Facebook

DENR at Mayor paiimbestigahan!

HINDI pa man pormal na nakapagsasampa ng reklamo sa Tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga tumututol na mga mamamayan sa hinihinalang ma-anomalyang paniningil ng “pass way permit” at iligal na pasugal sa bayan ng Taysan, Batangas ay nabunyag pa din ang kaduda-dudang pag-iisyu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa mga kontrobersyal na pagmimina, logging at pagko-quarry sa naturan ding bayan.

Sa bisa ng pag-iisyu ng DENR ng ECC sa mga mining at quarry operator sa mga barangay ng Santo Niño, San Marcelino, Pinagbayanan, Bacao at iba pang lugar sa Taysan ay malayang naituloy ang nahintong pagmimina, at pag-”quarry” na nagreresulta sa pagkapanot ng bundok at pagguho ng lupain sa nabanggit na munisipalidad. Naging sanhi ito ng malawakang pagbaha at land slidesa Taysan at sa ibat-ibang panig ng lalawigan ng Batangas.

Ang mga nahuhukay na lupa ay ibinebenta ng mga mining at quarry operator sa malalaking construction project bilang panambak sa ibat-ibang proyektong pang-pribado at pang-pamahalaan sa mga lalawigang sakop ng CALABARZON (Cavite, Laguna,Batangas, Rizal, Quezon) at Metro-Manila.

Winawasak ng mga mining at quarry operator maging ang mga agricultural land kaya nawalan na ang maraming magsasaka sa Taysan ng mga lupaing masasaka na siyang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng higit nakararaming residente doon.

Bago pa man pasukin ng mapaminsalang mining at quarry operation ang Taysan ay sagana doon ang ani ng produktong agrikultural. Nalugmok sa kahirapan ang mga magsasaka sa Taysan nang naging palasak ang operasyon ng mining at quarrying at isinisisi ang kanilang kinasapitan sa kapabayaan ng Local Government Unit lalo kay Taysan Mayor Grande Gutierez.

Batay sa hinaing ng ilang mamamayan na idinulog sa SIKRETA, may 11 mining at quarrying permit ang naiisyu ng DENR Regional at Provincial Offices sa maiimpluwensyang personalidad sa bayan ng Taysan at mayayamang negosyante sa Batangas para makapag-operate ng kontrobersyal na pagmimina at quarrying sa nasabing bayan.

Naisyuhan na ang mga ito ng ECC kahit di pa natatapos ang imbestigasyon sa mapaminsalang baha dulot ng pagmimina, logging at pagko-quarry sa Northern Luzon na nagbunsod upang ipagbawal ang operasyon ng maraming minahan at quarrying sa ibat-ibang panig ng bansa kabilang na sa Batangas.

Kaduda-duda ngang naisyuhan ng ECC ng Batangas Provincial DENR at Regional Offices ang mga mining at quarry operator sa munispalidad ng Taysan. Hinala ng mga mamamayan sa Batangas, imposibleng hindi ipinaalam kina DENR Sectretary Roy Cimatu at Usec. Benny Antiporda ang pagkapag-isyu ng ECC sa mga mga mining at quarry operator sa bayan ng Taysan ng DENR Provincial at Regional Offices.

Kaya nagpipista naman ang kolektor ng passway permit sa Taysan pagkat patuloy ang mga ito sa pagtabo ng milyones na koleksyon mula sa mga dump truck at cargo truck na naghahakot ng lupang panambak mula sa ibat-ibang mining at quarry site sa nasabing bayan.

Tinatayang humigit-kumulang sa Php 18 milyon kada buwan sa nakokolekta ng kolektor ng pass way permit mula sa may apat na barangay na dinadaanan ng mga behikulong nagkakarga ng panambak sa mga lisensyado at underground o di lisensyadong mining at quarry site sa Taysan.

