Facebook

Palagi na lang palpak ang implementasyon ng batas

HINDI na maganda ang nangyayari sa ating bansa.

Mayroong mga batas na magaganda ang layunin, ngunit palpak kapag ipinatupad na.

Pokaragat na ‘yan.

Ang nakabubuwisit, maraming batas na nagiging balon ng salapi.

Ngunit, masahol ay ginagamit na pagkakataon upang pagnakawan ang pamahalaan.

Pokaragat na yan!

Katulad na lamang nitong dalawang batas tungkol sa Bayanihan na bagamat hindi sapat ang perang inilaan sa mga mahihirap na Filipino at mga manggagawa ay walang dudang maganda ang layunin.

Ngunit, mayroong mga opisyal sa pamahalaang lokal ang nangurakot ng nasabing pera.

Tapos, ngayong agresibo na si Speaker Lord Allan Jay Velasco na talakayin sa Kamara de Representantes ang panukalang Bayanihan 3 na P420 bilyon ang pondo ipalalabas sa administrasyong Duterte upang makabangon umano ang Pilipinas sa napakasamang epekto ng COVID – 19 sa ekonomiya ng ating bansa.

Kapag naging batas ang Bayanihan to Recover as One, abangan nating lahat ang masasamang balita sa implementasyon nito.

Maganda rin ang layunin ng batas hinggil sa “Motor Vehicle Inspection System” (MVIS) ng mga pribadong sasakyan.

Hangad nitong matiyak na tatakbo ang mga sasakyang sa lansangan nang maayos at hindi masisira habang bumabyahe.

Pero, dahil palpak ang mga gamit – pang-inspeksiyon ng Land Transportation Office (LTO), nagpasya ang administrador ng ahensiyang ito na si Assistant Secretary Edgar Galvante na ipasa ito sa Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).

Ngunit, ang ibabayad ng mga may-ari ng sasakyang apat ang gulong ay aabot ng P2,700 lahat sa dalawang beses na inspeksyon.

Iba pa rito ang bayad sa pagpapaayos ng sasakyan kung hindi ito pumasa sa inspeksyon ng pribadong inspection center.

Papalo naman sa P900 lahat ang babayaran ng mga taong mayroong motorsiklo, o traysikel.

Tapos, kailangang sa inspection center lamang na LTO – Accredited magpapainspeksiyon ang mga motorista upang mabibigyan sila ng lisensya matapos ang inspeksiyon sa kanilang mga sasakyan.

Ang punto rito ay una, masyadong mataas ang babayaran ng mga motorista.

Ikalawa, posibleng magkaroong ng pandaraya mula sa pribadong inspection centers upang matiyak na kumita sila.

Pokaragat na ‘yan!

Sa dating sistema nga ng inspeksyon ay maraming pandaraya mula sa mga pribadong kumpanyang nagsasagawa ng emission testing hanggang sa pakikipagtransaksiyon sa LTO.

LTO pa na isa sa kilalang beterano sa katiwalian at korapsyon.

Hindi pa man si Galvante ang pinuno rito ay bantog na ang LTO sa katiwalian at korapsyon.

Ganoon din ang Anti – Money Laundering Act (AMLA) kung saan nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong bersiyon nito upang higit itong lumakas at tumapang.

Uulitin ko, pinalakas at pinatapang ito laban sa mga Filipinong nabubuhay sa paglalaba ng pera, hindi nagbabayad ng buwis at yumayaman sa iligal na negosyo.

Malalaman natin sa implementasyon nito kung hahabulin at kakasuhan at aarestuhin ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga negosyante, mga politiko at mga gambling lord na lalabag sa AMLA at magpapatuloy sa ‘di pagbabayad ng tamang buwis.

Ganoon din ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para naman sa mga drug lord.

Kapag walang ginawa ang mga ahensiyang ito, ibig sabihin palpak ang implementasyon ng pinalakas at pinatapang na AMLA.

The post Palagi na lang palpak ang implementasyon ng batas appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palagi na lang palpak ang implementasyon ng batas Palagi na lang palpak ang implementasyon ng batas Reviewed by misfitgympal on Pebrero 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.