ARESTADO sa pangingikil ang isang accredited liason officer sa entrapment operation mismo sa loob ng opisina ng isang abogado sa Bureau of Immigration (BI), Huwebes ng umaga.
Naaresto ang liason officer na si Vivian Lara, umano’y nagtatrabaho sa isang law firm, sa loob mismo ng opisina ni BI Prosecutor Atty. Arnulfo Maminta.
Naaktuhang tinanggap ni Lara isang bag na naglalaman ng P900,000 na umanoy bayad sa pagpoproseso sa visa at pasaporte ng tatlong Chinese nationals na illegal na papasok sa bansa. Pumirma rin ito ng receiving copy.
Empleyado si Lara ng isang law office na tumutulong magproseso sa mga dokumento ng mga Chinese national kasama ang isang travel agency.
Nang tanungin kung bakit nasa opisina ito ni Maminta, sinabi ni Lara na mayroon lamang itong kinuha sa nasabing opisina.
Sinabi rin ni Lara na wala itong kasabwat sa BI.
Wala rin umano siyang kinalaman sa singilan na P550,000 bawat Chinese national, basta ‘yun lamang aniya ang sinabi sa kanya na presyo.
Sinabi naman ni NBI Task Force Chief, Atty. Gerald Geralde, na ito ngayon ang bagong modus para sa pagpapasok ng mga Chinese national sa bansa matapos mabuking at matigil ang “pastillas scam” sa paliparan.
“Upon arrival, pina-process na ang kanilang visa pero this time prior sa kanilang travel from China ay inaayos na dito sa immigration ang kanilang travel documents para pagdating nila ipapasa nalang nila sa airport,” ayon kay Geralde.
Sa panig naman ng Calalang law office, itinanggi nito na empleyado nila si Lara at wala silang kinalaman sa transaksyon nito.
Pinagpapaliwanag din ng NBI ang BI kung bakit pinapayagang gamitin sa illegal na transaksyon ang kanilang opisina partikular ang tanggapan ni Atty. Maminta.
Magkakaroon ng sariling imbestigasyon ang BI sa kanilang mga empleyado maging sa kanilang accredited na law offices.
Nakatakda ring ipatawag ng NBI ang travel agency na kasabwat ni Lara.
Matatandaan na sa kontrobersyal na ‘pastillas scam’, mga travel agency din ang kasabwat ng immigration. (Jocelyn Domenden)
The post Liason officer timbog sa kotong sa opis ng abogado ng Immigration appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: