IT’S all systems go. Ito ang pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno, kaugnay ng programa sa bakuna kontra COVID-19 kasabay din ng pag-aanunsyo niya ng pormal na pagbubukas ng vaccine storage facility para sa COVID vaccines sa Sta. Ana Hospital, Huwebes, Feb. 11.
Sinabi pa Moreno na natanggap na nilang dalawa ni Vice Mayor Honey Lacuna ang newly-delivered freezers para sa Pfizer COVID-19 vaccines. Dahil dito ay kumpleto na ang storage units na kailangan para ma-accommodate ang lahat ng uri ng bakuna na available sa merkado.
“So, lahat ng vaccines meron na tayong ref and storage facility sa Manila,” ayon kay Moreno na idinagdag din na may kakayahan na ang lungsod na mag-imbak ng lahat ng uri ng bakuna dahil na-meet ng bagong storage facility ang lahat ng required temperature para maayos na paglagyan ng bakuna.
Ayon kay Moreno, mayroon ng 12 ultra-low temperature freezers sa nasabing storage facility sa seventh floor ng Sta. Ana Hospital sa ilalim ng directorship ni Dr. Grace Padilla at tanging bakuna na lang ang kulang para para tuluyan nang gumulong ang programa sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Sa kabuuan, ayon sa alkalde, ay kayang mag-accommodate ng 800,000 doses ng kahit na anong uri ng bakuna ang storage facility.
Nakipagpulong na rin sina Moreno at Lacuna sa lahat ng concerned officials at personnel ng Sta. Ana Hospital sa ilalim ni Padilla at gayundin sa Manila Health Department na pinamumunuan ni Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan upang maplantsa na ang gagampanang tungkulin ng bawat isa sakaling magbukas na ang storage facility at dumating na ang bakuna.
Sinabi ng alkalde na may 300 indibidwal ang gagamitin ng pamahalaang lungsod upang siyang magturok ng libreng bakuna sa lahat ng may gusto.
Nagapag-alaman naman kay City engineer Armand Andres na siyang punong abala sa konstruksyon ng nasabing storage facility na gumamit sila ng anti-bacterial vinyl flooring sa facility upang matiyak na bacteria-free ang pagtataguan ng mga bakuna.
Sinabi pa ni Andres na may 11 closed circuit television (CCTV) cameras ang nailagay na sa loob 100-square-meter area at ang freezer units ay nagtataglay ng katangiang uninterrupted power supply (UPS) na magbibigay dito ng 10 hanggang 15 minutes lead time kung sakaling may brownout at bago gumana ang generators.
Pinuri no Moreno si Andres sa naging trabaho nito dahil naitayo nito ang storage facility sa loob 10 araw.
Samantala ay inilunsad ni Moreno ang COVID-19 Food Security Program (FSP) ng lungsod na magbibigay sa may 700,000 pamilya monthly food subsidy na kinabibilangan ng rice, coffee at canned goods. (ANDI GARCIA)
The post ‘ALL SYSTEMS GO SA MANILA VACCINATION PROGRAM” – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: