Facebook

Bong Go sa Meralco: ‘Wag muna mamutol ng koryente

KASUNOD ng pag-iisyu ng Manila Electric Co.’s (Meralco) ng disconnection notices sa consumers na hindi pa kumpletong nakababayad ng ng kanilang bills na nakunsumo noong nakaraang taon sa gitna ng COVID-19 pandemic, nanawagan si Senator Christopher “Bong” Go sa nasabing utility company na dagdagan pa ang kanilang habag sa pamamagitan ng pagpapalawig ng no-disconnection policy nito sa underprivileged consumers.

“Muli po akong nananawagan sa Meralco na kung maaari ay ‘wag muna nilang putulan ng kuryente ang mga kababayan nating hindi pa makapagbabayad, lalo ‘yung wala talagang mapagkunan ng pambayad,” ang apela ni Go.

“Huwag natin pahirapan ang karaniwang tao na wala talagang pambayad dahil walang kabuhayan ngayon. Wala na nga makain, mawawalan pa ng kuryente. Konting puso naman sa panahon kung kailan naghihirap ang ating mga kababayan. Magmalasakit tayo sa ating kapwa Pilipino,” aniya.

Hiniling din ni Go sa pamahalaan na iprayoridad ang kapakanan ng mga ordinaryong Filipino sa pamamagitan ng paghahanap ng paraan na maalis ang bigat na dinadala sa harap ng pandemya.

“Ilang buwan nating pinagbawalan ang karamihan na makapagtrabaho at maghanapbuhay. Ilang buwan din natin silang pinilit na manatili lang sila sa kanilang mga bahay. Hindi na nga makabili ng pagkain, paano pa ba yan makakabayad ng kuryente,” ayon kay Go.

Nabatid na ang Meralco no-disconnection policy ay nagtapos na dapat noon pang December 31 ng nakaraang taon subalit pinalawig ng kompanya hanggang nitong Enero.

Sinabi ni Vice-President and Meralco Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga, na ang mga households na kumokonsumo ng 201 kilowatt-hours (kWh) o higit pa ay pinapakiusapang bayaran na ang kanilang unpaid bills noong nakaraang buwan habang ang kumokonsumo ng 200 kWh pababa ay pinagbabayad hanggang katapusan ng Enero.

Sinabi rin ng Meralco na ang mga non-lifeliners lamang na hindi pa nakababayad nang kahit na magkanong halaga simula noong Marso ang puputulan ng koryente.

Ayon sa kompanya, pinapayagan ang pagbabayad sa pamamagitan ng installment basis kung ire-request.

Patuloy namang hiniling ni Sen. Go sa private sector na magtulungan upang malagpasan ng mga ordinary citizens ang paghihirap na dinaranas sa harap ng krisis bilang bahagi ng kanilang kontribusyon sa bayanihan.

“Magtulungan po tayo. Habang ginagawa ng gobyerno ang lahat upang makatulong, hinihikayat ko rin ang pribadong sektor na patuloy na makipagtulungan. Sama sama nating iahon ang ating mga kababayan mula sa hirap na dulot ng pandemyang ito,” ayon sa senador. (PFT Team)

The post Bong Go sa Meralco: ‘Wag muna mamutol ng koryente appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa Meralco: ‘Wag muna mamutol ng koryente Bong Go sa Meralco: ‘Wag muna mamutol ng koryente Reviewed by misfitgympal on Enero 31, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.