Facebook

Pagpasailalim sa MGCQ ng Pilipinas, makatulong kaya?

MAKATULONG kaya ang pagpasailalim sa Moderate General Community Quarantine (MGCQ) ng buong Pilipinas partikular na ang National Capital Region (NCR) sa Marso 2021?

Ito ang mga katanungang kasalukuyang buma-balot sa isip at diwa ng ating mamamayan na wala rin namang ibang optiyon kundi ang sumunod at makipagsapalaran.

Ang paglagay sa MGCQ ng bansa ay hinggil sa rekomendasyon ng iba’t ibang ahensiya ng ating gobyerno na may kinalaman sa ekonomiya at pagsugpo sa pandemyang dulot ng covid19.

Ang mga ahensiyang ito ay pinangungunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG), Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH) at National Economic Development Agency (NEDA) na suma-sangayon na ilagay na sa MGCQ ang buong kapuluan.

Halos lahat o mayoridad ng mga nabanggit na ahensiya ay iisa lang ang rason kung bakit dapat ng ilagay sa MGCQ ang bansa at ito ay dahil sa namimiligrong ekonomiya na palubog ng palubog.

Kaakibat nga naman nito ay ang hirap at gutom na sasapitin ng ating mga kababayan kung mananatiling ganito ang estado ng kalakaran na hindi man lang umuusad at gumagalaw.

Ang mga rekomendasyong ito ay pinangungunahan nina DTI Secretary Ramon Lopez, DILG Secretary Ed Ano at NEDA Acting Secretary Karl Kendrich Chua na nagmungkahing simulan ng buksan ang lahat ng negosyo para sa kapakanan ng marami.

Sinabi rin nila sa kanilang rekomendasyon na palawigin ng 75porsiyento mula sa 50porsiyento ang mga pampublikong sasakyan upang may masakyan ang mga mamamayan na muling magtra-trabaho sakaling maging MGCQ na ang bansa.

Rekomendado rin nila na payagan ng lumabas ng bahay ang may edad 5-70 anyos. Dati kasing hindi pinapayagang lumabas ng kanilang bahay ang may edad 15 anyos pababa at 65 anyos pataas.

Minungkahi rin ang pagdaraos muli o implementasyon ng face to face classes para sa mga estudyante upang bumalik umano ang sigla ng edukasyon na kanilang kinagisnan.

Sa pagpapatupad nga naman ng lahat ng ito ay nandoon at dapat pa rin sundin ang mga health protocol tulad ng paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at ang social distancing.

Malakas rin nga naman ang punto de la vista na isailalim na sa MGCQ ang bansa kaysa manatili ito sa GCQ na kung saan ay para tayong tumatawid sa manipis na alambre.

May pagkakataon rin naman kasing kailangan nating alisin muna ang takot at pangamba sa ating puso at diwa, go go go… no guts, no glory.

Mas mainam din naman na mamatay tayong lumalaban at nakikipagsapalaran kaysa naman manatili na lamang tayong naka-sandal at umasa sa ayuda ng gobyerno.

Obligado rin tayong gumalaw-galaw sa paghahanap ng kabuhayan kaysa mamatay sa gutom na dilat ang mga mata.

Ayon sa huling ulat, napag-alaman na hindi sumang-ayon ang Pangulong Digong Duterte sa mga rekomendasyon ng mga ahensiyang ito. Hindi aprubado na ilagay na sa MGCQ ang bansa kung kaya’t mananatili tayong nasa GCQ.

Sinabi ng palasyo na mas minabuti daw ng Pangulo na mapa-bakunahan muna ang lahat bago magluwag para rin sa ating sariling kalusugan at kapakanan.

Harinaway aprubahan o subukan man lang ni Pangulong Digong ang mga rekomendasyon ng mga ahensiyang ito na ilagay na sa MGCQ ang Pilipinas. Laban ng laban, walang bawi-bawi.

Nangako naman si Vaccine Czar Carlito Galvez na dadating na sa Marso sa ating bansa ang unang bahagi ng mga bakuna mula sa Sinovac ng China.

Marami ang nananalangin na matupad na sana sa pagkakataong ito ang pangako ni Galvez na ilan beses na ring na-unsyami at napako, promise ha Sec. Galvez. Di ba promises are made to be broken he he he

Ilan grupo naman ng mga employer ang nagsasabing walang mangyayari sa ating ekonomiya kung hihintayin pa ang pag-dating ng mga bakunang ito. Sakali man daw dumating, ilan dekada na naman ang ating hihintayin bago maturok ito sa ating lahat.

Sana’y manatili tayong maging positibo sa ating mga pananaw sa buhay. Sana ay maging ma-tagumpay ang mungkahing ito na isa-ilalim na sa MGCQ ang buong bansa sa lalong madaling panahon.

Huwag din sana tayong mag-sawang manalangin sa Poong May-Kapal para sa kalutasan ng pandemyang ito dulot ng covid19. Kayang-kaya nating lagpasan ang lahat ng pag-subok na ito… MABUHAY TAYONG LAHAT…

The post Pagpasailalim sa MGCQ ng Pilipinas, makatulong kaya? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pagpasailalim sa MGCQ ng Pilipinas, makatulong kaya? Pagpasailalim sa MGCQ ng Pilipinas, makatulong kaya? Reviewed by misfitgympal on Pebrero 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.