MALINAW na handa na ang pamahalaan sa pag roll-out ng bakuna sa bansa. Wala ng lugar upang pumalpak ang pagbibigay ng bakuna sa dami ng ginawang paghahanda, pagsasanay, praktis o ano man ang gusto ninyong itawag.. Ang mga paghahandang ito’y tunay na inilunsad upang ipakita sa madla na prayoridad ng pamahalaang ito ang pag babakuna sa mga tao.
Maraming mga kagamitan ang binili, maraming tao ang kinausap, marami ang nakilahok at talaga namang lumabas na handang-handa ang ating mga tagapagpaganap sa pagdating ng bakuna sa bansa. Masarap pakingan ang mga balitang ito ngunit nasaan ang bakunang gagamitin upang isakatuparan ang paghahanda, ito ang tanong na hindi nasasagot.
Meron na ba talagang bakuna na darating sa bansa? May kasunduan na bang lehitimong nalagdaan? At kung meron na, kailan ang dating ng bakuna sa bansa? May sapat na bang pondo para bakunahan ang milyon-milyong Pilipino? May programa na ba para sa indemnity, sapat na ba ang facilities, anong bakuna ang iro-roll-out?
Ilan ito sa mga tanong na hindi malinaw ang kasagutan mula sa pamahalaan. O’ ang mga donasyon lang mula sa mga Tsekwa ang inaasahan darating at talagang pang praktis ang husay ng pamahalaang ito, wow ang galing…
Sa sangay ng mga LGU, silipin natin ang kahandaan ng mga ito, sa Metro Manila kapansin-pansin na naglaan ng kaukulang pondo ang mga alkalde sa pagbili, at atat ng iroll-out ang bakuna para sa C19 sa kani-kanilang nasasakupan upang mabuksan na at kahit papaano ay maibsan ang lugmok na ekonomiya ng bansa. Subalit sa kasalukuyan hindi ito magawa dahil sa kabagalan ng pambansang pamahalaan na makakuha ng sarili nitong bakuna sa maraming mga dahilan na nabangit sa itaas.
Naitatali ang pagnanais ng mga LGU bilang paggalang sa pambansang pamahalaan na usad pagong na tamad ang pagnanais nito na mabakunahan ang kanilang mga kababayan, ayun dinadaan na lang sa praktis. Baka masunog na kayo sa kasasanay at mapatunganga kung nandiyan na. Nariyan pa rin ang isyu o’ usapin ng pagkukunan ng bakuna na ibig ng mga LGU na iba sa nais ng pamahalaan ni Totoy Kulambo.
Sa katunayan, sa survey na ginawa kung anong bakuna ang nais ni Mang Juan, talagang iba ito sa ibig angkatin ng pamahalaang pambansa. At malinaw sa mga alkalde ng kaMaynilaan at malamang susunod ito sa ibig ng kanilang nasasakupan. Kung makapagsasabi lang ang mga alkalde na hindi makakasakit kay Totoy Kulambo nais na nitong maumpisahan na ang pagbabakuna sa kanilang mga nasasakupan yun nga lang, nangingibabaw pa rin ang paggalang ng mga ito.
Silipin natin ang kahandaan ng mga hospital ng pamahalaan sa bansa. Handa na ang mga hospital sa ating bansa at talaga namang ibig nang iroll-out ang bakuna para sa ating mga healthworkers at frontliners. Sa katunayan meron ng talaan ng kung sinu-sino ang mga prayoridad na dapat bigyan at unahin. Bilang at tukoy na ang lahat ng mga personnel na babakunahan kaya lang nasaan ang bakuna?
Wala pa man ang bakuna, narito na ang politika ni Bongoloid na ibig ipasok ang Malasakit Program sa mga hospital ng pamahalaan. Nais nitong maglaan ang bawat hospital ng 30% na bakuna para sa Malasakit Program na dala ang kanyang pangalan. At bahala na ang hospital na pagkasyahin ang natitirang 70% suplay ng bakuna sa kanilang personnel. Oo, para sa masakit este sa Malasakit Program ng malapit na aso ni Totoy Kulambo na walang balak tumakbo kuno dahil pinapatangal ang mga tarpaulin na may pangalan nito. Bulok ang style mo Bongoloid kumita na yan at hindi na ngayon.
Isa pang nakakasukang usapin hinggil sa bakuna ang inusal ng Kalihim ng Kagawaran ng Paggawa hinggil sa pagpapadala ng mga nurse sa United Kingdom at Germany. Nakikiusap ang mga ambassador nito sa Kalihim na huwag nang bigyan ng takip ang pagpapadala ng mga nurse na ibig magpunta sa mga nasabing bansa, dahil na rin sa pangangailangan o’ demand ng mga bansang ito sa mga health workers lalo na ang nurses.
Madaling kausap ang Kalihim at aalisin ang takip na ilalagay basta may kapalit na bakuna ang mga nasabing bansa sa Kagawaran na gagamitin kuno sa mga OFW. Tila ba kalakal ang ating mga nurses na OFW na gagamitin bilang kapalit sa mga bakuna. Ibang uri talaga kayo na nilalang.
Anong panlasa meron ang mga nasa pamahalaan na ginagamit ang lahat ng pagkakataon upang makipagnegosasyon at makaisa sa negosasyon, at sa pagkakataong ito, kanila pang ginamit bilang kapalit ang mga health workers. Nagsimula ang ganitong posisyon sa pagpapalawig ng VFA na kapalit ng bakuna at sa kalaunan naging pera. Iisa ang takbo ng isip ng mga Inferior Davao at ang resulta’y kapahamakan sa bansa. At sa takbo ng mga pakikipag-usap nito, nagdadalawang isip ang kausap nito na magsarado ng negosyo sa pamahalaang ito. Dahil sa ganitong mga pangyayari, hindi kataka-taka na kulelat ang bansa sa pag dating ng bakuna para kay Mang Juan. Ang husay nito’y pampraktis lamang , hay naku.
Kay Mang Juan, Aling Marya, at sa balana, imulat na ang mga mata at buksan ang isipan sa lahat ng mga ginagawa ng pamahalaan upang mapanatili ang sarili sa kanilang ayaw bitawang kapangyarihan at masarap na upuan. Ang mga kilos at galaw nito’y lumang tugtugin na kumita na at ‘di na dapat maulit pa, talagang bulok ang style…
The post Bulok ang style appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: