Facebook

EXORCIST PRIEST VS. EX-COMELEC CHIEF

TUNAY na nakalulungkot isipin ang hindi kaaya-ayang balita tungkol sa mga alagad ng simbahan.

Naku, hindi na bago sa ating pandinig ito.

Ilang taon na ang nakararaan, halos malugmok sa iskandalo ang Simbahang Katoliko dulot ng naglabasang baho ng ilang mga pari. May mga nadawit sa kasong pangmomolestiya ng mga kabataan kung saan ang ibang biktima ay musmos o menor de edad pa lamang.

Natatandaan ko pa, mismong si Pope Francis ay nagsiwalat minsan na mayroong isang kardinal na tumiwalag sa samahan. Ang dahilan? Sumabit daw ito sa kasong pagmomolestiya.

Ang mga ganitong hakhang ay sinasabing labag sa kalooban ng Santo Papa. Gayunman, ito raw ang nararapat gawin dahil nga’y nagkamali ito.

Samantala, hindi pa pala tapos ang problema ng kontrobersiyal na exorcist priest na si Fr. Winston Cabading.

Ipinagharap kasi ito ng kasong perjury ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairperson Harriet Demetriou sa Makati City Prosecutor’s Office na may kinalaman pa rin sa hiwalay na reklamo dulot naman ng pangungutya raw ng pari sa mga aparisyon sa Lipa City noong 1948.

Nagsinungaling daw si Cabading sa kanyang sinumpaang petition for review sa Department of Justice (DOJ) na may petsang May 27,2023 at inihain noong May 29,2023 nang banggitin ng pari ang tungkol sa umiiral na 1951 Papal Decree na nagdeklara raw sa 1948 Lipa Marian Apparitions bilang “supernatural character.”

Umabot sa 15 pahina ang panibagong reklamo ni Demetriou laban kay Cabading. Binanggit din ni Cabading sa kanyang petisyon ang “CDF Decree of 2015” na inisyu raw mismo ni Pope Francis.

Sinusubukan daw kasing patunayan ni Cabading na wala siyang malisya hinggil sa mga naunang pahayag niya laban sa Our Lady of Mary Mediatrix of All Grace.

Sabi nga ni Demetriou sa kanyang reklamo: “Stated differently, if the 1951 Papal Decree exists, respondent’s defense of lack of intent to cause dishonor or to ridicule the Marian devotees may possibly hold water and could probably exculpate him for the crime being charged against him. However, if indeed the 1951 Papal Decree does not exist, his defense of lack of criminal intent or malice would be inconsequential. Respondent had consciously and deliberately, with malice aforethought, perjured himself.”

Kung maaalala, dinampot ng mga alagad ng batas si Cabading noong Mayo 13 ngayong taon matapos mag-isyu ng warrant of arrest ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) laban sa kanya na nag-ugat pa rin sa hiwalay na kasong inihain ng dating Comelec chief bunsod daw ng paglabag sa Article 133 (offending religious feelings) ng Revised Penal Code (RPC).

Makalipas ang dalawang araw, pansamantalang nakalaya si Cabading nang maglagak ng piyansa na nagkakahalaga ng P18,000. Kasunod na nga nito ang paghahain niya ng petition for review sa justice department.

Unang inihabla ni Demetriou, kilalang deboto ng Mary Mediatrix, si Cabading bunga ng May 28, 2022 online talk show ng isang Bro. Wendell Talibong ng Archdiocese of Ozamis na dito’y tinalakay daw nila ang aparisyon ng Mediatrix habang nabanggit din daw ito ng pari sa 4th National Conference on the Ministry of Spiritual Liberation and Exorcism na naganap noong Agosto 19-23, 2019.

Aba’y ayon kay Demetriou, kinutya at hinamak daw ni Cabading, hindi lamang ang Banal na Birhen, kundi maging ang libu-libong deboto nito.

Sa hiwalay namang statement, ipinunto ni Demetriou ang sumusunod: “What they did is a horrendous ornament of deception to deceive the Catholic faithful in this country. With this perjury, let them now produce the existence of the Papal Decree of 1951 of Pope Pius XII by presenting a genuine copy thereof and of the Vatican CDF Decree of 2015 with genuine proof of approval by Pope Francis.”

Maliban dito, ipinagdiinan pa ng dating mahistrado ng Sandiganbayan na walang sinumang kardinal, obispo o pari sa bansa ang nangingibabaw sa batas.

Naniniwala ako na dapat lang naman talagang panagutin ang mga maituturing na anay na sumisira sa imahe ng simbahan bago tuluyang mawalan ng respeto ang sambayanan. Hindi ito dapat ipagwalambahala.

Sa kabilang banda, masasabi naman na ang mga ganitong balita o insidente ay walang pinagkaiba sa mga kotongero o tiwaling pulis. Maliit o malaki man ang pangyayari, mataas pa rin ang respeto ko sa mga pari at pulis.

Karamihan pa rin sa kanila, may mabuting puso at maraming kabutihang ginagawa na hindi lumalabas sa mga balita sa social media, telebisyon, radyo, at pahayagan.

Naalala ko tuloy ang isang antigong kasabihan na walang sinuman sa atin sa daigdig ang perpekto.

***

Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!

The post EXORCIST PRIEST VS. EX-COMELEC CHIEF appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
EXORCIST PRIEST VS. EX-COMELEC CHIEF EXORCIST PRIEST VS. EX-COMELEC CHIEF Reviewed by misfitgympal on Hulyo 26, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.