TAHASANG pinasalamatan ng samahan ng mga magbababoy ang agarang naging tugon ni Finance Secretary Carlos ‘Sonny’ Dominguez III, nang ipag-utos nito sa Bureau of Customs (BOC) na tutukan ang misdeclaration o misclassified pork shipments ng mga importers kung saan hindi nagbabayad ang mga ito ng tamang taripa.
Isinagawa ni Dominguez ang kautusan nang aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte, nitong Pebrero 3 sa ginanap na Cabinet meeting, kung saan inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) na palawakin ang Minimum Access Volume (MAV) allocation para sa mga inaangkat na baboy.
Ayon kay Nicanor ‘Nick’ Briones, Pangulo ng Agriculture Sector Alliance of the Phils. (AGAP) at Vice President ng Pork Producers of the Phils., na muling ibinalik ni Dominguez ang tiwala ng mga magbababoy na bumalik sa pag-aalaga nang mabatid nilang mayroon silang kakampi sa hanay ng Dept. of Finance (DoF).
Sinabi ni Briones, na naniniwala umano si Dominguez na may nagaganap na technical smuggling na undervaluation at misdeclaration sa loob ng BoC nang sabihan nito si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na tignang mabuti ang posibleng nagaganap na smuggling sa mga baboy.
Inihayag ni Briones, na kung gustong mahuli ni Guerrero ang mga importers na nagsasagawa ng undervaluation at misdeclaration, unahing imbestigahan ang mga dumating na inangkat nitong huling quarter ng 2020 hanggang sa kasalukuyan.
Ayon pa kay Briones, batay sa record ng BoC na nakarating kay Senator Cynthia Villar, nitong Lunes, Peb. 22, na P70 per kilo ang idineklararang presyo ng mga importers sa pagbili ng karneng baboy, subali’t ayon sa mga legal na importers P130-150 per kilo ang tunay na presyo ng bilihan sa merkado sa ibang bansa.
Aniya, maliwanag na mayroon hindi idineklarang P60-80 per kilo at sa taripang 40% nawawalan ang gobyerno ng P24-23 per kilo o P2.6 billion sa 93 billion kilos na dumating ng taon 2020.
Sinabi pa ni Biones na halos P6 bilyon buwis ang nawawala sa kaban ng bayan dahil sa technical smuggling sa imported na karne ng baboy pa lamang bukod pa sa manok, bigas, asukal, sibuyas, gulay, isda at iba pang produktong agrikultura na aabot sa P40 bilyon na dapat sana gamiting ayudad sa mga magbababoy na tinamaan ng African Swine Fever (ASF).
The post Dominguez, pinasalamatan ng mga magbababoy appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: