PINURI ni Senator Christopher “Bong” Go ang naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa power distribution firms na huwag munang mamutol ng koryente sa mga tinatawag na lifeline consumers o low-income households na hindi pa makabayad.
Ang direktiba ng Pangulo ay kasunod ng rekomendasyon ng Department of Energy.
“Nagpapasalamat po tayo sa gobyerno, lalo na sa DOE at kay Pangulong Duterte, sa direktiba nito na bigyan ng palugit ang mga lifeliners o low income consumers sa kanilang bill sa kuryente, lalo na sa panahong ito ng pandemya,” ani Go.
“Malaking bagay po ito sa kanila, lalo na sa mga kababayan natin na nawalan ng trabaho nitong pandemya at patuloy pa pong naghahanap ng bagong pagkakakitaan. Bigyan po muna natin sila ng pagkakataon upang bumangon sa naranasang paghihirap dulot ng COVID-19,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa virtual press conference na inaprubahan na ni Pangulong Duterte ang rekomendasyon ng DoE lalo’t ikinokonsidera na ang koryente ay basic necessity na kailangan sa pang-araw-araw ng taongbayan.
Ang “no-disconnection policy” ay iiral lamang sa mga nakakakonsumo ng 100 kilowatt-hours pababa kada buwan, ayon naman kay Presidential spokesperson Harry Roque, Jr.
Epektibo ito ngayong Pebrero. Ngunit bibigyan ang consumers ng opsyon na mabayaran ang kanilang bills sa pamamagitan ng installments.
Batay sa data ng DOE, habang 32% ng customer base ay lifeliners, lumilitaw na 3% percent lang ito ng electricity sales. Kaya naman ang no-disconnection policy ay “doable”.
Bukod sa direktiba, iginiit din ng Pangulo sa Kongreso na magpasa ng batas na magpapalawig sa benepisyo ng lifeline consumers, gaya ng electricity bill discounts.
Suportado rin ng administration ang panukalang batas na magpapalawig sa subsidized electricity rates para sa lifeliners hanggang 2051. Ang nasabing subsidy ay nakatakdang magtapos ngayong taon.
Samantala, sinabi ni Manila Electric Co. (Meralco) spokesperson Joe Zaldarriaga na susunod ang kompanya sa direktiba ng Pangulo. Hinihintay na lamang nila ang specific guidelines mulla sa DOE. Tiniyak din niya na patuloy silang tutulong para maasistehan ang consumers sa kanilang billing issues.
Nauna rito, hiniling ni Go sa Meralco na pag-aralan ang posibilidad na i-extend ang kanilang no-disconnection policy para sa underprivileged consumers.
“Ilang buwan nating pinagbawalan ang karamihan na makapagtrabaho at maghanapbuhay. Ilang buwan din natin silang pinilit na manatili lang sila sa kanilang mga bahay. Hindi na nga makabili ng pagkain, paano pa ba ‘yan makakabayad ng kuryente,” ani Go.
Patuloy na nakikiusap ang mambabatas sa mga malalaking kompanya na magbayanihan at magmalasakit sa kapwa Filipino na naghihirap ngayon.
“Unahin natin ang kapakanan ng nakararami, lalo na ang mga mahihirap,” giit niya. (PFT Team)
The post Bong Go: Pinuri si PRRD sa “no disconnection policy” sa electricity consumers appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: