Facebook

Hindi naililipat

HINDI dahil anak siya ni Rodrigo Duterte, mamamana ni Sara Duterte ang panguluhan ng Filipinas. Hindi ganyan kasimple ang sistemang pulitikal ng Filipinas. Hindi tayo dugong bughaw kung saan napupunta sa prinsesa ang trono kapag nawala ang hari. Masalimuot ang ating sistemang pulitikal. Maraming pasikot-sikot.

Nanguna kamakailan sa kauna-unahang opinion poll ng Pulse Asia si Sara Duterte, alkalde ng Davao City, ngunit hindi tuloy-tuloy ang pangunguna. Hindi pataas ang trajectory kahit kumalat ang Run Sara Run na propaganda material. Kung kandidato siya sa pampanguluhan halalan ngayon, mapalad na makuha niya ang 23 porsiyento ng mga botante. Ito ang sinasabi ng isang survey na isinagawa ng isang grupo para sa isang lapian.

Hindi binanggit kung ano at sino ang grupong gumawa ng opinion poll at para sa kaninong lapian. Isinagawa ang survey noong ika-9 at ika-10 ng Pebrero sa “Luzon Belt,” o National Capital Region, at Region 3 at 4, at lalawigan ng Pangasinan. May sample na 1,282 respondent. May minus at plus 3% bilang margin of error.

Walang kasamang pulis, o opisyales ng barangay (kapitan, kagawad, o tanod) sa mga gumawa ng panayam sa mga respondent. Malayang nakapagsalita ang mga respondent. Ipinakita ng survey kung sino ang kanilang gusto sa mga maaaring kandidato sa pampanguluhang halalan: Sara Duterte, Bongbong Marcos, Grace Poe, at VP Leni Robredo.

Kasama sina Isko Moreno, Manny Pacquiao. Ping Lacson, Alan Peter Cayetano, Bong Go, at Cynthia Villar. Hindi kasama sa survey ang maaaring mangyayari sa halalan: command vote na 10-15 % ng administrasyon; endoso ng Iglesia ni Kristo, dayaan sa halalan, sample ballot operations, at pagkawala ng pangalan ng mga botante sa mga presinto.

Narito ang resulta nang tanungin kung sino ang napupusuan upang humalili kay Duterte sa 2022: Sara, 23.2%; Poe, 17.1%; Marcos, 15.7% Pacquiao, 9.7%; Moreno, 9.6%; Robredo, 8.5%; Bong Go, 4.8%; Cayetano, 4.1%; Lacson, 4.1%; at Villar, 3.3%.

Halos patas si Sara (19.9 %) at Marcos (18.5%) sa NCR at sumusunod sina Poe (13.3%), Moreno (9.8%) Pacquiao (9.0%), at Robredo (7.8%). Lamang si Grace Poe (28.4%) sa lalawigan ng Pangasinan at patas sa 15.8% sina Sara at Marcos. Sumunod sa kanila sina Robredo (10.5%) at Pacquiao (9.5%).

Sa Region 3, nanguna sina Sara (25.6%). Halos patas sina Poe ((17.9%) at Marcos (17.6%). Sumusunod sina Pacquiao (8.3%) at Robredo (8.0%). Sa Region 4, si Sara (25.1%) ang nasa unahan. Kasunod sina Poe (17.0%), Marcos (12.5%), Moreno (12.2%), Pacquiao (11.1%) at Robredo (8.9%).

***

Gumawa ng opinion poll sa limang kandidato na kumakatawan sa short list. Sila ang limang kandidato na may malaking posibilidad na lumahok sa 2022 at may mataas na rating: Sara Duterte, Bongbong Marcos, VP Leni Robredo, Isko Moreno, at Pacquiao. Inalis na sa listahan ang ibang kandidato na hindi naman mataas ang rating. Inalis si Grace Poe dahil hindi siya tatakbo bilang pangulo.

Nanguna si Sara (27.5%) at sumunod sina Marcos (22.3%), Robredo (18.4%), Moreno (17.5%), at Pacquiao (14.1%). Sa Metro Manila, nanguna si Marcos (30.1%), at sumunod si Sara (22.3%), Moreno (19.7%), Robredo (17.1%) at Pacquiao (12.7%). Sa Pangasinan, nasa unahan si Robredo (25.3%) at patas si Sara at Marcos sa 23.3%; kasama si Pacquiao (14.7%) at Moreno (13.7%).

Sa Region 3, nanguna si Sara (30.1%), Kasunod si Marcos (24.1%), Robredo (20.1%), Moreno (13.7%), at Pacquiao (11.9%). Sa Region 4, nanguna si Sara (30.3%) at kasunod si Moreno (20.8), Robredo (16.8%), Pacquiao (16.4%) at Marcos (15.6%). Mukhang maganda ang tsansa ni Robredo kapag kaunti lamang ang tatakbo.

***

May ilang obserbasyon sa nakaraang survey:

– Patuloy ang pagbagsak ng approval rating ni Rodrigo Duterte sa NCR kung ihahambing sa kanyang rating noong nakaraang taon. Isa itong dahilan kung bakit apektado ang rating ng kanyang anak.

– Mukhang nawawala na ang masamang epekto ng negative campaign kay Leni Robredo. Mas maganda ang pagtingin sa kanya kesa noong nakaraang taon. Isang dahil;an ang mababang kalidad ng pagsagot ni Duterte sa pandemya.

– Mukhang matindi pa rin ang sampalataya ng mga tagasunod sa mga Marcos. Nandiyan pa rin ang 15% ng mga botante.

***

NAKAKAGULAT ang sinabi ni Joe Biden na nasa 1.7 milyon ang nababakunahan araw-araw sa Estados Unidos. Kung magpapatuloy ang ganitong bakunahan, lalampas sa 100 milyon ang mabibigyan ng bakuna sa unang 100 araw ni Joe Biden sa poder. Puspusan ang pagpapatupad ng programa sa pambansang pagkakakuna sa Estados Unidos.

Iniulat ni Jose Biden na patuloy na kumikilos ang panukalang paglalaan ng $1.9 trilyon para tulungan ang mga naapektuhan ng pandemya. Kasama ang mga nawalan ng hanapbuhay at mga negosyong nagsipagsara dahil sa pandemya. Ito ay isang bagay na hindi kinilala at inaksiyunan ng kanyang pinalitan na si Donald Trump.

Maraming mahihirap na bansa ang may sariling pambansang programa sa bakuna. Kahit ang mga bansang mahihirap pa sa daga ang nauna sa Filipinas. Wala pang bakuna sa Filipinas at mukhang aabutin pa ng Marso bago mailatag ang isang pambansa programa sa bakuna. Pumalpak ang mga opisyales ni Duterte sa negosasyon sa bakuna.

Sa totoo, mukhang mahihirapan tayongt kumuha ng bakuna sa Kanluran. Una, wala tayong indemnity insurance na gagarantiya sa mga kumpanya ng gamot na hindi sila hahabulin kung pumalpak ang gamot. Minadali ang bakuna at kahit ang mga nagbebentang kumpanya ay hindi sigurado sa epekto ng gamot ssa ibang tao. Ayaw nilang mangyari ang nangyari sa Sanofi na pinulitika ni Persida Acosta at nakakatawang tao sa gobyerno ni Duterte ang Dengvaxia.

Mukhang tinototoo ng ilang kumpanya ng bakuna sa Kanluran ang resolusyon sa United Nations Commission on Human Rights na hindi sila magbibigay ng bakuna sa mga bansang lumalabag sa mga batas, tratado, at kasunduan sa karapatang pantao. Mukhang gumagawa ng paraan ang mga kumpanya ng gamot upang paikutan si Duterte.

Pangatlo, wala naman sapat na pera ang gobyerno ni Duterte. Hindi malaman kung ninakaw na at itinago ang salapi kung saan. Hindi binibigyan ng ibang bansa si Duterte kahit lumuhod siya sa pangungutang.

***

Email:bootsfra@yahoo.com

The post Hindi naililipat appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hindi naililipat Hindi naililipat Reviewed by misfitgympal on Pebrero 21, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.