NABANGGIT natin sa isang isyu ng pitak na ito, na missing-in-action ang kalihim ng DILG na si Ed Ano sa ‘di malaman na kadahilanan. Sa dami ng naganap sa bansa hinahanap ko parin sa mga pagtitipon tulad ng press con o mga pulong ng IATF na madalas naka-media.
Dagdag pa ang kapansin-pansin na tila pagdami ng bilang ng mga kalihim na missing-in-action sa mga pagpupulong ng mga Gabinete o tila umiiwas na makunan ng kamera na kasama si Totoy Kulambo. Ano ba talaga ang mga rason ng biglang pagiging camera shy ng mga ito? Dahil ba sa mga karamdaman o nais ng bumitaw sa tungkulin sa maraming kadahilanan?
O’ baka naman nahawa na sa katamaran ni Totoy Kulambo at inasa na sa bahala system na paraan ng pagpapatakbo sa kanilang kagawaran? Hindi mawala ang ganitong mga katanungan dahil kapansin-pansin na si Haring Shokey ang madalas makita sa ano mang uri ng media na siyang nagpapaliwanag ng mga isyu na bumabalot sa iba’t –ibang kagawaran.
O talagang si Mars na lang ba ang Gabinete? Sa maraming usaping bayan na lumitaw sa bansa, ayun naman ang inyong kawalan, nahan na kayo?
Sa kaganapang pambansa, alam natin na ang bawat kalihim ng kagawaran ang siyang dapat humarap sa mga isyung bumabalot na titiyak at papawi sa mga agam-agam ni Mang Juan Pasan Krus. Halimbawa ng magtaasan ang presyo ng bilihin, hindi natin napansin ang kalihim ng DTI na magsasabi ng mga dahilan ng pagtaas nito at ang mga ginagawang hakbang upang pawiin ang pangamba ng mamimili.
Sa gitna ng isyu ng pagtaas ng bilihin sa merkado, tila nawala sa eksena ang kalihim ng DTI. At mabuti’t sinalo ni DA Secretary Dar at siyang naglibot sa mga palengke upang alamin ang kaganapan sa merkado, at kagyat nagpalabas ng EO ang Malacanang upang magbigay ng cap sa presyo ng mga bilihin partikular ang mga baboy. Nahan ka kalihim ng DTI?
Pangalawa, silipin natin ang negatibong 9.5% na pagbaksak ng kabuhayan, na tiyak na susundan ng pagbabawas sa trabaho, pagtaas ng presyo siempre ang pag-utang. Pero ganun din ang regla o galaw ng kalihim, no talk no mistake, hayaan lang at lilipas din yan.
Walang usapang pagsisiguro, walang usapan ng batayan ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pagkakalugmok. Ang kalihim ng Kagawaran ng Pananalapi na isang matagumpay na negosyante para bang iniiwas ang sarili na mapagtampulan ng sisi sa pangyayari, tayuan mo naman.
Maging ang puno ng Bangko Sentral na talaga namang ingay kung maglabas ng datos hingil sa mga projection sa paglago ng ekonomiya parang natahimik sa ngayon na mas kailangan ang kanilang presensya upang magpaliwanag sa sinasapit ng kabuhayang pamabansa.
Pangatlo, tila walang maiulat ang kalihim ng kagawaran ng turismo hingil sa P4B pondo na ipinangako o ibinigay ni Totoy Kulambo upang hikayatin ang mga turista na dumayo sa bansa. Oo alam natin ang kalagayan ng industriyang ito, subalit walang ulat kung ano at paano ginastos ang bilyong-bilyong salaping dito. Hindi ba ninyo binibilang ang dami ng tsekwang pumasok sa mga POGO upang magsugal. Yung mga tsekwang pumapasok sa WPS, binibilang din ba, hehehe.
May natitira pa bang pondo sa P4B, nagtatanong lang?
Samantala ang kalihim ng Tanggulang Bansa, ay napaka-ingay ng mga nagdaang linggo dahil sa pagtalikod nito sa UP-DND accord at walang sawang pagpipinta ng pula sa mga estudyante at pamantasan dito sa Metro Manila. Ngunit ngayo’y nawala at natahimik ng mapabalitang inaalok ni Totoy Kulambo ang pwesto ng kalihim sa nagretirong AFP Chief.
Aba parang binuhusan ito ng malamig na tubig at biglang naglaho. At bukas muli sa usapin ng UP-DND accord dahil sa maling intelligence report ng kanyang tenyenteng sa AFP. Naglinis ng bakuran pagkaraka upang di mapalitan.
Panghuli, alam ba ni Liling Briones, kalihim ng Edukasyon na may 4 na milyong estudayante ang nag drop-out dahil sa iba’t-ibang dahilan. O talagang tinalo na siya ng edad kaya wala naririnig dito hingil sa mga drop-outs. Tasahin, pulutan ng aral at magkaroon ng pagsasaayos upang sumagot sa pangangailangan ng mga mag-aaral. Huwag natin hayaan ang ganitong karami ng mga drop-outs.
Sa isang banda naman, tila wala sa eksena ang ilang kalihim sa ground breaking project na sub-way, isang malaking proyekto sa ilalim ng “Build Build Build” program at buhat mundong pinagmamalaki ni Haring Shokey sa mga nakikinig. At ang masakit nagbitaw pa ito ng katagang “Manigas Kayo” na pinatutuunan ang mga kritiko ni Totoy Kulambo. Subalit wala ang mga pangunahing tagapagpaganap na sina Art Tugade o si Mark Villar, Bakit?
Sa mga kalihim, masakit sa mata ang inyong pagkawala lalo’t binabalot ang bansa ng sari-saring usapin mula kalusugan hangang kabuhayan at kung wala kayong magawa o tinatamad ng magtrabaho magbitiw na kayo. Dahil si Mang Jua’y umaasa sa responsibilidad na inatang sa inyong balikat.
Hindi lang tiwala ni Totoy Kulambo sa inyo ang isipin kundi ang kalagayan ng bansa at mamamayan. At kung nakaramdam kayo ng hindi maganda dahil sa anumang kadahilanan, gumawa na lang kayo ng bagay na may pakinabang sa bayan. Pag-usapan at pag-isipan ang tamang hakbang na dapat gawin, kung hahantong o humantong man ito sa “kawalan ng kumpiyansa” kay Totoy Kulambo, gawin isumite sa tamang sangay ng pamahalaan at hayaang pagpasyahan.. Sagipin ang bayan.
Maraming Salamat po!!!!
***
dantz_zamora @yahoo.com
The post Missing-in-action appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: