Facebook

AFP Chief Cirilito Sobejana, isang buhay na bayani

OPISYAL nang umupo bilang bagong Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief si Lt. Gen. Cirilito Sobejana.

Siya ang pumalit kay Gen. Gilbert Gapay na nagretiro nitong ika-4 ng Pebrero.

Sa Change of Command at Retirement Ceremony sa Camp Aguinaldo na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ginawaran si Gapay ng plaque of honorable service at medalya sa naging kontribusyon ng heneral sa militar.

Hindi maitatanggi na matindi ang hamon na kinakaharap ni Sobejana bilang ika-55 na pinuno ng AFP.

Ngunit sa kanyang talumpati, siniguro ng opisyal na “in control” at “on top of the situation” ang buong puwersa ng Sandatahang Lakas para rito.

Well, kumpiyansa ang marami na tulad ng iba, sa pamumuno ni Sobejana ay tatalima ang AFP sa humanitarian law at tutuparin ang tungkulin para protektahan ang bayan.

Hindi nakapagtataka kung bakit siya ang hinirang bilang bagong AFP Chief dahil siya ay itinuturing na isang “buhay na bayani” bilang isa sa mga ginawaran ng pinakamataas na parangal ng militar na “medal of valor” at mula sa Philippine Military Academy (PMA) “Hinirang” Class of 1987.

Isang tunay na mandirigma si Sobejana na nagsabing ang totoong “valor” ay ang mga taong hindi sumusuko sa anumang pagsubok ng buhay.

Kilala siya sa pagiging beterano sa bakbakan lalo na sa madugong 1995 Basilan encounter laban sa mga miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Naging pinuno si Sobejana ng Philippine Army (PA) at Commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom) bago naupo sa AFP.

Kung matatandaan, naging chief of staff din si Sobejana ng United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) na pinadala sa Golan Heights noong 2013.

Bilang head ng UNDOF, inatang sa balikat niya ang pagtiyak na hindi nalalabag ng Syria at Israel ang Agreement on Disengagement na nilagdaan ng mga ito noong 1973 Yom-Kippur War.

Kilala rin siyang lumalaban sa mga terorista at isang peacekeeper.

Bagama’t gusto niya ng sagupaan, handang magbuwis ng buhay, at pumatay ng terorista o kalaban ng gobyerno, nais pa rin niyang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan higit na sa Lupang Pangako.

Nagsilbi kasi siya sa UNDOF sa kasagsagan ng civil war sa Syria.

Hindi niya makakalimutan ang dinaluhan niyang ambassador’s day noong mga panahong iyon kung saan niyanig sila ng pambobomba habang idinadaos ang event.

Dinukot naman ng mga Syrian rebels ang tinatayang 21 Filipino peacekeepers sa Golan Heights. Naging bahagi si Sobejana ng UN team kaya nakalaya ang mga sundalo.

Matapos ang insidenteng iyon, ibinalik siya bilang operations officer ng Phil. Army hanggang sa isang grupo na naman ng mga Filipino peacekeepers ang naka-standoff ng mga rebelde sa Syria.

Pagbabalik-tanaw nga ni Sobejana, kahit nakakatakot ay nautakan o naisahan pa rin ng mga Pinoy ang mga rebeldeng Syrians.

Ngayong siya na ang nakaupong pinuno ng AFP, handa na si Sobejana na gampanan ang kanyang trabaho.

Kung hindi ako nagkakamali, magreretiro si Sobejana sa Hulyo ngayong taon, pagsapit niya ng 56 taong gulang na siyang mandatory retirement age para sa uniformed service.

Saludo po ako sa inyo, LtGen Sobejana.

God bless at Mabuhay po kayo, sir!

***

PARA sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Instagram, at FB pages. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post AFP Chief Cirilito Sobejana, isang buhay na bayani appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
AFP Chief Cirilito Sobejana, isang buhay na bayani AFP Chief Cirilito Sobejana, isang buhay na bayani Reviewed by misfitgympal on Pebrero 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.