PINAALALAHANAN ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang publiko na nag-aalok sila ng libreng medical consultation sa kanilang main office.
“Nais lang nating ipaalala sa ating mga kababayan na mayroon tayong Multi-Specialty Clinic na maaari nilang puntahan para makapagpakonsulta sa kanilang mga karamdaman. Libre po ang serbisyo na ito,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.
Ang Multi-Specialty Clinic sa ilalim ng Medical Services Department ng ahensya ay nakabase sa PCSO Main Office sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City.
Ang nasabing klinika na nagbukas noong Abril ay may mga espesyalista sa Cardiology, Neurology at Psychiatry, Ear, Nose, and Throat (ENT), Pulmonology, Gastroenterology, Endocrinology, Orthopedic Surgery, at Ophthalmology.
Pinayuhan ni Cua ang mga interesadong mag-avail ng libreng konsultasyon na tingnan ang social media page ng PCSO para sa updates sa schedules at requirements.
Ayon pa kay Cua, ang Multi-Specialty Clinic ay nilikha upang madagdagan ang access ng publiko sa mga serbisyong pangkalusugan.
“Marami sa ating mga kababayan ang hindi nagpapakonsulta dahil may bayad ang ganitong serbisyo, at mas pinipili nilang gamitin ang kanilang pera sa ibang gastusin gaya ng pagkain, edukasyon, at pamasahe. Pero napakahalagang salik ng kalusugan ang pagpapakonsulta para matukoy kung may sakit tayo at ano. Mahalaga ang early diagnosis para maiwasan ang paglala ng sakit,” giit ni Cua.
Dagdag pa ni Cua, plano din umano ng PCSO ang pagpapalawak ng kanilang libreng serbisyo sa konsultasyon sa buong bansa.
“Ideally, we want to be able to establish the Multi-Specialty Clinic in all our branches. Nagpupursigi po ang buong ahensya upang mapatotoo ang mithiing ito, bilang pagtugon na rin sa commitment namin na tulungan ang administrasyon ni Pres. Ferdinand Marcos, Jr., na mapalawig ang health services access ng ating mga kababayan,” ani Cua.
The post LIBRENG MEDICAL CONSULTATION, ALOK NG PCSO SA PUBLIKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: