Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang gobyerno ng China na “itigil na ang pambu-bully” sa Pilipinas matapos gumamit ng water canon ang isa sa mga barko ng Coast Guard ng Beijing laban sa isang barko ng Pilipinas na naghahatid ng mga supply sa Ayungin shoal.
“Kinukondena po natin ito… Stop bullying us,” ani Go sa isang panayam sa sideline ng isang okasyon sa Palasyo ng Malacañang.
“Hindi porke’t maliit tayong bansa ay gaganunin na lang tayo. Respeto po ang kailangan dito,” sabi niya.
“Sa loob po ng anim na taon ay sobra-sobra po ang respeto na ibinigay ni dating Pangulong Duterte sa inyo,” dagdag ng senador.
“Naging mabuti naman ang aming gobyerno noong panahon ni Pangulong Duterte sa inyo,” ani Go na nagsilbing close-aide ni Duterte bago nagwaging senador.
“Nakikiusap ako, tigilan na ang pangbubully sa ating mga Coast Guard, sa ating mga mangingisda. Pakiusap ko lang po sa gobyerno ng Tsina, kakapunta lang po ni dating Pangulong Duterte diyan sa inyo. Stop bullying us,” anang mambabatas..
Ang tinutukoy ni Go ay ang pakikipagpulong ni Duterte kay Chinese President Xi Jinping sa Beijing, na nangyari ilang linggo bago ang pinakabagong pananalakay ng China laban sa isang sasakyang pandagat ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Kabilang sa mga sinabi ni Duterte kay Xi ay ang “look kindly on the Philippines”.
Sinabi ni Sen. Go, dapat manatiling consistent ang gobyerno sa patakarang panlabas na maging kaibigan sa lahat at walang kaaway ngunit patuloy na naninindigan sa pagprotekta sa ating soberanya.
Gayunman, ang pinakahuling insidenteng ito ay iresponsable at taliwas sa paulit-ulit na pagtitiyak ng China na mapayapang aayusin ang anumang hindi pagkakaunawaan na mayroon tayo sa West Philippine Sea.
“Ako ay umaapela kay Pangulong Bongbong Marcos, Jr., bilang punong arkitekto ng ating patakarang panlabas, na laging pangalagaan ang kaligtasan ng ating mga tauhan at ng ating pambansang interes. Ako ay nagtitiwala na ang Pangulo ay palaging magtataguyod ng ating mga karapatan sa soberanya sa WPS sa tulong ng ating mga kaibigang bansa,” dagdag ng mambabatas.
Aniya, ito ay hindi lamang alalahanin ng Pilipinas kundi ng buong mundo at umaapela siya sa international community na magpakita sila ng sinseridad hindi lamang sa kanilang mga salita kundi maging sa kanilang mga aksyon na may paggalang sa kapwa estado.
The post Bong sa China matapos atakehin ang PCG sa WPS… ‘STOP BULLYING US’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: