Facebook

Romantiko ang mga bilihin ngayon

SIGURO naman ay nakakain na kayo o inyo nang narinig ang restaurant na kung tawagin ay “Romantic Baboy”. Bagong konsepto, bagong pangalan sa makabagong panahon.

Ngunit inabot na rin ng bagong problema – ang pagiging romantiko na rin ng mga presyo ng bilihin. Bakit ka niyo? Eh di ba nga, “NAGMAMAHALAN” na ang lahat ng bilihin ngayon, kaya romatiko maging presyo ng baboy.

Huwag na tayong pumunta pa sa ibang bilihin. Sa baboy na lang muna tayo. Bakit ba rumagasa ang mga presyo ng mga ito?

Ang sabi ng Pork Producers of the Philippines (PPP) ang sanhi daw ng pagiging romantiko o pagmamahal ng baboy sa Pilipinas ay gawa ng mga ganid na ‘importers’ at sabihin na nating mga ‘smugglers’ dahil sa talamak na pagbaha ng mga ito ng imported na karne sa bansa.

Di lamang tayong mamamayan ang pinahihirapan ng mga lokong to, kung di maging ang pamahalaan ay ninanakawan pa ng mga ito ng dapat sana ay tamang buwis, sa kanilang di pagdedeklara ng tama sa mga ipinapasok na karne dito sa atin.

Ang kwentada ng PPP ay nasa P27 bilyong piso na ang nawala sa pamahalaan sa pandarayang ito. Ang halagang yan, paliwanag ni Agriculture Sector Alliance of the Philippines at PPP Vice President Nicanor Briones, ay nangyari na sa loob ng tatlong taon.

Tatlong taon na, na pandaraya sa pamahalaan sa pamamagitan ng hindi tamang pagdeklara ng produkto para maibaba ang taripa at buwis na babayaran. Wala pa sa usapan ang under evaluation sa problema.

Yan ay sa kabila na ang ating mga lokal na magbababoy ay binabalikat pa ang pesteng African Swine Flu (ASF) kaya nauubos ang lokal na produksiyon ng baboy.

Sa datos nga raw ng Department of Agriculture (DA), paliwanag ni Briones, apat na milyong baboy na ang nawala nang dahil sa ASF. Ngunit para sa kanila lima hanggang anim na milyon na ang bilang ng mga baboy na namatay dahil sa ASF sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ito raw ay 40 prosiyento ng populasyon ng baboy sa bansa kaya humataw ang presyo ng lokal na baboy.

Wala silang ibang hiling kundi imbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang talamak na iligal na pagpuslit ng baboy sa bansa na di lamang dobleng kumikitil sa hanap-buhay ng mga magbababoy kundi mismong sa mga end users o mamamayan.

Baboy na nga, binababoy pa. Ang sabi nga ng ilang tinderong naka-usap ko. Ano nga naman ang panama ng pagsusumikap ng DA na puksain ang ASF at ang pagmomonitor nito sa presyo ng karneng baboy, kung patuloy ang mga smugglers sa pagpasok ng mga imported na karne.

Kaya napilitan pati Pangulong Duterte na mag-utos ng price cap o hangganan ng presyo sa karneng ito para sa mga retailers o nagtitinda ng tingi sa mga pampublikong palengke sa Metro Manila sa loob ng dalawang buwan.

Sino-sino pa ba ang dapat gumalaw para matigil na ang pagiging romantiko o ang pagmamahal ng baboy?

The post Romantiko ang mga bilihin ngayon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Romantiko ang mga bilihin ngayon Romantiko ang mga bilihin ngayon Reviewed by misfitgympal on Pebrero 11, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.