Bawat dump truck at cargo truck ay nagbabayad ng Php 150 sa kada barangay na dinadaanan ng mga nasabing behikulo, kaya sa kabuuuang apat na barangay na kanilang dinadaanan ay nakakaltasan ang mga tsuper ng ng Php 600 araw-araw.

Tinatayang hindi kukulangin sa 1,000 byahe ang nakukumpleto ng mga dump truck at cargo truck sa mga mining at quarry site sa Taysan at bawat behikulo ay nagbibigay ng kanilang “tong” sa kolektor ng pass way permit na nakapwesto sa isang out post malapit lamang sa municipal hall ng Taysan.

Ngunit hindi naman nag-iisyu ito ng government official receipt at sa halip ay ipinagdidiinan na lamang nito na ang pangongolekta ay utos ng kanilang meyor?

Desididong dumulog ang mga nagrereklamong mamamayan sa tanggapan ng NBI Regional Office sa Lipa City para ipasiyasat si Mayor Gutierez at maging ang mga hepe ng DENR Provincial at Regional Offices at malinaw sa mga ito ang mga basehan ng paniningil ng pass way permit at pag-iisyu ng ECC sa mining at quarry operator sa Taysan.

“Punong-puno na at nag-uumapaw sa katiwalian ang aming bayan, mayroon na ngang operasyon ng licensed at di lisensyadong mining at quarry, koleksyon ng pass way permit ay may pa-jueteng pa sina alias Zalding Konti at alias Bedung.

May iligal na pasabong o patupada pa si alias Bedung sa Brgy. Tulos tuwing Sabado at Linggo kung saan ay malakasan ang pustahan, daig pa nito ang mga ligal at lisensyadong sabungan na ipinagbabawal pa ang operasyon.

Ngunit para kina Bedung at Zalding Konti wala silang pakiaalam sa pinaiiral ng pamahalaan na healtrh protocols. Ang importante ay nakatutupad daw sila sa “obligasyon: sa kapulisan at sa LGU. Teka nga pala, ano bang cash-unduan meron sa pagitan ng Taysan LGU, Taysan Municipal Police at PNP Provincial Offices hinggil sa pailigal nina Zalding Konti at Bedung? Kung meron man, makabubuting alamin na lamang natin ito kay Batangas PNP Provincial director, P/Col. Arvin Rex Malimban?

Punong -puno ng hangin ang utak nitong si alias Zalding Konti pagkat pinalulutang nito na kaalyado nito sa pulitika si Mayor Gutierez. Ipinagbabanduhan din nito na siya ang binendisyunan ng tanggapan ng alkalde para mag-operate ng STL cum jueteng sa may 15 barangay ng Taysan samantalang lima lamang na barangray ang inilaan kay alias Bedung.

Si alias Bedung naman ay pinalalabas na pinondohan nito ng milyones na salapi bilang election campaign fund si Gutierez noong 2019 Election kaya tinalo nito ang dating alkalde ng Taysan.

Isa sa mga plataporma pulitikal ni Gutierez nang kumampanya pa lamang ito bilang Taysan mayor ay ang paglilinis ng naturang bayan laban sa katiwalian at korapsyon, paglansag sa mapaminsalang pagmimina, pagko-quarry, drug trade at iligal na pasugal sa kanyang bayang nasasakupan.

Nabalita naman na sinuportahan ang kandidatura ni Gutierez ng mga makakaliwang grupo sa pag-aakalang magiging malinis at matapat ito sa kanyang panunungkulan kapag nahalal nang alkalde. Ngunit ngayon, anyare mayor?

Malalaman natin kung may katotohanan nga ang akusasyon ng mga nasabing mamamayan na may nagaganap na katiwalian at korapsyon sa administrasyon ni Gutierez sa sandaling umusad na ang imbestigasyon ng NBI. Bukas po ang ating pitak para sa panig ni Mayor Gutierez at iba pa. Subaybayan…

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.

The post DENR at Mayor paiimbestigahan! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DENR at Mayor paiimbestigahan! DENR at Mayor paiimbestigahan! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.