MAY pag-asa pa ba na tuluyang “mapatay” ang smuggling sa Bureau of Customs (BoC)?
Kahit nga raw ano pa ang gawing reporma at pagpapalit ng mga opisyal at operatiba ng BoC para sugpuin ang mga ismagler, ilegalista o kontrabandista, sa halip na manghina sila at lumiit ang bilang, parang cancer virus ang lakas ng karisma ng mga smugglers.
Ilang presidente na ang dumating at umalis, pero ang mga task force kontra smuggling na unang binuo ng nanay ni dating Pangulong Noynoy na si Tita Cory, hanggang sa kasalukuyang panahon, at ang nakadidismayang performance ng ilang operatiba ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero ay nagmistulang sisiw sa malalaking kuko ng mga smuggler.
Ang pangalan ng kilala o pinaniniwalaang bigtime smugglers sa panahon nina FRV, Estrada, Arroyo, Pnoy at ngayong panahon ni PRRD ay nananatiling matatag ang pundasyon sa loob ng Aduana.
Sa halip na manghina sa inilunsad na anti-smuggling drive ni Commissioner Jagger ang mga sikat na pangalan sa BoC, sinasabi ng mga tagamasid, “nagmistulang mga hari, reyna at mga prinsipe at prinsesa” ang mga ismagler na sinabihang “ipapakalaboso.”
Ano ang dahilan at bungal ang ngiping ng bulldog sa Customs na hinirang ni Pangulong Duterte?
Ano ang magic o weapons of destruction na ginamit ng mga smugglers kaya umano’y nagmistulang tiyope at bahag ang buntot ng mga bulldog ni Guerrero?
“Napakaraming pera nga ba?!”
Mamahaling kotse umano, alahas, mga mansiyon at mga bayarang lalaki at babae ang iniaalok sa mga bulldog na ito na sa una ay umungol sa pagtanggi, pero ngayon, umaalulong ang kahol sa kagustuhang mabigyan pa ng mabigyan ng bulto-bultong tongpats.
Matagal nang nagpakita ng gilas ang mga umano’y tinatawag na bulldog ni Guerrero na sa katagalan ay nanlalaglag ang mga pangil at nagsimulang makipagsabwatan sa smugglers sa BoC, ano ba yan?
May mga batas kontra sa pagpapasok ng ukay-ukay at mabigat ang parusa rito, pero kabi-kabila ang negosyong secondhand na gamit; parang bukal ang dating ng mga asukal, bigas, computers, cellphones, at patuloy ang car smuggling, tiles, bakal, at iba pang mahihinang produktong mula sa China, Taiwan, India at Korea.
Totoo nga bang bungal ang mga bulldog ni Comm. Guerrero?
***
May mahalagang payo ang Biblia tungkol sa tuwid at liko-likong landas.
Dalawang daan ang tinukoy ng Panginoong Jesus na dapat pagpilian ng mga tao, ang isa, isang makipot, pero tuwid na landas.
Bakit makipot ang tuwid na landas, at bakit kakaunti ang mga taong dumadaan sa tuwid na landas, tanong din sa Banal na Kasulatan.
Makipot, paliwanag ng Biblia, upang ang mga tao na may mga dala-dalang bagahe (bagahe –tumutukoy sa mga kasalanan, maitim na budhi at iba pang tiwaling gawain) ay mapilitang iwanan ang dala-dala nila, upang makapasok sa makipot pero tuwid na landas.
Sabi pa, sa maluwang pero liko-likong landas o tiwaling daan, marami ang nagsisipasok, pero sa dulo ng daan na ito, ang mga taong pumasok at dumaan ay tiyak na mapapahamak.
Corrupt-free at drug-free ang ang laging bukambibig Pangulong Duterte na nais niyang maiwang pamana ng kanyang administrasyon pero ang kahilingan niya sa mga kaalyado, at maging sa oposisyon na samahan siya at tulungang maayos ang landas ng ating bansa ay tila mauuwi sa wala.
***
A public office is a public trust, sabi ng ating Constitution.
Laging sinasabi ni PRRD na walang puwang o lugar sa kanya ang mga tiwaling opisyal ng kanyang administrasyon, lalong-lalo na iyong mga nagkakamal ng mga male-maletang pera at ubod ng takaw na opisyal ng gobyerno.
Maayos at di bako-bakong landas, aniya ang nais niyang tahakin ng lahat ng opisyal at mga kawani ng pamahalaan.
At sabi pa ni Tatay Digong, kung may kahihiyan pa ang mga opisyal ng gobyerno na mahihiwatigan o maaakusahan ng katiwalian, lalo na ang mga maipalalagay na talagang may kasalanan na ay kusa nang magbitiw sa kanilang tungkulin.
Bakit natin ito sinasabi?
Kasi po, kayrami ng opisyal ng gobyerno ang pinaparatangan na nagkamal ng salapi na gamit ang impluwensiya at kapangyarihan ng kani-kanilang opisina.
Ang matindi, ang dami ng mga opisyal sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ang pinaghihilaang maraming ginawang kabalbalan, at tila lihis na lihis ang daan sa maayos na daan na itinuturo ni Pangulong Duterte.
Kayrami nang iniimbestigahang mga opisyal ng gobyerno at ang iba ay nag-resign at nasibak na nga sa puwesto pero napakarami pa rin ang tiwali at mga magnanakaw sa kaban ni Mang Juan, bakeeet?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang po sa bampurisima@yahoo.com.
The post Bungal nga ba ang mga bulldog ni Guerrero? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: