![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2020/09/hagupitfinale.jpg)
ANG pagiging alagad ng sining, manunula, mananayaw, pintor, mangaawit atbp. ay dapat pa rin sinasamahan ng tamang pag-iisip at lohika.
Ang paglikha ng awit, halimbawa, ay kinakailangang may katotohanan kung ang mga liriko o salitang ginamit sa himig ay nagpapatungkol sa kasaysayan.
Gumawa ng ingay kamakailan lang at nadeklara pa tuloy na ‘persona non grata’ sa Lapu-lapu City itong bagong sumisikat na rapper na si “Ez Mil” dahil sa pagkakamaling liriko nitong naisulat tungkol sa pagkamatay ng ating bayaning si Lapu-lapu.
Maging ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ay naglabas ng pahayag dahil sa taon na ito gugunitain ang ika-500 anibersaryo ng makasaysayang “Battle of Mactan” kung saan ang sabi nI Ez Mil sa kanyang awiting pinamagatang “Panalo” ay napatay si Lapu-lapu.
“Hinding hindi napatay si Lapu-lapu sa Battle of Mactan. Ang giyera ngang ito ay napagtagumpayan pa ng ating mga ninuno ng mga panahong iyon,” ang pahayag ng NHCP sa pamamagitan ng Chairman nito na si Rene R. Escalante.
Itinama agad ang kamaliang nagawa ng rapper na laki sa America. Bagamat ikinatutuwa at lahat tayo ay nagagalak kapag may mga bagong kantang pumapaimbabaw sa ating mga himpilan ng radyo at telebisyon, lalo na kapag ang awitin ay sumasalamin sa ating kasaysayan.
Ngunit kailangang isaalang-alang din ng lumikha ng awitin na dapat ay tama ang kanyang pagsasalarawan ng bahagi ng ating kasaysayan. Mayroon siyang responsibildad na dapat ay tama ang kanyang mga binabanggit sa kanyang awitin. Hindi ito magandang halimbawa kung mali ang impormasyong kanyang ginamit sa kanyang kanta.
Kung ang video ng “Panalo” ni Ez Mil ay umani na 32 milyong nakapanood, 32 milyong katao din ang nabigyan ng maling impormasyon sa pagkamatay ng ating bayaning si Lapu-lapu.
Anumang paliwanag ni Ez Mil sa kanyang intensiyon at pagkakamali ay di na mababago ang maling impormasyon na kanyang naisama sa kanyang kanta. Maging ang kanyang paghingi ng paumanhin ay di na mabubura ang pagkakamaling ito.
Agad ngang nag-utos si Lapu-lapu City Mayor Junard “Ahong” Chan sa kanilang konseho na ideklarang personan non grata si Ez Mil sa kanilang lugar, sa pagkakamaling nagawa ng rapper.
Kaya sa bawat lilikhaing sining, kailangang isailalim din sa tamang pananaliksik upang di tayo umani ng di magagandang pagpuna at panunuri sa kamaliang nagawa.
The post ‘Di magandang halimbawa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: