Successful people have a social responsibility to make the world a better place and not just take from it. — American singer Carrie Underwood
PASAKALYE
Bago ang lahat, pagbigyan n’yo muna akong batiin ang aking pamangking si San Fernando, Pampanga assistant city prosecutor Jose Teodoro Loeonardo Cabrera Santos ng kanyang kaarawan nitong Pebrero 6.
* * *
NAGHIHIGPIT ang Land Transportation Office (LTO) sa mga sasakyang walang mga plaka, partikular na ang mga motorsiklo, dahil sa maraming mga pagkakataon na ginagamit ang mga ito sa iba’t ibang uri ng krimen, kabilang na ang pagpatay at pananabang ng ilang mga kilalang tao at gayun din sa maliliit na na krimen tulad ng snatching at holdap.
Tunay ngang makakabuti ito sa publiko dahil magiging madali matunton ang sinumang gumawa ng krimen sa kaling maplakahan ang ginamit nitong sasakyan.
Subalit upang maging matagumpay ang inisyatibong ito, kakailanganin maging puspusan din ang pamamahagi ng mga bagong plaka sa mga sasakyan dahil nasa nakalipas na panahon ay malaking suliranin ito sa mga motorista o may-ari ng iba’t ibang sasakyan sanhi ng pagkabalam ng pag-issue ng kani-kanilang plaka mula sa LTO.
Tulad na nga ng problema ng mga delivery rider namin sa kompanyang pinagsisilbihan ko bilang human resource officer, ang karamihan ng aming mga motorsiklo ay wala pang plaka hanggang ngayon kaya palagi na lang sisita ng LTO o mga traffic enforcer at pulis dahil nga sa walang mga bagong plaka ang aming mga motorsiklo at hinihintay pa naming mabigyan ito ng LTO.
Sa isang forum, nabanggit ang problema ito ng isa nating kasamahan na beteranong mediaman. Ayon dito, matagal nang problema ang pagkabalam ng pag-issue ng license plate ng LTO sa mga motorista—kaya nga naitanong niya kung may sapat na dahilan para sampahan ng reklamo sa korte ang LTO dahil sa hindi pamamahagi ng plaka na binayaran na sa kanila.
Ayon naman sa tugon ng isang dating hepe ng LTO, sa teknikal at ligal na aspeto ng problema, tunay ngang may basehan para ang isang motorista ay magsampa ng kaso laban sa LTO dahil hindi nito tinupad ang masasabing kontrata sa pagrehistro ng anumang sasakyan na kailangang pagkalooban ng plaka.
Sa ngayon ay wala pa ring magawa ang LTO sa problema ng pag-isyu ng mga bagong plaka at sa aming pakiwari’y hindi na talagang matutugunan ito dahil taun-taon na lang ay nadaragdagan ang bilang ng mga taong nakapila para kumuha ng bagong plaka para sa kanilang sasakyan.
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!
The post Kailangang kasuhan ang LTO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: