![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/02/bong-go-2.jpg)
SUSOG sa panukalang pagtatatag ng Department of Overseas Filipinos, tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go na patuloy ang pamahalaan sa pagtutulak ng pang-ekonomiyang oportunidad para sa mga Filipino upang hindi na sila mangibang-bayan sa kagustuhang makahanap ng magandang buhay.
“Mananatili pong prayoridad ng gobyerno ang mapalago ang ating ekonomiya at makapagbigay ng oportunidad para sa mga Filipino dito sa bansa upang hindi na nila kakailanganin pang makipagsapalaran sa ibang bansa,” ayon kay Go.
Ani Go, nais niyang huwag nang mangibang bansa ang mga Filipino para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
“Pero hindi rin natin maikakaila na sampung milyong Pilipino ang nasa abroad. Halos ten percent ng ating populasyon,” aniya.
“Habang sinisikap nating bigyan sila ng mas maraming economic opportunities dito, huwag rin natin pabayaan ang karamihan sa kanila na may hinahaharap na iba’t ibang pagsubok sa iba’t ibang parte ng bansa. Responsibilidad nating alagaan ang bawat Pilipino kahit asan man sila sa mundo,” dagdag ng senador.
Sa 2019 datos, may tinatayang 10.2 million overseas Filipinos sa iba-ibang bansa at itinuturing na sila ang dahilan ng paglago ng domestic consumption, ng 9.3% Gross Domestic Product at ng 7.8% ng Gross National Income ng nasabing taon.
Bagama’t kailangan ng bansa ang produksyong ito ng mga Filipino sa ibang bansa, sinabi ni Go na hindi dapat magbulag-bulagan ang gobyerno sa kasalukuyang lagay ng overseas Filipinos kaya mahalagang maitatag ang DOFil.
“Napakalaking parte ng populasyon natin ang overseas Filipinos, at napakarami nilang suliranin. Hindi po natin sila dapat pabayaan,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na ang DOFil ay bilang pagsunod sa Global Compact for Safe, Orderly and Regular Migration (GCM), kung saan ay isa sa lumagda ang Pilipinas. Ang GCM ay intergovernmental agreement sa ilalim ng United Nations.
Anang senador, sasailalim sa mandatory review ang magiging accomplishments ng DOFil sa loob ng 10 taon, simula nang maitatag ito, at may kapangyarihan ang Kongreso kung kinakailangan itong manatili o dapat nang buwagin.
“The mandatory review really is the signal na alam po natin na, in the long-term, ang gusto po natin talaga ay makabalik at makapagtrabaho ang ating mga Filipinos overseas, maka-establish ng kanilang sariling negosyo at hanapbuhay dito po sa ating bansang Pilipinas,” ayon kay Go. (PFT Team)
The post Krusyal na papel ng DOFil para sa OFWs, inilatag ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: