Facebook

Sen. Go, iniutos ang imbestigasyon at crackdown sa pekeng COVID-19 vaccines

HINIKAYAT ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga concerned government agencies na magsagawa ng imbestigasyon at crackdown hinggil sa napaulat na kumakalat na mga pekeng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), kasabay nang pagtiyak sa mga mamamayan na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan sila laban sa mga naturang pekeng bakuna at mabibigyan ng sapat, ligtas at mabisang bakuna na gawa ng lehitimong manufacturers at aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

“Ako po ay nananawagan sa ating Food and Drug Administration na imbestigahan po ito. Hulihin po ito. Ang BOC (Bureau of Customs), bantayan n’yo pong mabuti. Ang ating kapulisan, ang NBI (National Bureau of Investigation), bantayan n’yong maigi. Hulihin po itong (nagpapakalat ng fake vaccines) na ito,” ayon pa kay Go, sa isang panayam matapos na personal na pangunahan ang distribisyon ng iba’t ibang uri ng tulong sa mga biktima ng bagyo sa Legazpi City, Albay kamakailan.

Kasabay nito, binalaan din ng senador ang mga taong nagpapahintulot sa pagpasok sa bansa ng mga counterfeit vaccine at sinabing, “Kapag nahuli n’yo na po ‘yung mga nagpapasok ng mga fake na vaccines, iturok n’yo po dun sa mga nagpapasok para sila ang unang turukan ng pekeng vaccine.”

“Alam mo, hindi katanggap-tanggap ang nagpapasok ng peke. Naghihirap na nga ang Pilipino, tapos dadaanin n’yo po sa panloloko. Dapat sa mga manloloko na nananamantala — dapat sa inyo… alam n’yo na,” aniya pa.

Una nang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang NBI na pag-igihin ang monitoring at paghadlang sa pagpasok sa bansa ng mga pekeng bakuna, na gawa lamang umano sa saline solution.

Samantala, ibinahagi ni Go na ang unang batch ng mga aprubadong bakuna ay nakatakda nang dumating sa bansa sa katapusan ng buwang ito., kasama na aniya rito ang 117,000 doses ng Pfizer vaccines at panibagong 5.5 hanggang 9 milyong AstraZeneca vaccines mula sa COVAX.

Sa sandali aniyang dumating ang mga bakuna ay kaagad nang sisimulan ng pamahalaan ang vaccination drive para mabakunahan ang mula 50 hanggang 70 milyong Pinoy para maprotektahan laban sa COVID-19.

Sinabi rin ng senador na prayoridad na mabigyan ng bakuna ang mga frontliners dahil sila ang nangunguna sa laban ng bansa sa COVID-19, gayundin ang mga mahihirap na hindi alam kung saan kukunin ang mga bakuna, at ang mga senior citizen, na vulnerable sa sakit.

Paniniguro pa niya, walang dapat na ikatakot ang mga mamamayan laban sa mga bakuna dahil bukod sa libre aniya ang mga ito, ay titiyakin rin ng pamahalaan na ligtas at mabisa ang mga bakuna na ipagkakaloob sa mga mamamayan.

“Sisiguraduhin muna natin na safe at effective ang vaccine dahil takot ang mga Pilipino na magpabakuna sa ngayon habang hindi pa nila napapatunayan na safe itong ituturok sa mga Pilipino,” aniya pa. “Kaya ang mga nasa gobyerno, not because you are the priority, (but because) dapat maipakita natin at kunin natin ang kumpiyansa ng bawat Pilipino bago natin iturok sa ating mga kababayan.”

Kaugnay nito, hiniling ng senador sa mga Pinoy na magtiwala sa pamahalaan dahil hindi aniya papayag si Pangulong Rodrigo Duterte na turukan ang Pilipino ng peke at ‘di epektibo. “Wala naman itong pilitan, voluntary naman ang pagtuturok ng vaccine sa mga Pilipino pero ‘pag nakita nila na ang opisyales mismo ang nangunguna para makuha ang kumpiyansa, nakikita ko naman po na maraming gustong magpabakuna,” aniya pa.

“Gusto na rin po ng mga Pilipino na bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay. Sino ba’ng ayaw na bumalik sa normal ang pamumuhay at isa lang ang paraan d’yan, bakuna ang solusyon d’yan,” dagdag ni Go. (Mylene Alfonso)

The post Sen. Go, iniutos ang imbestigasyon at crackdown sa pekeng COVID-19 vaccines appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Sen. Go, iniutos ang imbestigasyon at crackdown sa pekeng COVID-19 vaccines Sen. Go, iniutos ang imbestigasyon at crackdown sa pekeng COVID-19 vaccines Reviewed by misfitgympal on Pebrero 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.