Facebook

Hanggang dulo

ISANG magandang balita ang dumating nitong nakaraan lamang sa aming tanggapan sa Presidential Task Force on Media Security ( PTFoMS). Ang akusado sa pagpatay sa ating kabaro na radio broadcaster na si Jovelito Agustin a.k.a. “Aksiyon Lito” ay ginawaran na nang hatol na habang buhay na pagkabilanggo ng Regional Trial Court ng San Fernando, La Union.

Magandang balita, dahil ang pamamaslang kay Agustin ay naganap halos sampung taon na ang nakalilipas. At sa hinaba-haba ng panahon ng paghahanap, pagkakadakip, at pagkakakulong, maging sa mga pagdinig ng kaso laban sa pangunahing suspek na si Leonardo Banaag Jr., iginawad ni RTC La Union Judge Romeo E. Agacita ng Branch 27, ang hustisya nito lamang February 2, 2021.

Sampung taon ang lumipas at ang pangyayari ay naganap nang wala pa ang PTFoMS. Ang mga ganitong kaso ng pamamaslang sa mga mamamahayag kahit pa sa panahon ng mga naunang administrasyon, ang nagtulak kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte upang ilabas ang kanyang kauna-unahang Administrative Order No.1, ang pagkakatatag ng PTFoMS upang tumutok sa pangangalaga ng mga media.

At magmula nang maitatag ang PTFoMS, ang paggawad ng hustisya para sa gaya ng kaso ng pagpatay kay Agustin ay pang-limapung kaso na, na tinutukan natin at napagtagumpayang makamtan ang hustisya.

Kaya hayaan niyo muna akong pasalamatan ang mga awtoridad, imbestigador at kapulisan, prosekusyon at ang Department of Justice upang maisakatuparan ang paggagawad ng hustisya para kay Agustin at sa kanyang mga naulila.

Kasama sa hatol na habang buhay na pagkabilanggo ay ang danyos sa halagang P300,000 para sa pamilya ni Agsutin. Convicted din si Banaag Jr. sa kasong attempted murder dahil sa pagkakabaril kay Joseph Agustin na kasama ni Lito nang siya ay patayin noong gabi ng June 15, 2010.

Kilala si “Aksiyon Lito” na mapagtuligsang broadcaster sa kanyang programa sa DZJC Radio Station sa Laoag, Ilocos Norte. Bago ang pamamaslang sa biktima, lagi nitong kinukundina ang korupsiyon at koneksiyon sa iligal na sugalan ng tanggapan ni dating Bacarra Mayor Pacifico Velasco, na pumanaw na rin noong 2019.

At napag-alaman sa imbestigasyon na si Banaag Jr. ay dating security ng alkalde bago pa ito nadakip matapos ang ilang buwan nang maganap ang krimen. Ang suspek ay nanatiling nakakulong hanggang ang hatol ay ibinaba ng sala ni Judge Agacita.

Kaya naman nagbigay din ang PTFoMS ng pagkakilala gaya ng Certificate of Commendation sa lahat ng pwersa ng Laoag City Police Office sa pagkakaresolba ng kaso ng pagpatay kay Agustin.

Patunay ito, na ang pagkakatatag ng PTFoMS ay nangangahulugang di maaaring hindi maparusahan ang sinomang gagawa ng karahasan sa mga taga-media. Ito rin ang dahilan ni Pangulong Duterte sa pagkakalikha niya ng PTFoMS – ang matigil ang kultura ng pagha-hari-harian ng ilan.

Makaka-asa kayong habang naririto ang PTFoMS ay patuloy kaming tututok sa mga kaso ng karahasan na maaring gawin sa lahat ng parte o bahagi ng propesyon ng pamamahayag.

Hindi kami titigil at hanggang dulo ay aalalay kami sa lahat ng media, nang di malagay sa panganib ang inyong mga buhay.

The post Hanggang dulo appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hanggang dulo Hanggang dulo Reviewed by misfitgympal on Pebrero 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.