Facebook

Pandadarag ng China

NOONG panahon ni Chairman Mao Tse Tung ng Communist Party ng China, paboritong sipiin ng tropa ni Joma Sison ang Red Book ng dakilang Asyanong ito.

Galit na galit si Mao sa mga imperyalista, na ang lider ay ang US, pero ngayong wala na si Mao, ang dating komunistang Red China ay nagbago na ng ideolohiya at sistemang kapitalismo mo na ang pinaiiral.

Pagkubkob sa mahihinang bansa ang ideolohiya ng mga imperyalista, at ito ngayon ang ginagawa ng China sa Pilipinas.

Maraming ulit nang dinadarag at pinagmumukhang sisiw ng neo-kapitalistang China ang Pilipinas, maraming isyu ng pagtataboy sa ating Coast Guard at Navy Ships at sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).

Teritoryo ng Pilipinas ang WPS pero inaangkin ng China at ginagawa ito sa ilegal na paraan sa pamamagitan ng pagpapakita ng lakas militar nito – na aminado ang bansa na hindi natin makakayang sagupain kung dumating sa digmaan ang pagreresolba sa isyung ito.

Tunay na pag-aari ng Pilipinas ang WPS na inaangkin nga ng China at ngayon ay ilegal na pinangingisdaan ng Chino.

Bagamat may ilan na ring mga militanteng grupo ang pumapalag sa ginagawang pananakop ng China sa ating karagatan, pero ang US na kaalyado ng Pilipinas ay nanatiling “napakatahimik”, wari ay iniiwasan munang magpahayag ng pagkampi sa atin, na obligadong sundin at gawin ni Uncle Sam batay sa Mutual Defense Treaty nito kay Juan dela Cruz.

Tiyak talo tayo kung giyera ang pag-uusapan, kaya sa paraang diplomatiko idinadaan ang isyu ng WPS, kaso, ayaw ng China.

Kung makukuha nga naman ng China ang ilang pang bahagi ng karagatan sa WPS na tunay pag-aari ng Pilipinas, ang susunod ay ang pag-angkin ng China sa Palawan, at sa susunod maging ang Boracay at ang Manila Bay.

Bangungot ito na kaylagim na isipin.

***

Pinakamahalagang karapatan na pinoprotektahan ng ating Saligang Batas ay ang freedom of the press, freedom of expression at ang freedom of assembly.

Kabilang din sa mahahalagang utos ng Konstitusyon ay ang tungkol sa “no law shall be pass abridging the freedom of the press” at ang probisyon tungkol sa “no prior restraint” sa pamamahayag.

Ibig sabihin, hindi pinapayagan ang isang pinuno na gumawa ng mga hakbang upang pigilan o hadlangan ang mga karapatang ito na taglay ng mga mamamahayag.

***

Hindi po totoo ang karaniwang paniniwala na ang isang kawani o opisyal ng Bureau of Customs (BoC) ay ‘nanagana o nagkakamal ng salapi.’

Iilan lamang sila at maaaring isama rito ang mga tiwali, pero ang pinakamaraming rank and file ay katulad din ng karaniwang taong pamahalaan na maliit ang sinasahod.

Pag-aralan na po sana nina Presidente Rodrigo Roa Duterte, Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez at Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na itaas ang sahod ng mga taga-BoC at mabigyan sila ng dagdag na benepisyo – tulad ng pabahay, tulong sa edukasyon ng kanilang mga anak, programa sa kalusugan, maayos na retirement package at iba pang insentibo.

***

Ilang bilyong piso kada taon ang nawawalang buwis bunga ng smuggling ng mga karneng baboy at manok?

Napakalaki ng halagang ito at marami nang proyekto at programa ang napopondohan kung napapasakamay ng gobyerno pero ang nangyayari, sabi nga shoot ang bilyong halaga sa bulsa ng mga ismagler at mga kasabwat nila!

Wala namang ismagler kung walang protector sila sa gobyerno, lalo na sa BoC.

Hindi naman siguro mahirap na makilala kung sino-sino ang mga meat smuggler na ito ito at ang kanilang mga kakutsaba sa loob ng Customs.

Ayon sa ulat, umaabot sa mahigit sa 200 milyong kilo ng karneng baboy ang naipapasok sa bansa mula sa China, na siyempre, ito ay nakaaapekto sa mga lokal nating nag-aalaga at nagpapalaki ng baboy at ng manok.

Kaya nagwawala ang local hog and poultry raiser natin kasi, sila ang unang-unang nalulugi sa talamak na smuggling.

Sa bawat kilo ng baboy at manok, tayong Pilipino ang napeperwisyo dahil lumiliit ang negosyo ng pag-aalaga ng baboy at manok.

Namamatay ang industriyang ito at ang ating binubuhay sa pagbili ng imported meat products ay ang China at ang kanilang illegal importers.

May katwiran ngang mag-ingay at mag-aalma ang ating mga lokal na negosyante na hindi makayang makipagkumpetensiya sa presyo ng mga panindang mula sa China.

Komo nga hindi naipagbayad ng tamang buwis, kaya nilang maibaba ang presyo ng mga paninda nila na hindi makakayang matapatan ng lokal nating magmamanok at magbababoy.

Tama ngang lumabas ang ugat sa leeg nila at manggalaiti sa inis at galit.

Imagine, negosyong Pilipino ang pinapatay ng mga ismagler na ito.

Protektahan ang lokal na industriya at kung kailangan ang karne ng mga food manufacturers, isaayos ang importasyon na hindi naman direktang kakumpetensiya ng ating local hog and chicken raisers.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Pandadarag ng China appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pandadarag ng China Pandadarag ng China Reviewed by misfitgympal on Pebrero 27, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.