Facebook

ANG TOTOONG PROBLEMA SA LOTTO

DAHIL lang sa isang sablay na photoshop na litrato ng isang nanalong mananaya sa lotto ay pinuputakte ngayon ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng sari-saring puna at alegasyon ng pandaraya.

Kaya naman nauubos na ang oras ni GM Mel Robles sa pagpapaliwanag hinggil sa usapin.

Aniya talaga namang sumailalim sa photoshop ang larawan dahil kailangang protektahan ang seguridad at kaligtasan ng winner.

Inamin din niya na hindi nga maayos ang pagkaka-edit ng larawan, pero aniya ang importante ay itago ang anumang pagkakakilanlan sa nanalo.

Iyon daw kasi ang kahilingan ng lahat ng mga nanalo na kinukuha ang kanilang premyo dahil natatakot sila para sa kanilang kaligtasan.

Pero gaya ng isang sumabog na imbakan ng tubig, nagsanga-sanga na ang mga isyu at usapin kaugnay ng operasyon ng ahensya at ang duda kung totoo nga ba ang mga nananalo sa lotto o hindi.

Ang problema kasi sa sugal partikular sa lotto lahat ng tumataya ay gustong manalo.

Kaya habang tumataya tayo at tumataas ang premyo dahil walang nananalo ay tuwang-tuwa tayo.

Sa totoo lang nananalangin pa nga tayo na sana walang manalo at lumaki pa ng husto ang premyo, dahil umaasa tayo na sa atin mapupunta ang jackpot prize.

Pero sa sandaling may ibang magwagi ay bigla tayong manghihinayang at mag-iisip na dinaya tayo.

At milyon-milyon ang mga taong nabibigo sa kanilang pangarap kumpara sa iisa o dalawang nanalo at pinalad.

Idagdag pa natin ang ugali nating mga Pinoy na talagang mga sore loser tayo, aminin man natin o hindi.

Sa mga eleksyon nga kahit sa homeowners’ association lang, lahat ng mga tinalo ay ayaw tanggapin ang kanilang pagkatalo at sumisigaw na dinaya sila.

Kaya hanggat may lotto at eleksyon, sigurado ako na lahat ng hindi nananalo ay tiyak na sisigaw ng dinaya sila.

Ang problema kay GM Robles ay wala talaga siyang paglalagyan.

Bakit kamo? Kapag iisa o dalawa ang nanalo sa lotto sasabihin ng mga natalo na tiyope ang draw.

Pero tandan natin na minsan nang may nanalo sa isang draw na mahigit 400 na mananaya, pero inulan pa rin siya ng batikos dahil tiyope rin daw iyon dahil mathematically impossible kuno.

Iyan ngayon ang totoong problema sa lotto.

Hangga’t hindi ikaw mismo ang nanalo ay sasabihin mong niluto ang bola at binobola ka lang ng PCSO.

Kaya naman panahon na para magbago mismo ang ating ugali at perspective pagdating sa lotto.

Dapat isipin ng mga mananaya na game of chance talaga ito at hindi natin makokontrol kung ano ang lalabas na mga numero sa loterya.

Kaya kung ako si GM Robles iimbitahan ko ang lahat ng mga media, senador at mambabatas para ipakita sa kanila ang eksaktong proseso kung paano ginagawa ang mga lotto draw.

Abangan!

The post ANG TOTOONG PROBLEMA SA LOTTO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
ANG TOTOONG PROBLEMA SA LOTTO ANG TOTOONG PROBLEMA SA LOTTO Reviewed by misfitgympal on Enero 21, 2024 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.