LIMANG sinasabing holdaper at tatlong motornappers ang magkakasunod na napatay nang makipagbarilan sa mga awtoridad sa tatlong magkakahiwalay na insidente sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi at Biyernes ng madaling araw.
Ayon kay Quezon City Police District Director (QCPD), Brigadier General Danilo P Macerin, 9:10 ng gabi ng Huwebes unang nakaengkwentro ng mga operatiba ng Police Community Precinct 1 (Culiat), Holy Spirit Police Station (PS-14) ang suspek na si Marvin Dela Pena, 31, ng 167 Major Marcos, Fifth Street, Barangay Pasong Tamo, Quezon City
Bandang 4:00 ng hapon tinangay ni Dela Pena ang Yamaha NMax model 2020, matapos na tutukan ng patalim ang may-ari nito na si Keneth Roblico kaya agad itong nag-report sa mga pulis.
Nang maaresto si Dela Pena at habang kinukunan ng finger prints ni Cpl Mark Andrew Reyes ay sinunggaban umano nito ang service firearm (Glock 17 Gen. 4 9mm) ng pulis hanggang sa nagpambuno ang dalawa.
Nang makita ng kasamahan ni Reyes na si SSg Cabanting ang insidente ay pinaputukan nito si Dela Pena, patay.
Bandang 1:20 ng madaling araw ng Biyernes nang makasagupa naman ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit at napatay ang dalawang hindi pa nakilalang motornappers sa Payatas Road, Group5, Payatas B. Brgy., Payatas, matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad makaraang magreklamo ang grab driver na si Emmanuel Montefalcon, 25, na tinangay ng dalawa ang kaniyang minamanehong NMAX MC 155 na kulay matte gray, at cellular phone.
Makalipas lamang ang ilang oras, nakaengkwentro naman ng mga operatiba ang limang robbery hold up suspects sa kahabaan ng Roque St., Espiritu Compound, Pingkian 2, Barangay Pasong Tamo, at G. De Leon Street, Baluyot Compound, Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Bandang 4:00 ng madaling araw nang holdapin ng anim na kalalakihan na magkaka-angkas sa tatlong motorisklo ang Uno Gasoline Station sa Commonwealth Avenue, Barangay North Fairview, sa lungsod.
Nagkataon na napadaan sa lugar si MSg, Ericson Remigio ng PNP Legal Service, kaya agad na ini-report sa HPG, QCPD na pinamumunuan nu Maj. Daniel B Pumecha Jr., na agad namang nagresponde at naispatan ang mga suspek kungsaan nagkaroon ng barilan at napatay ang lima, habang nakatakas ang isang kasamahan ng mga ito.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkikilanlan ng mga napatay, habang tinutugis pa ang isang kasamahan na nakatakas. (Ernie Dela Cruz)
The post 8 holdaper, motornapper todas sa QC shootout appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: