PATULOY na inaani ng Pilipinas ang mga benepisyo ng tatlong araw na state visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malaysia.
Ito’y matapos mangako si Tan Sri Anthony Francis Fernandes ng AirAsia na mag-i-invest ito ng isang bilyong dolyar para sa pagpapalawak ng kanilang operasyon sa bansa.
Lumagda na rin sa isang ‘letter of intent’ si Fernandes, kasama si DTI Secretary Alfredo Pascual, kung saan nakasaad dito ang expansion plans nila sa Pilipinas, partikular sa aviation maintenance, repair & overhaul operations, Air Asia super app at logistics operations.
Aminado rin si Fernandes na labis na naapektuhan ng pandemya ang kanilang kompanya ngunit kumpiyansa itong makakabangon sila sa ilalim ng bagong administrasyon.
Matatandaang naging sentro ng state visit ni PBBM sa Malaysia ang pagpapatibay sa ugnayan ng dalawang bansa at pagpapalawig ng kooperasyon sa larangan ng ekonomiya.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), pangunahin sa mga tagumpay ng pagbisita ng Presidente ay investment pledges sa mga sektor gaya ng aviation at agrikultura na inaasahang magbubunga ng mahigit 100,000 na lokal na trabaho.
Sa miting ng Pangulo kina Malaysian King Al-Sultan Abdullah at Prime Minister Dato’ Seri Anwar Ibrahim ay napaigting naman ang pagtutulungan ng dalawang bansa, maging ang dedikasyon ng mga ito sa mga aktibidad ng ASEAN at Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA).
Maliban dito, nagbigay-pugay din si Pangulong Marcos kay Sultan Ibrahim Ibni Almarhum Sultan Iskandar na Sovereign Ruler din ng State and Territories ng Johor. (Gilbert Perdez)
The post MGA BENEPISYO NG STATE VISIT NI PBBM SA MALAYSIA PATULOY NA INAANI NG BANSA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: