Facebook

Mga multi-milyong gagastusin sa infomercial, itulong na lamang sa mga mahihirap na Pilipino!

SABI ng iba, ang bagyong ONDOY ang maituturing na isang ‘Delubyo’ ang tubig-bahang nagpalubog sa halos buong Metro Manila, mga kalapit na lalawigan ng Rizal, Bulacan, Pampanga, Cavite, Bataan at iba pang lugar sa Central at Southern Luzon.

Bahang-gunaw nga aba iyon?, tanong ng marami, at ito ba ang bunga ng walang patumanggang pagsira sa Inang Kalikasan.

Noon pa natin naririnig – kaya bumubuhos ang bahang ulan at bahang putik dahil sa pagkalbo sa mga kabundukan at kagubatan.

Sa pagkakalbo ng mga ito, bukod sa humina ang pundasyon ng lupa at bato, namatay pa ang maraming likas na halaman at hayop at marami na sa mga ito ay kung hindi extinct (wala na) ay endangered ( o malapit nang maubos at mamamatay).

Ilang pangulo na ba at ilang DENR secretary ang nahirang at naalis pero, ang patuloy na pagwasak sa ating kalikasan ay napigil ba nila, at ang patuloy na pagmimina sa ating mga bundok, mga ilog, mga kailaliman ng lupa at dagat ay hindi lamang napigil kundi lalo pang naging mas matakaw, mas masiba – at ano ang kapalit nito?

Sa mga exploiter ng kalikasan, bilyon-bilyong pisong tubo.

Sa sambayanang Pilipino at mga lugar na sinalanta at winasak ang kalikasan, ang kapalit ng kakarampot na pakinabang sa trabaho ay ano: Polusyon sa tubig, karbon sa ating hinihingang hangin, pagkawasak ng ating katawan at sa pag-alis ng pumintog na bulsa ng mga dayuhang kompanya, ang iniwan nito ay bangkay ng kalikasang ipinamana sa atin ng Lumikha.

Bunga nito nga, konting ulan, konting liglig at yanig ng lupa, ano ang nagiging resuta?

Kayrami nang trahedya at ito ba ay ating iisa-isahin pa gayong sariwang-sariwa pa sa ating alaala, ang bagyong Ondoy. Pablo at iba pa.

Sa bawat trahedya o kalamidad na dumarating, ano ba lagi ang ang tugon ng pamahalaan dito: Pangako, relief goods, imbestigasyon at mga remedyong tapal-tapal at pagkatapos ng pagbuti uli ng panahon, muling gagahasain ng mga kompanyang dayuhan sa pahintulot ng pamahalaan, ang ating kalikasan.

At sa pagbabalik ng mga mas mabagsik na bagyong tulad nga ni Ondoy, muling iiral ang pangako at babaha rin ang luha at dalamhati na mas malalim pa sa mga bahang-ulan at bahang putik?

Muli at muli nating makikita ang pagkukumahog ng pambansang pamahalaan at ang panlilimos ng awa ng mga lokal na pamahalaan, at kasunod nito ang “pagpapaganda ng imahen ng mga tiwaling nasa gobyerno” upang ipangalandakan: Kami ang inyong tagapagligtas sa panahon ng kalamidad.

Patawarin kayo ng ating Dakilang Panginoong Diyos!

***

Kahit kayraming halos mamatay na sa gutom sa gitna ng pagkawasak ng kanilang kabuhayan, naiisip ba ng mga kandidatong nag-aambisyong maging lider at pangulong bansa ang KATUMBAS ng pagkain, gamot, serbisyo at tulong sa rehabilitasyon ng salaping inuubos nila sa kanilang informercial?

One TV commercial alone can give one meal to more than 25,000 flood victims.

Naalaala ko pa ang sabi noon ng yumaong Sen. Miriam Santiago, daan-daang milyong piso ang inuubos ng mga presidentiables, mga department secretary sa kanilang infomercial?

At sigurado sa mga darating na buwan at sa filing sa October ng mga nais kumandidato ay mga naglalakihan na anunsiyo sa mga pahayagan ang inyong mga makikita o matutunghayan – na daan-daan libong piso ang gastos.

Kung ang mga halagang ito ay itulong na lamang o ipambili ng mga bigas, delata, gamot, tubig at iba pa, ilang milyong mga mahihirap at mga nabiktima ng mga kalamidad at COVID-19 ang marahil ay magsasabi ng halelluya sa mga ating mga lingkod bayan at opiyales ng pamahalaan?

Sabi ng isang nakaaalam sa bayad sa ilang segundong anunsyo sa TV… just one TV commercial alone can buy more or less 500 sacks of rice or 500 boxes or more of sardines containing 100-150 cans.

Sabi pa niya sa atin: Isang commercial sa TV kung gustong itulong ay pwedeng-pwedeng itulong agad sa mga biktima ng mga bagyo at COVID-19 pandemic, etc.

Sabi pa ng mga politiko at mga hunyango hindi raw sila mga Trapo kungdi Katropa… sige nga, ibuhos nyo ang tulong nyo sa ilang milyong mahihirap na Pilipino kung talagang sadyang pagtulong ang mga pakay nyo.

Pwede po ba, mga Sir at Ma’am at sa atat na atat na maging pangulo at pangalawang pangulo sa 2022, tumulong muna kayo ng wagas sa mga mahihirap nating mga kababayan, pwede po ba?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Mga multi-milyong gagastusin sa infomercial, itulong na lamang sa mga mahihirap na Pilipino! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mga multi-milyong gagastusin sa infomercial, itulong na lamang sa mga mahihirap na Pilipino! Mga multi-milyong gagastusin sa infomercial, itulong na lamang sa mga mahihirap na Pilipino! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.