ANG mali ay mali, at ang mali ay dapat na itama o iwasto upang ang mga may kasalanan ay maparusahan at nang hindi sila pamarisan ng maraming matitino.
Kaya nga marami ang natutuwa at humahanga sa tibay ng dibdib ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na talagang pinepersonal niya ang pakikibaka laban sa mga taong korap at nagpapatuloy sa kanilang kawalanghiyaan at kataranduhan.
Pero sana ay hindi lamang angas o salita ang laging ipinapahayag na ito ni Tatay Digong dahil nga hanggang ngayon ay marami pa ring kawani at opiyales ng gobyerno ang nagpapatuloy sa kanilang baluktot na mga gawain.
Hindi lamang salita ang kailangan sa kampanya kontra katiwalian at mga kasabwat sa pagnanakaw sa gobyerno.
Ngayon pa na kulang na kulang ang badyet ng pamahalaan, lalo pang tumitindi ang krisis sa kabuhayan ng bansa, lalong dapat na patindihin ang paghabol sa mga tax evader, at tax cheat at iba pa na hindi nagbabayad ng nauukol na buwis at mga bayarin.
Kung nais ni Pangulong Duterte na tuluyang matakot ang mga korap at gumagawa ng kawalanghiyaan sa gobyerno, hikayatin niya ang mga kapanalig sa Kongreso na magsabatas ng parusang life imprisonment sa mga korap at mga magnanakaw sa kaban ng bayan at mga kasabwat na mga opisyal ng pamahalaan.
At ang matitino namang opisyal at kawani ng gobyerno ay bigyan ng pamahalaang ito ng todong suporta dahil ang mga kalaban ng reporma at katinuan ay masasalapi, maiimpluwensiya, makapangyarihan at may kakayahang gumawa ng kasamaan at ng pagpatay kung kailangan.
Dapat ipakita ni Tatay Digong na siya ang lider na hindi lang sa salita maangas at tunay na tapat siya sa kanyang mga sinasabi, at kung may mga kaibigan siya at kasama na mapatutunayang nakikinabang sa mga katiwalian, siya na ang unang-unang dapat na umusig at magpakulong.
Dito lamang natin mapatutunayang tunay na personalan na ang labanan sa katiwalian.
***
“Tao lamang po tayo, at siyempre, nasasaktan din sa patuloy na mga batikos at mga tuligsa nila laban sa akin. Pero hindi po ito magiging dahilan para tayo ay panghinaan ng loob… lalo lamang nila akong pinatitibay at pinalalakas, kaya tuloy … tuloy-tuloy po ang ating mahigpit na kampanya kontra smugglers at pagpapatino sa ilang tiwaling opisyal at kawani ng Bureau of Customs (BoC).”
Ito ang mariing inihayag kamakailan ni Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero sa pahayagang ito kaugnay ng patuloy na demolition job at hate campaign na natatanggap niya mula sa mga sektor na napipilayan na sa mga ilegal na trabaho sa loob ng BoC.
Ayon kay Guerrero, sinusuportahan niya ang adhikain ni Pangulong Duterte na matupad ang pinapangarap niya na nasa tama at wasto ang tinatahak ng administrasyong ito.
“Gaya po ng sabi ni Pangulong Duterte na kanyang pinepersonal ang kampanya laban sa tiwali at sa mga maling gawain. Ito rin po ang ating ginagawa, pagkat kailanman, ang mali ay mali sa kahit anoman ang sabihin ng iba,” sabi ni Guerrero.
Aniya, patuloy siya sa pagtatrabaho upang mapatino ang kawanihan, masugpo ang ismagling at makuha ang mataas na koleksiyon na naitakda sa BoC para sa taong ito.
Aminado si Guerrero na hindi madali ang trabaho niya, pero ito ay gumagaan dahil sa patuloy na pagtitiwala sa kanya ng Pangulo at ni Finance Secretary Carlo “Sonny” Dominguez.
“Ang aking pamilya, siyempre ay apektado sa mga batikos at sa mga panlalait sa aking pagkatao at kinukwestiyon ang aking kaalaman sa trabaho,.. ang masasabi ko lamang, hindi po tayo magpapaapekto sa kanila… magpapatuloy po tayo sa trabaho lang po tayo at walang sasantohin,” ani Guerrero.
Tiningnan ng commissioner na positibo ang patuloy na hate campaign laban sa kanya, at aniya, parang desperado ang may mga pakana ng demolition job laban sa kanya dahil hindi sila nagtagumpay na mapaaalis siya sa pwesto.
“Kilala na po natin ang nasa likod ng mga black propaganda laban sa akin, but like what I said, this smear campaign is part of the territory. Honest and dedicated officials and employees of the bureau are behind the reforms and good governance we have initiated, at sa kanilang lahat, ako po ay lubos ang pagpapasalamat sa kanila,” sabi ni Guerrero.
Ipinangako niya na sa mga, susunod na buwan, huhubaran niya ng mga maskara ang iba pang nasa likod ng mga ilegal na gawain sa BoC, at ang mga protektor nila sa loob ng kawanihan.
***
Sa iba, ang kahirapan ang sinisisi sa masamang kapalaran nila, pero marami sa mahihirap noon ang ngayon ay gumagaang ang buhay dahil sa ginamit na hagdan o inspirasyon ang kahirapan para umasenso sa buhay.
May mga istorya naman tayo na nalalaman na lumaki na may gintong kutsara sa bibig pero dahil sa hindi marunong pahalagahan ang minanang malaking kayamanan, ngayon sila ay naghihirap sa buhay.
Edukasyon, pagiging parehas sa buhay na may kakambal na todong pagsisikap at pagtitiyaga ang susi sa pagtatagumpay sa buhay.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Personalin mo na sila, Pangulong Duterte! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: