Facebook

Taksil sa bayan

NADUTERTE ni Rodrigo Duterte ang sambayanang Filipino. Akala ng marami, matapang si Duterte at tapat siya sa Filipinas. Hindi totoo na makabayan si Duterte. Sa China ang kanyang katapatan. Gagawin ni Duterte ang lahat-lahat maitaguyod ang kapakanan ng China. Walang kasing baba si Duterte dahil sunod-sunuran siya sa China.

Hindi natalakay ng husto ang usapin ng katapatan sa bayan noong kampanya sa halalan noong 2016. Labis-labis ang focus ng sambayanan sa usapin na mainit noon – ilegal na droga. Lingid sa kaalaman ng marami, tumulong ang China upang mahalal siya. Hindi napansin ng sambayanan ang pailalim na kilos ng China.

“Akala namin matapang sa laban. Ibinoto namin siya sa eleksyon; iyon pala, duwag at takot sa China.” Ito ang salita ng asawa ng kapitan ng isang sasakyan na pangisda na binangga at sinira ng mas malaking sasakyang pandagat at China at iniwan ang mga mga mangingisdang Filipino sa gitna ng dagat noong 2018. Iniligtas ng mga mangingisdang Vietnamese ang mga Filipino sa tiyak na kamatayan.

Kaaway ng demokrasya ang sunod-sunurang alipin ng China; hindi mahirap isipin na taksil sa bayan ang lider na sumusunod sa China. Kaaway ng demokrasya si Duterte at mga kasama tulad ni Bong Go at maging ang anak na nag-aambisyon na maging kahalili sa 2022. Sumpain sila ng sambayanang Filipino sa kanilang lisyang paninindigan.

***

SA PAGBABALIK ng Estados Unidos sa Asya, hindi kami magtaka kung gumawa ito ng hakbang upang pigilan ang impluwensiya ng China sa mga malalayang bansa. Hindi kami magtaka kung may mga hakbang upang mawala ang impluwensiya ng China sa bansa.

Inumpisahan ni Defense Secretary Lloyd Austin nang biglang pagsabihan si Delfin Lorenzana na kinikilala ng Estados Unidos ang Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos. Ginarantiyahan ni Austin na tutulong ang Estados Unidos sa sandaling lusubin ng China ang Filipinas. Gaganti ang Washington, sa maiksi.

Ngunit hindi ganoon kasimple ang usapin, ani Austin. Kailangan kilalanin ng Filipinas ang 2016 desisyon ng Permanent Arbitral Commission ng United Nations Conference on the Law of the Seas (UNCLOS) na tumatangging kilalanin na pag-aari ng China ang malaking bahagi ng South China Sea. Ibinalibag ng desisyon ang Nine-Dash Line, isang inimbentong teyorya ng China na sa kanila ang South China Sea. Kinilala ng Estados Unidos ang desisyon dahil kinilala ang kalayaan sa paglalayag sa karagatan ng South China Sea.

Ang gobyerno ni Noynoy Aquino ang nagsakdal sa UNCLOS, ngunit sobrang malamig si Duterte sa desisyon dahil natalo ang China. Dala ng kanyang katapatan sa China, binale wala niya ang desisyon. Nakakatawa ang sitwasyon sapagkat ang Filipinas ang may malamig na pagtingin kahit na siya ang nanalo. Bahagi sa international law ang hatol at kinikilala ito ng maraming bansa kasama ang Estados Unidos.

Mas lalong nakakatawa kasi kailangan pang banggitin ni Austin ang desisyon kay Lorenzana. Ito ang batayan kung bakit inilagay ng Estados Unidos ang malaking bahagi ng kanilang hukbong pandagat upang bantayan ang malayang paglalayag sa South China Sea. Siniguro ni Austin na kinikilala ng Filipinas ang desisyon.

Mahigit $5.3 trilyon taon-taon ang dumadaan sa South China; mga langis na galing sa Gitnang Silangan at India at pabalik, iba pang kalakal na galing sa Japan, South Korea, Estados Unidos at iba pa. Hindi puedeng sakalin ng China ang malayang kalakalan sa South China Sea.

***

Dahil nais ng Estados Unidos na sumigla ang demokrasya sa Asya, hindi malayong gumawa ito ng paraan upang mawala ang mga pamilya Duterte, Marcos, at Arroyo. Hindi kami magtaka kapag pinagsabihan sina Sara Duterte at Bong Go na huwag makilahok sa 2022. Hayaan na lang matapos ng mahinahon ang termino ni Rodrigo Duterte dahil maysakit siya.

May mga obserbasyon na malamang biglang maging pro-American silang dalawa o alinman sa kanila para makatakbo sa 2022. Papalabasin na hindi sila pro-China. Ngunit alam naman ng madla at ng buong mundo na maka-China sila at gagawin ang lahat para sa China.

Dito magkakasubukan ng totoo sapagkat hindi kapani-paniwala na kampi silang dalawa sa Estados Unidos. Walang maniniwala sa kanila. Pinaniniwalaan na si Bong Go ang pointman ng Peking sa Filipinas. Walang gulugod sa likod si Sara.

Bahagi sa plano na palakasin ang puwersang demokratiko sa Filipino. Ito ang oposisyon na pinangungunahan ni Bise Presidente Leni Robredo. Imposibleng sina Duterte pa rin ang mangunguna sapagkat hindi makademokratiko ang kanilang ginawa sa bayan. Santambak na patayan, bumaha ang ilegal na droga sa bansa, at nakawan na umabot sa bilyong pisong halaga sa kaban ng bayan. Wala pa diyan sa listahan ang pagkampi sa China.

Paano kung lumaban sina Duterte at ang Davao Group?

Totoong magkakasubukan, ngunit nangyari ang ganitong tanawin ng lumaban si diktador Ferdinand Marcos sa puwersang demokratiko noong kalagitnaan ng dekada 1980. Naging destierro (exile) ang pamilya Marcos sa Hawaii.

Nakahanda bang na maging destierro sa China si Duterte at pamilya? Magandang tanong iyan.

***

NAKAKAALIW panoorin ang impeachment trial ni Donald Trump. Malalim ang ipinupukol na detalye at teyorya ng prosecution panel na binubuo ng mga mambabatas na Demokrata ng Kamara de Representante ng Estados Unidos. Mahirap sagutin sa kalaliman.

Nandoon ang mga video clip na nagpakitang si Trump mismo ang nag-uudyok na mga tila baliw na kasapakat at kaalyado na lusubin ang Capitol Hill noong ika-6 ng Enero ngayong taon. Hindi maipagkakaila sa madla ang mga ito.

Mahirap rin sagutin ang judicial doctrine na binabanggit ng mga prosecutor. Hindi dahil natapos ang termino ni Trump, maaari na siyang lumayo na walang pananagutan. Malaki ang kanyang pananagutan sa riot sapagkat nangyari ito noong presidente pa siya ng Estados Unidos. Kailangan sagutin niya ang ginawa niyang pag-uudyok sa mga tao.

Malamang makalusot si Trump sa impeachment trial sapagkat kasama sa pagplano ng riot ang mga senador na Republican na hahatol sa kanya. Iba ang may pinagsamahan. Hindi siya ilulubog ng mga kapartido niya sa laban. Iyan ang suliranin sa ngayon.

The post Taksil sa bayan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Taksil sa bayan Taksil sa bayan Reviewed by misfitgympal on Pebrero 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.