DI na maaawat ang paglobo o pagtaas ng presyo ng lahat. Nalilito na tayo kung paano pagkakasyahin ang ating mga kita, kung meron man, sa nagmamahalang presyo ng bilihin ay dadagdag pa ang nakaumang na pagtataas ng presyo sa singil ng paggamit natin ng ating mga Automated Teller Machine (ATM) Card.
Pinalampas natin ang unang pagpapatupad ng onse pesos na bayad kada gamit natin ng ating ATM card upang mag-withdraw ng ating mga sahod at kahit sa pagtingin lamang ng balance o kung may natitira pa tayong pera sa banko.
Naka-umang ang 63 percent na pagtaas ng charge na ito sa buwan ng April. Ang dating onse pesos (P11.00) ay magiging disi-otso (P18.00) na. Nangangahulugan ito na kada gagamitin natin ang ating ATM may mababawas o sisingilin tayo ng disi-otso pesos simula sa Abril.
Pitong pisong pagtaas sa kalagitnaan ng ating pakikibaka sa nagtataasang presyo ng bilihin. Parang di naman naaangkop di po ba?
Hindi ba maaaring ipagpaliban muna ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na siyang nag-apruba nito sa pamamagitan ng Monetary Board Resolution No. 1680 noong December 22, 2020.
Ipapatupad kung saan marami sa atin ay naghihirap dahil sa kawalan. Ang kakarampot na pinag-trabauhan at sumasahod sa pamamagitan ng ATM ay may kaltas pang singil na ngayon ay tinaasan pa.
Ito ay sa kabila rin ng pagsusumikap ng ating pamahalaan na matulungan ang ating mga kababayang naapektuhan ng pandemiya nang dahil sa COVID-19. At kahit papaano ay iiwas ang lahat sa karagdagang paghihirap.
Hindi ba’t hinarang at ipinatigil muna ang pagtataas ng kontribusiyon ng ating mga kababayan sa Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth, at maging sa Social Security System (SSS).
Nariyan pa ang muling pagpapapasa ng Kongreso sa tinatawag na Bayanihan 3 Law na naglalaan ng P420 bilyong piso bilang subsidiya sa mga pasahod sa mga manggagawa ng maliliit na negosyo at tulungan pa ang mga Filipinong apektado ng pandemiyang dulot ng COVID-19.
Ang mga yan ay pamamaraan ng pamahalaan ng Administasyong Duterte upang maibsan ang paghihirap ng ating mga kababayan.
Maaari naman sigurong makisama ang BSP sa mga hangaring ito, at huwag munang ipatupad ang pagtataas ng singil sa paggamit ng ATM, para na rin sa mga ordinaryong manggagawang Filipino.
Nakakatiyak din naman tayong kaya ng mga bangko na mag-operate ng kani-kanilang ATM machines sa kasalukuyang singil na onse pesos. Kung tutuusin nga dapat ay walang bayad o charge ang mga ganitong transaksiyon.
Magsama-sama muna tayo at magtulong-tulong upang ang lahat ay maka-ahon sa kahirapan at pandemiya.
The post Onse pesos dati sa susunod disi-otso na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: