KUNG kami ang tatanungin, isang malaking isyu sa halalang pampanguluhan sa 2022 ang katapatan sa Filipinas. Hindi dapat kapareho ni Totoy Kulambo ang uupo sa 2022. Hindi dapat na taga-Davao City ang kanyang kahalili.
Iba naman. Iyong tao na malinaw ang komitment sa demokrasya. Iyong tao na tapat sa Filipinas at hindi sa Tsina. Iyong hindi mamamatay tao. Iyong hindi magnanakaw. Iyong tapat sa serbisyo publiko.
Iyong masipag sa serbisyo publiko at hindi nawawala sa gitna ng krisis, maliit o malaki. Iyong may pagmamahal sa bansa at kapuwa Filipino. Iyong hindi trapo, o basahan ng pulitiko, at kapakanan ng bansa ang nasa isip.
Iyong hindi makasarili. Iyong may konsepto ng dangal at integridad. Iyong hindi ibebenta ang kapakanan ng bansa dahil lamang sa ilang piraso ng pilak. Iyong hindi papayag na dayuhang barko ang nasa laot.
Iyong hindi tatalikod sa mga komitment sa international community. Iyong kikilala sa mga tratado at kasunduan ng bansa. Iyong ipagtatanggol ang mga simulain at kasunduan sa karapatang pantao, climate change, at children’s welfare.
Iyong hindi sumpungin, bugnutin, may matinding pagkamuhi sa sarili at maging sa taong-bayan. Iyong hindi bastos at nagmumura sa publiko. Iyong may paggalang sa sarili at sa publiko. Iyong hindi tayo ililisya sa kagandahang asal.
Iyong marunong humarap sa bayan. Iyong taong marunong magpaliwanag. Iyong hindi nagbibigay ng fake news. Iyong hindi ginagamit ang pera ng sambayanan para lang buhayin ang kanyang troll army? Iyong aamin sa pagkakamali.
Iyong marunong humingi ng paumanhin. Iyong hindi mayabang. Iyong hindi nagsasamantala sa kahinaan ng mga babae. Iyong hindi bilid kay Donald Trump at Xi ji-ping.
Iyong kabaligtaran ni Totoy Kulambo.
Mahirap humanap ng lider na kabaligtaran ni Totoy Kulambo. Hindi naman siguro. Maraming mahusay na lider subalit hindi nabibigyan ng pagkakataon. Sila ang may matwid na umugit ng pamahalaan. Naging mapusok tayo at barumbado at iniupo natin sa Malacanang noong 2016 si Duterte. Napilitan tayo sa isang bastos at walang karapatan na pangunahan tayo. Tayo ngayon ang nagdurusa sa walang direksyon na pamumuno ni Totoy Kulambo.
Subalit sa gitna ng lahat, kailangan ang matibay na paninindigan upang matuldukan ang kabuktukan ng naghaharing uri na pinangungunahan ni Duterte. Kailangan ng pagbabago sa bansa. Kailangan ng ibayong pagmamahal sa bansang ating sinilangan at kinagisnan. Ito ang bansang umaruga sa atin.
Mahalaga magawa ang mga pagbabago lalo na sa sektor ng pananakahan at paggawa. Kailangan mapangalagaan ang kanilang interes. Kailangan na mahalin sila ng taos-puso.
The post Isyu sa 2022 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: