senate hearing hinggil sa insidenteng ito, hindi upang magsisihan kundi para alamin kung ano pa ang pwedeng gawin upang lalong pang mapahusay ang mga serbisyo at maiwasan na mangyari ito muli,” ani Go.

“Ano ba ang talagang nangyari? Ano ang timeline para ma-normalize ang operations at ma-minimize ang domino effects sa flight schedules? Meron bang dapat masagot? At paano ito maiiwasan? Ilan lang ito sa mga katanungan ng mga kababayan natin,” idinagdag niya.

Anang mambabatas, hindi katanggap-tanggap na basta-basta iiwanan ang mga Pilipino at iba pang manlalakbay na nakatambay sa paligid ng paliparan, na ang ilan ay kailangan pang magbayad para sa bagong tiket.

Hinimok niya ang Department of Migrant Workers na tulungan ang mga naapektuhang OFWs sa nangyari.

“Hindi katanggap-tanggap para sa akin na makitang nakahiga na lang kung saan-saan sa airport ang ating mga kababayan, napipilitang gumastos muli para kumuha ng panibagong tickets, at mga nag-aalalang OFW na baka mawalan ng trabaho dahil hindi nakabalik kaagad sa kanilang pinagtatrabahuhang bansa,” ani Go.

Noong Araw ng Bagong Taon, itinigil ng Aviation authorities ang lahat ng flight papasok at palabas ng Manila dahil sa problema sa air traffic control. Napigilan din nito ang mga international airline sa paggamit ng airspace ng bansa.

Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines, nasa 282 flight ang naantala, nakansela, o na-divert sa iba pang regional airports na nakaapekto sa humigit-kumulang 56,000 pasahero sa NAIA.

Hiniling ni Go sa Department of Transportation na ipaliwanag ang insidente o kaguluhang idinulot nito sa mamamayang Pilipino at sa marami pang biyahero.

“Kailangan po marinig ng taumbayan ‘yung explanation ng DOTr dito dahil I think first time itong nangyari for the longest time. Hindi lang po apektado kahapon ‘yung mga kababayan natin. Hanggang ngayon marami pong nagsa-suffer,” sabi ni Go.

Binanggit ng senador na ang insidente ay nagkaroon ng “domino effect” at negatibong nakaapekto sa buhay ng maraming manlalakbay at sa air transport system ng bansa.

Binigyang-diin nia na ang glitch ay isang makabuluhang isyu at may malubhang implikasyon sa pambansang seguridad ng bansa.

“Very serious po ito dahil para sa akin, national security implications ang pinag-uusapan dito. Dahil sa technical issue na ito, down po ang buong Philippine air space, paralyzed agad tayo,” anang senador.

Lumilitaw aniya na sa isang technical glitch lamang ay kaya nang paralisahin ang buong airspace ng Pilipinas.

Kaya naman idiniin ni Go na dapat magsagawa ng pagsisiyasat upang matiyak ang responsibilidad at tukuyin ang mga hakbang na kinakailangan upang maiwasan ang kapalpakan sa sistema sa hinaharap.

Sinabi rin ni Go na masyado pang maaga para sabihin na ang pagsasapribado sa NAIA ay maglulutas ang problema.

Ang mga naturang panukala ay kailangang masusi ring pag-aralan at isaalang-alang ang lahat ng aspeto.

The post Bong Go: National security, nanganib sa NAIA radar glitch appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: National security, nanganib sa NAIA radar glitch Bong Go: National security, nanganib sa NAIA radar glitch Reviewed by misfitgympal on Enero 03, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.