JEDDAH – Tatlong OFW ang pinagnakawan at isa sa mga ito ang hinalay ng hindi nakikilalang mga lalaki sa kanilang tinitirhan sa Saudi Arabia noong Miyerkules ng gabi.
Isinalaysay ng isa sa mga biktima na nagpakilala umano na mga pulis ang mga salarin, pakatapos itinali ang kanilang mga kamay at hinalughog ang buong bahay upang magnakaw, at hinalay pa umano ang isa sa kanila.
Sa kwento ni Ana (hindi tunay na pangalan), 10:00 ng gabi noong Miyerkules may kumatok sa kanilang pinto.
Inakala daw niyang ang kasamahan na umalis ang kumatok kaya kampante niyang binuksan ang pinto.
Nagulat na lamang daw siya ng bumungad sa kanyang harapan ang dalawang lalaki na naka-face mask at may hawak na baril at ID.
Nagpakilala daw na mga pulis saka pumasok ng loob ng bahay at tinalian ang kanilang mga kamay.
Pagkatapos, ayon kay Ana, itinago sila sa isang kwarto at saka hinalughog ng dalawang lalaki ang kanilang tirahan.
Ayon kay Ana, ang masakit pa, hinalay umano siya ng isa sa mga nanloob sa kanila.
“Tapos, pinalabas nya po ako sa kwarto at dinala po nya ako sa isang kwarto, ginalaw nya na po ako. Sabi ko nga po sa kanya ‘wag po sir maawa po kayo’ sabi ko sa kanya … umiyak na lang po ako sa sakit po ng ginawa nya sa akin, sobrang sakit po talaga hindi po sya naawa. Umiyak na lang po ako,” salaysay ni Ana.
Agad namang pinayuhan ng Kaagapay Advocate Group, grupong tumutulong sa mga OFW, na tumawag sila ng pulis sa pamamagitan ng hotline para matulungan sila agad.
Sa panayam Kay Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate sa Jeddah, sinabi nito na tama ang ginawa ng mga biktima na tumawag ng pulis upang agad silang mabigyan ng tulong.
Hindi rin daw kasi agad makakapunta ang mga tauhan ng konsulado sa kanila para sila matulungan dahil sa layo ng kanilang kinaroroonan sa Jeddah kung saan naroroon ang konsulado.
Ang lugar ng Abha, kung saan naroroon ang nasabing mga OFW, may halos walong oras ang byahe mula sa Jeddah.
Ayon kay Badajos, kung sakaling hindi dumating ang agarang tulong ang gagawin daw ng Assistance to Nationals at ng POLO ay magpapapunta ng kanilang mga tauhan sa kinaroroonan ng nagka problemang mga OFW para sila kunin at dalhin sa Bahay Kalinga sa Jeddah upang habang inaayos ang kanilang problema ay nasa safe na lugar na daw sila at ang kanilang mga opisyal ng konsulado ay makikipag-ugnayan sa mga pulis.(Lordeth Bonilla)
The post 3 OFW sa Saudi nilooban: 1 ni-rape appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: