HINDI ko sukat akalain na nakatawag ng pansin ang aking kolum noong Sabado tungkol sa dating titser ko sa kolehiyo na nawalan ng P100,000 na deposito sa isang expanded commercial bank. Hindi awtorisado ang paglipat ng kalahati ng nawalang deposit, o P50,000, sa isang account sa Union Bank na hindi sa kanya at hindi niya kilala ang may-ari.
Ayon sa kanya, ipinadala ng hindi niya awtorisado ang kalahati, o ang natirang P50,000, sa InstaPay na mukhang nakuha ito ng ibang tao na hinihinalang kasapi ng sindikato na bumibiktima ng mga senior citizen na hindi kabisado ang sistema ng electronic banking.
Nang nabasa ang aking kolum, isang malayong kamag-anak (pamangkin) na taga- Iloilo ang nagpadala ng pm sa akin upang sabihin na nawalan siya ng P30,000 dahil sa electronic banking dahil hindi niya agad nauunawaan ang sistema. Nagreklamo siya sa bangko, ngunit walang nangyari. Walang sinabi ang bangko kundi iimbestigahan. Hindi niya alam ang resulta ng “imbestigasyon” kung mayroon man. Basta wala lang sa bangko, aniya.
May dalawang netizen ang magkahiwalay na nagpadala ng pm sa akin upang ihayag na nawalan sila ng P20,000 at P10,000 sa transaksyon na hindi nila naintindihan at awtorisado sa pamamagitan ng electronic banking. Walang nangyari sa kanilang reklamo. Hindi sila pinansin ng bangko. Hindi iniintindi ng bangko ang galit ng mga biktima, anila.
Laganap ang cyberfraud sa mga bangko. Dumarami ang mga biktima. Hindi sila basta makapagreklamo. Hindi malaman kung ano ang sangay ng gobyerno sila dudulog. Kapag sa bangko, hindi sila pinapansin. Kadalasan, iminumungkahi ng mga taga-bangko na tumawag sa kanilang call center. Hindi nakakatuwa na isang call center representative ang kausap ng mga nawalan ng deposit.
Mukhang hindi pinapansin ng mga bangko ang mga ganitong reklamo. Dagdag na bagahe ang turing nila sa usapin ng bank scam. Sa totoo lang, hindi nila tinuturuan ng electronic banking ang kanilang mga depositor. Bukod diyan, walang aksyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa isyu na ito. Hanggang imbestigasyon lang na walang nangyayari.
Totoong namamayagpag ang mga sindikato. Hindi tuloy maalis sa isip ng mga biktima na ang mismong empleyado ng bangko ang nakipagsabwatan sa mga sindikato. Hindi malayo na bumagsak ang sistema ng pagbabangko sa bansa kung hindi mapipigilan ang mga sindikato. Nawawala ang tiwala ng mga tao sa sistema ng pagbabangko sa bansa.
***
SA aking pakikipagtalastasan sa aking dating guro sa kolehiyo na nagsiwalat na nawalan siya ng P100,000 sa electronic banking system ng isang expanded commercial bank, nalaman ko na napakadali gumawa ng online account sa naturang bangko. Kailangan lang ibigay ang numero ng telepono at bank account doon. Sa ibang bangko, maraming requirement para magkaroon ng ugnayan (access) sa online banking system nila.
Ibinigay ng aking guro ang pagkakakilanlan ng mga taong nagpakilala na empleyado sila ng bangko, ngunit kasapakat pala o bahagi ng sindikato ng bumibiktima ng mga senior citizen na kapareho niya. Aniya sa isang pm: “I noted that probably the recipient of the money transfer have a bank account number ending in 3156 for G-Cash and 3733 for InstaPay.”
Kinilala niya ang kumontak upang kunin ang kanyang savings. Ang pangalan ay “Nicole Garcia.” Iginiit ni Nicole na hindi siya maaaring makapagtransayon sa Security Bank kung hindi itatala ang kanyang bank account sa kanilang electronic banking system.
Nagpanggap si Nicole na empleyada ng Security Bank at tumawag siya sa aking guro upang tulungan umano na ma-enrol siya sa online banking system. Napansin niya na agresibo ang nagpanggap na Nicole Garcia at gumawa ito ng maraming tawag sa kanya.
Nang natapos ang tawag ni Nicole Garcia at nakuha na ang P100,000 sumunod na tumawag ang isang “Jane Cortez” na nagsabing tutulungan siya na ma-enrol ang kanyang account sa Metrobank sa electronic banking. May dalawang account ang aking guro – isa sa Security Bank at ang isa sa Metrobank.
Lumakas ang kutob ng aking guro dahil hindi niya naintindihan kung bakit nalaman ni Jane ang kanyang account sa Metrobank. Tumanggi siya makipag-usap kay Jane Cortez at wala siyang nakuha kahit piso sa kanyang account sa Metrobank.
Wala siyang pinagsabihan ng sinuman tungkol sa kanyang mga account sa bangko. Sapantaha niya na magkakilala si Jane Cortez at Nicole Garcia at kabilang sa sindikato na bumibiktima ng mga senior citizen. May hinala siya sa loob mismo nakuha ang mga impormasyon tungkol sa kanya. Hindi malayo na kasabwat ang hindi makilalang insider ng bangko sa sindikato, aniya.
Isa ang aral: Mag-ingat sa bangko.
***
ISA kami sa mga natutuwa sa magandang kapalaran ni Roy Mabasa, ang nakakabatang kapatid ng pinaslang na komentarista Percy Lapid. Siya na ang host ng bantog na radio program “Lapid Fire.” Mahigit isang buwan siya ang host ng naturang programa at, sa ganang amin, naitaguyod niya ang sarili bilang karapat-dapat na kapalit ni Ka Percy.
Hindi madali kay Roy Mabasa ang magpalit ng medium sa pakikipagtalastasan. Manunulat si Roy at mas sanay siya sa harap ng kanyang laptop imbes na mikropono. Inamin niya sa akin na hanggang ngayon ay nasa transition mode pa siya. Hindi kataka-taka dahil print media ang medium ni Roy bilang mamamahayag sa mahigit na 40 taon.
Batay sa kanyang mga komentaryo na narinig namin sa programa, balanse ang pananaw at totoong pinag-iisipan niya ang bawat opinyon. Dala niya ang tapang ni Ka Percy na hinahangaan ng maraming tagapakinig. Hindi ako magulat kung mabilis na magkaroon ng tiwala sa sarili si Roy sa pamamahayag sa radyo.
Kasihan ka nawa ng buwenas, Roy. Pagpalain ka ng nasa Itaas.
***
MGA PILING SALITA: “Nang nabasa ko ang pahayag ni Clarita Carlos sa pagsibak sa kanya sa puwesto, natawa lang ako. Advancing seniority or senility.” – PL, netizen
“Marcos is bringing at least 70 people in Davos while other countries like India will bring 7, Finland 3. The crappiest hotel at 2011 prices is at $500/night, a chalet at $140,000/week. Wala pa food and airfare cost niyan.” – “Anak ka ng Martial law,” alyas ng netizen na ayaw magpakilala
“Humpty Dumpty on the wall, look at how fast they fall: Vic Rodriguez, Trixie Angeles, Clarita Carlos, Erwin Tulfo et al. Who’s next? And who really is running this gov’t?” – Mac Zamora, netizen, social critic
The post MAG-INGAT SA BANGKO (2) appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: