Facebook

Bawal ang pikon

TALO ang pikon. Ang pikon ay talo.

May lider at mga politiko tayo na madalas ay nakikitaan ng pagkapikon at madaling sumiklab ang init ng ulo, kapag hindi gusto ang nababasa o naririnig, lalo na ang kontra sa kanyang gusto.

Tulad ng isang pinakamataas na opisyal ng ating bansang mahal, dapat siya ay laging cool. Gayundin sa mga nais maging pangulo, dapat sila ay laging cool.

Dapat sila ay mahinahon at hindi nagpapadala sa bugso ng damdamin o biglang galit.

Ang desisyon na bunga ng galit ay mapanganib dahil sa anomang gustong gawin ng isang lider ng bansa, 111 milyong Pilipino ang tiyak na apektado.

Hindi magandang katangian sa isang lider at mga may ambisyong maging pangulo ang magpakita ng pagiging bugnutin o mainitin ang ulo at madaling madala ng sulsol o madaling mapaniwala sa tsismis.

Pangit sa isang lider at mga nais na maging pangulo na agad-agad ay kumikilos nang hindi gaanong tinitimbang ang tama o mali o pinag-aaralang mabuti ang magiging resulta ng kanyang aksiyon o utos.

Sakuna at matinding kapahamakan ang magiging resulta nito sa buong bansa.

Papayag ba tayo na ang isang lider ng bansa o nais maging Pangulo ay ganito ang takbo ng isip – na masasabing walang bait sa sarili at magaling makinig at kumilos, ayon sa sabi-sabi?

May mga media forum ang minsan ay tinatanggihan ng isang pinakamataas na pinuno ng bansa at ibang nais na maging Pangulo – ang katwiran nila, “biased” daw sa kanya at kanila, at panig sa ibang kandidatong pangulo ang ibang samahan ng media ornanization, ano ba yan?

Sa halip na harapin ang mga isyu, init ng ulo ang isinasagot ng ilang lider ni Mang Juan at iba pang politiko na nais maging Pangulo ng Pilipinas na nais tayo ay pamunuan, at ito ay peligroso, nakatatakot.

May mga ibang hindi pa nga nanalo ay kung ano-ano na ang sinasabi kesyo pagdi raw sila ang nanalo ay siguradong bunga ng daya, sanabagan!

Malapit na ang 2022 presidential and vice presidential elections, kaya marami na rin ang pikon agad.

Tunay na nakatatakot ito!

Mahirap ang magkaroon ng mga lider na Pikon!

***

Palabra de honor ang tawag sa isang tao na ang sinabi ay kayang panindigan at titiyaking kayang gawin ang sinabi o ipinangako.

Pansinin: Tanging ang tao lamang ang binigyan ng Amang Diyos ng katangiang makapagsalita, at makapagpahayag ng saloobin at mangatwiran.

May dila ang mga tunay na buwaya, mga baka, kambing, aso, balyena, kabayo at iba pang hayop o insekto?

Pero, hindi sila makabuo ng salita: Tahol ang kayang gawin ng aso, unga kaya ng kalabaw at tilaok sa manok, halinghing sa kabayo.

Marami na rin naman ang naging lider ng bansa, na natapos ang termino at nawala sa puwesto at sa mga kainitan ng kampanyahan, langit at lupa ang ipinapangako nila na pag sila ang naging pangulo, ibibigay nila halimbawa ang para sa mga magsasaka, etc., pero may nangyari at naibigay ba ang mga pangako, wala!

***

Merong mga politiko na ngayon pa lang ay kinukondisyon na ang isipan ng kani-kanilang contituents na sila ang dapat manalo, at ngayon pa lamang, nakakasa na ang gagawin nila kung sila ay matalo – sa sinasabi nilang “pandaraya” na gagawin sa kanila?

Isinasaksak na sa isip ng kanilang mga kababayan at tagasunod na ngayon pa lamang, pag natalo sila, kaguluhan at pananakot ang dapat na itugon, wow ha?

Napakahirap na magkaroon na lider na hindi pa man nagkakaroon ng tunay na halalan ay inaaangkin na ang panalo at ipinalalagay na ang taumbayan ay isang bungkos na uto-uto at parang robot na kaya nilang pasunurin sa anomang nais nilang ipagawa, susmaryosep!

***

Ayaw natin ng gulo, at ang nais ng bansa ay kapayapaan at pagsulong sa kabuhayan at mapabilis ang ating kaunlaran.

Nais natin ay mga lider na ang layunin ay isaayos ang pamahalaan at maituwid ang mga kamalian, at sugpuin ang katiwalian at tapusin ang kahirapan.

Ayaw ng bayan ng mga lider na magsusulong ng mga kaguluhan at nais nila, isang bagong rebolusyon ng pagbabago sa kalagayan ng mahihirap na makatakas sa kahirapan at magkaroon ng malusog na katawan, matatag na hanapbuhay, magkapagtamo ng kalidad na edukasyon at makapagtamo ng maraming serbisyong bayan.

Ayaw natin sa mga lider na parang ewan!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Bawal ang pikon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bawal ang pikon Bawal ang pikon Reviewed by misfitgympal on Pebrero 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.