![](https://www.policefilestonite.net/wp-content/uploads/2021/01/frontliner.jpg)
BUKOD pala sa University of the Philippines (UP) ay nired-tag din ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mismong Davao City. Pero sa kakaibang dahilan. Kung ang UP ay halos tanggalan ng badyet dahil sa rekrutment umano dito ng CPP-NPA, ang Davao City naman ay dadagdagan ng pondo para labanan ang mga rebeldeng komunista.
Noong nakalipas na lingo ay napabalitang nakatanggap ang Davao City ng P1.64 bilyon mula sa task force. Ang alokasyon ng Davao ang pinakamalaki mula sa kabuuang P16.4 bilyong pondo na inilaan ng Palasyo at Kongreso sa NTF-ELCAC para sa 2021. Ano kaya ang paliwanag tungkol dito?
Kung paramihan ng NPA sa lugar ang basehan sa laki ng ilalaang pondo ay papasa nga ang Davao. Nababalita kasi sa mga ulat sa masmidya na dito ay hayag na nagmamartsa ang mga NPA at nakikipag-miting pa nga kay Digong. Sa mga anibersaryo ng CPP at NPA ay makikita sa mga larawan na nagiging panauhing tagapagsalita din si Mayor Digong. Kaya’t hindi nakapagtataka na noong kampanya sa Panguluhan noong 2016, sinuportah ng CPP-NPA si Mayor.
Matapos nito ay nag-alok si President-elect Duterte ng usapang pangkapayapaan sa kanila at ang NPA, sa kanila namang pahayag, ay nag-alok din ng tulong sa gyera laban sa droga ng administrasyon. Sa isang okasyon nga ay pareho pang pinarangalan ng mga aktibista sina Joma at si Pangulong Duterte bilang mga “Bagong Supremo” ng rebolusyong Pilipino. Hanggang sa mag-collapse ang peace talks sa kanya-kanya nilang dahilan.
Sa madaling salita, kung ito ang unang criteria sa alokasyon ng pondo laban sa mga armadong komunista ay parang papasa nga ang Davao. Pero si Digong din mismo ang siyang malakas na nangungutya kay Joma Sison matapos ang peace talks na ni isang barangay ay wala naman daw ma-takeover ang mga NPA sa nakalipas na 50 taon. Kung ganun naman pala ay bakit kailangang pondohan ng P1.64 bilyon ang Davao City laban sa NPA? Walang lohika.
Kung ang isa namang criteria sa alokasyon ng pondo ay ang malaking bilang o dami ng mahihirap sa isang lugar, tiyak si Pangulong Duterte at si Mayor Sara mismo ang sisigaw na fake news ang ganyang kategorisasyon. Dahil hindi sila papayag na tawaging syudad ng mahihirap ang Davao dahil nasa ilalim ito ng kanilang dinastiya sa nakalipas na tatlong dekada. Mapapahiya si Gen. Parlade na sabihin sa kanyang Commander-in-Chief na kaya maraming NPA sa Davao ay dahil nagagamit ng CPP ang mahihirap ng syudad para ibagsak ang kanyang gubyerno.
Kung hindi pa rin itong ikalawang criteria ay ano pa kaya ang basehang ginamit sa alokasyon ng bilyones na pondong ito? Noong pinagdedebatehan ang pondong ito sa Kongreso ay lump sum kasi ang alokasyon nito. Hanggang sa hingan ang task force ng listahan ng mga proyekto dahil bawal ang walang lista. Ibig sabihin, naging katulad na rin ito ng pork barrel na nililista ni kongresman. So, depende na ba ito sa lista at palakasan sa naglista? At sa kahit anong proyekto ay pwede na ba ito katulad nang ginagawa ng mga kongresman in aid of re-election?
Sa nabasa kong pahayag ni Inday Sara na lumabas sa mga balita ay sinabi niya na walang kapasidad ang Davao City para ipatupad ang mga proyekto sa ilalim ng pondong ito. “The government’s anti-communist fund would not be judicious use of public funds because it was way beyond what the local government could implement in one year,” prangkang pahayag ng Mayora. Hindi nya rin daw kailangan ng pondo mula sa NTF-ELCAC para manalo sa eleksyon.
So, paano na ito mga tsip? Kung hindi malinaw ang basehan ng alokasyon at paggamit sa pondong ito, lumalabas na ang P16.4 bilyong ito ay nababalot kababalaghan. Ito rin ang punto namin sa kilusang manggagawa noong panahon ng deliberasyon na sa halip na pondohan ang malabong mga proyekto, ilipat na lang ito sa ibang programa katulad ng public employment program o sa balik-trabahong ligtas. Pero daig pa ang bungkos ng perang nakakadena sa loob ng vault ang pondong ito. Hindi nagalaw. Hindi natinag sa pag-uusisa ng ilang mambabatas. Protektado kasi ng Palasyo.
Ganunpaman, dahil laman na ito ng General Appropriations Act, ang hindi paggamit, ang maling paggamit, o anumang palusot para ito mawaldas ay magiging labag sa batas. At ang Kongreso ang may tungkulin na usisain ito dahil nasa kanya ang power of the purse at siyang may oversignt functions para dito. Ang tanong ay papansinin pa ba ito ng mga kongresman o senador na may sarili din namang listahan ng kanilang pork barrel sa mahigit P660 bilyong pondo ng DPWH at sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan?
Ito ang magandang itanong kay Mayor Inday, tutal, sa labanan ng speakership sa pagitan ni Cayetano at Velasco nitong nakaraan ay siya naman ang nabalitaang siyang tunay na Lord of the House.
The post Walang kapasidad pero naging prayoridad appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: