PATAY ang isang pulis habang kritikal ang ama nito nang pagbabarilin ng bodyguard ng isang mayor at pamangkin nito sa Barangay Ligtong 2, Rosario, Cavite, Biyernes ng gabi.
Kinilala ang nasawi na si Cpl. Jerome Carlo Pamaran, 31, nakatalaga sa Bacoor City Police Station; habang inoobserbahan sa St. Martin Hospital ang ama nitong si Jose Edgardo Pamaran, 54, kapwa residente sa nasabing lugar.
Pinaghahanap naman ang mga salarin na sina Antonio Perea, taga-Ligtong 1 at bodyguard ni Rosario Mayor Voltaire Ricafrente, at pamangkin nitong si Jhon Perea, taga Ligtong 4.
Sa ulat, 8:20 ng gabi habang nasa tapat ng kanilang bahay ang mag-amang Pamaran at nagkukuwentuhan nang sumulpot ang mga magtiyuhin na armado ng baril.
Ayon sa report, agad pinagbabaril ni Antonio ang mga biktima. Nagtangka pang gumanti ng putok ang pulis subali’t tumumba na ito dahil sa tama nito sa ulo, habang sa katawan tinamaan ng bala ang matandang Pamaran.
Bago tumakas, kinuha ng salarin ang service firearm ng pulis.
Sa imbestigasyon, nagtatrabaho si Antonio bilang bodyguard ni Mayor Ricafrente.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon sa insidente na posibleng nag-ugat ito sa “away-bata”, ayon sa pulisya.
(Irine Gascon)
The post Away-bata: Pulis patay, ama kritikal sa badigard ng mayor sa Cavite appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: