UMAPELA si Senador Christopher “Bong” Go, chairman ng Committee on Health sa Food and Drugs Administration na imbestigahan at hulihin ang mga nasa likod ng sinasabing mga pekeng COVID-19 vaccine.
Bukod sa FDA, kinalampag din ni Go ang Bureau of Customs para bantayang mabuti ang mga pumapasok sa bansa gayundin ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation para imbestigahan at hulihin ang mga nagpapapasok ng mga iligal na gamot.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Go ang mga otoridad na oras na mahuli ang mga nagpupuslit ng pekeng COVID-19 vaccine ay mas mabuting ang mga ito ang unang turukan ng kanilang produkto.
Binigyang-diin ni Go na hindi katanggap- tanggap ang ginagawang iligal ng mga nagpapapasok ng illegal na gamot lalo pa ngayong naghihirap ang maraming Pilipino.
Binalaan din ni Go ang mga nagsasamantala sa sitwasyon na dapat alam na nila ang kanilang kahihinatnan, oras na mahuli sila sa kanilang ginagawa.
Giit pa ni Go na hindi sila papayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na turukan ang mga Pilipino ng pekeng gamot.
Sa kabila nito, tiwala si Go na makukuha pa rin ng gobyerno ang tiwala ng taumbayan sa bakuna oras na mapatunayan ng mga opisyal ng pamahalaan na dapat pagkatiwalaan ang mga bakunang bibilhin lalo pa kapag nanguna sila sa pagpapabakuna.
Ayon kay Go, walang Pinoy ang ayaw na bumalik sa normal na pamumuhay pero tanging ang bakuna ang magiging susi nito. (Mylene Alfonso)
The post Mga nagpapakalat ng pekeng COVID-19 vaccine, binalaan ni Sen. Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: